Narito sa aking dinadala ngayon ang patunay ng hindi pantay na antas ng karangalan. Ang dangal ay makitid, mailap, at mabangis. Hindi pumapalag kung susuyuin ngunit kung bumalak ay sagad ang pagsugod sa aking mataimtim lamang.
Nalalabi na lamang ba ang aking panahon? Wala sigurong may nakasisiguro. Magtatakda lamang ang oras kung iibahin ang tiyempo ng naghahanap pa rin sa akin na madla. Makakailang ulit pa rin ako sa aking mga kasalanan, pag-iibahin ko pa rin kung ano ang wasto at kung ano na lamang ang mali sa aking mga hinaharap, ngunit sa pagmatyag sa dilim ng pagpipigil ng aking isinukang pangarap, hindi na rin masamang pumayapa kung minsan ang hinihinging paalam.
Diyan na muna kayo, o dirito muna ako. Paparayang hihinahon din naman ang aking mga rumaragasang alon. Mag-ingat ka, dahil ang pagbabago'y iihip sa mga talampas, sa galit ng matatatag, sa luntiang sumusuroy lamang kung makalanghap ng panibagong kulimlim. Maaaring nag-iisa lamang ako ngayon, o magpahanggang sa kawalan, subalit titipo, iindahin ang mga kaunting pagtingin nang makabalik muli sa aking upuang pinanggalingan.