January 8, 2017

Kapag Nakita Mo na Siya - Maimai Cantillano

Kapag Nakita Mo na Siya
ni Maimai Cantillano

Kapag nakita mo na siya, huwag kang magtaka kung ‘di ka agad niya makilala. Kung ano yung naramdaman mong kilig, baka yun naman ang naramdaman niyang inis. Kung paano mo siya titigan, baka ganun ka lang din niya lagpasan, balewalain, at hindi pansinin. Kung gaano kabilis yung tibok ng puso mo nung nakita mo siya, baka ganun din kabilis ang pag-alis niya. At sigurado ‘ko, itataboy ka niya palayo.

At kapag nangyari ‘yon, ‘wag mo sanang isiping wala nang pag-asa. Siguro, sanay na lang din talaga siyang mag-isa. At sa hinaba-haba ng panahon ng pag-iisa niya, iniisip niyang hindi niya na kailangan ng iba, ng isang katulad mo na maaaring magdala sa kanya sa ibang mundo. Marahil ganyan ang turo sa kanya ng buhay at pag-ibig – ang damhin ang lahat ng sakit, ang tanggapin ang anumang ibato ng buhay, ang palayain ang lahat ng emosyon hanggang sa wala na siya muling maramdaman pa.

Kaya’t kapag nakita mo na siya, hindi na siya naniniwala sa paghiling sa mga bulalakaw. Hindi na siya namamangha sa mahika ng buwan at mga bituin, o sa kung anumang puwersa ng uniberso na maaaring magtulak sa kanya patungo sa’yo. Hindi na siya naniniwala sa anumang salita na nilikha ng pag-ibig. Hindi na siya naniniwala sa pag-ibig.

Kapag nakita mo na siya, baka ang tanging papel na lamang ng puso niya ay ang panatilihin siyang buhay. Baka tumitibok na lamang ito upang padaluyin ang dugo sa katawan niya, dahil kapag nakita mo na siya, hindi niya na alam ang pakiramdam ng magmahal at ng mahalin, ng arugain, at yakapin.

Ngunit, huwag kang mag-alala dahil mukha lang naman ng pag-ibig ang nakalimutan niya. At ipaalala mo ito sa kanya. Huwag kang magsasawang ipaalala sa kanya kung gaano siya kaganda. Huwag kang titigil sabihin sa kanyang mahal mo siya kahit na sa bawat pagbanggit mo ng mga salitang, “Mahal kita,” ay pait at sakit ang naaalala niya. Huwag kang titigil na sabihin ito sa kanya hanggang sa maalala niya na sa likod ng bawat pait ay may tamis. Sa likod ng bawat sakit, ay may ligayang dulot ang mga salitang, “Mahal kita."

At kung saktan ka man ng mga salita niya, gantihan mo ito ng yakap. Kung magpumiglas siya, hatakin mo siya pabalik at yakapin ulit. Kung paulit-ulit siyang umalis, paulit-ulit mo rin siyang habulin. Kung paulit-ulit siyang bumitaw, paulit-ulit mo rin siyang hawakan.

Pakiusap, huwag na huwag mo siyang bibitawan. Huwag na huwag mo siyang pakakawalan. Ipaalala mo sa kanya na minsan rin siyang naniwala sa paghiling sa mga bulalakaw, na minsan rin siyang namangha sa mahika ng buwan at mga bituin, na minsan rin siyang naniwala sa mga salitang nilikha ng pag-ibig, na minsan rin siyang naniwala sa pag-ibig.

Ipakita mo sa kanya ang bagong mukha ng pag-ibig. Pakiusap, huwag na huwag mo siyang susukuan hanggang sa maisip niya na ang pag-iisa ay mayroon ding hangganan.