Sinubukang pagkumparahin, ni Leslie Anne Liwanag ng DLSU Manila sa kanyang papel na pinamagatang David vs. Goliath: Ang Pakikipagtunggali ng Masinag Market Laban sa SM Masinag sa Lungsod ng Antipolo, ang isang palengke (Masinag Market) at isang bagong shopping center (SM Masinag). Sa simula pa lamang ng kanyang presentasyon ay nahinuha ko nang mananalo, o mas magmmumukhang papanigan ng kanyang papel ang SM Masinag dahil sa sinabi niyang gusto malaman ng kanyang saliksik kung "paanong nakikipagsabayan ang mga makalumang palengke sa mga bagong shopping center." Doon pa lamang, masasabi ko nang kahit na mukhang pagkukumparahin niya pa at magpipilit na lamang na mapatingkad pa ang imahe ng Masinag Market, nakikita kong mayroon na siyang nakikitang pruweba, mula sa mga naobserbahan niya nang mga tao at nangyayari sa dalawang kaligiran, na mas tinatangkilik na ng mga mamimili ang SM Masinag. Kasi kung titingnan niyang, halimbawa sa umpisa, na magkapantay ang dalawa para subukang pagkumparahin, marahil ay hindi niya gagamitin ang salitang nakikipagsabayan. Ano 'to? Mabilis ang isa at humahabol ang isa? Nang inilahad na niya nga ang kanyang mga datos at diskusyon gamit ang kanyang pangunahing paraan ng pagsuri na iba't ibang tunggaliang kapital, lumamang na ng isang puntos ang SM Masinag. Kinailangan niyang magpasok ng bagong tunggaliang kapital dahil sa magkakaroon ng pantay na marka ang dalawang naglalaban, o pinaglalaban. Ginawa niya ito para magkaroon lamang talaga ng panalo mula sa dalawa at hindi na lamang basta pagkumparahin ang dalawa. Lalong tumingkad ang plano ng mananaliksik na magkaroon ng mas maganda na bilihan sa kanyang inobserbahang lungsod.
Sa dulo ng kanyang presentasyon, sinubukan niya namang hindi ipahalata ang kanyang pagkiling sa isang panig. Binanggit niyang, "As long as mayroong pagtugon sa tao, nagpapatuloy ang negosyo." Lubhang napakalabo na nito para sa akin (kasi tanga nga ako) sapagkat tila nasisira ng ganitong pangwakas na pangungusap na inilahad ko nang pinahihiwatig ng mananaliksik kanina. Kung hindi na niya sana nilagyan pa ng check mark ang SM Masinag bilang pag-apruba sa kanyang kinakampihang lokasyon, matatanggap ko pa na wala talaga siyang pakialam sa dalawa bilang pag-apruba na rin sa kanyang piniling pahayag ng pagtatapos. Negosyo lang pala ang mahalaga e. Bakit ka pa nagsulat? Why the title? Why the primary objective?
Mula sa kanyang mga rekomendasyon, maaari ring sigurong nahirapan siyang huwag talagang pumanig sa isa dahil iminungkahi niya talagang wala dapat papanigan ang isang mananaliksik. Bakit niya pa inirekomenda ito? Dahil ba sa hindi niya ito nagawa nang taos sa kanyang saliksik? Hindi na rin kailangan pang sabihing mahalaga ang pagkakaroon ng mabisang adviser dahil kumon na itong maiisip ng isang mag-aaral na sa unang pagkakataong gagawa ng kanyang thesis.