Pagtunggaliin mo na kami, pakiusap. Matagal na kaming nagtititigan. Galit na galit na akong magalit. Sa kanya'y may pag-amba pang malayo ang pakiwari. Gusto ko nang masuntok ang kanyang kaluluwa nang makilala niya ang tunay na bakit. Sa tuwing magkakaroon ng badya, sisikmurahan ko agad hanggang sa ako naman ang makaramdam, na ako naman ang makaramdam ng eksaktong pagpalag na hindi ko mapapantayan.
Umiikot na naman ako. Hindi ko naman sinasadya. Lahat ng ito'y hindi naman para sa kanya ni para sa iyo, ni para sa inyo. Ang pare-parehong halaga ng iba't ibang bagay ay likha lamang ng mga maiinit ang dugo. Kumalma ka lamang muna, hindi tulad ko. Hilaw akong matatag na aamin. Hindi naman kita pinipilit, at wala namang pumilit sa iyo. Kung mayroon mang pumilit sa iyo, ikaw na mismo iyon. Pareho lamang tayong naghihintay sa wala.
Banggit ng iba, mas matagal kung hihintayin, ngunit ang pagbalik sa kung anong surpresa ay kapana-panabik nga naman. Magkatuwang ang paghihintay at sining, at hindi ko pa rin sinasabing may husay at nagpapaalam. Ito'y pagtalikod sa nakaraan, ngunit maya't mayang may paglingon. Kung sa uulitin, ako lamang muli ang aking babalikan. Masaya na sa bawat pag-ambang may galit at tuwa, may pagsilip at hintay, may ngiti at irap. Magkasunod at magkapatong ngunit hindi pa rin nagkikita.