Minsan ma'y naluluha ang aking mga titig sa lubhang ganda ng iyong mga pagbalik. Maiilang ako agad, ibabaling kunwari ang atensyon, mapapangiti pa rin sa huli. Lahat naman, mukhang gago kapag kinikilig. Pero wala ring tangang nagpigil ng damdamin.
Minsan na lamang ako matanga sa'yo. Parang ngayon ko lang tunay na hinayaan ang puso ko na samsamin ang bawat pinapakawalan mong saya. Hindi na ako laging kinakabahan. Hindi ko na iniilagan pa ang iyong mga ngiti. Masaya na ako kapag masaya ka.
Ang ganda mo. Hindi ko na itatanong pa kung ilang ulit pa ba ang dapat kong ulitin. Giliw ko, hinding-hindi ako magsasawang ipaalala sa iyo na ikaw ang liwanag sa aking umaga. Ikaw ang simoy sa aking init. Ikaw ang halimuyak sa aking hardin. Ikaw ang tamis ng pag-ibig. Ikaw ang diwa ng buhay.
Walang sumasalo sa akin. Nawa'y wala na rin pang magtangka. Sa bawat malungkot na paalam, mapalad na akong mininsang bigyan mo rin ng halaga.