Ano ba ang
kasaysayan ng Pilipinas? Ang kasaysayan ay ang mga pinagdaanan ng mga nangyari
sa Pilipinas sa bawat panahon. E ang panitikan ng Pilipinas? Ang panitikan
naman ang mga karanasan ng mga Pilipino o ng mga katutubo ng Pilipinas na maaaring
naisulat o naipapasa nang pasalita. Ito ay ang kolektibong mga karanasan ng mga
Pilipino sa paglipas ng panahon na nagsasabi ng ating kultura, kinagisnang
kalinangan, mga kaugalian at iba pa. Samakatuwid, ang panitikan ang
makapagsasabi o makapagpapakilala kung sino tayo, kung ano ang papel natin sa
bansa. Kung mayroong kasaysayan at panitikan ang Pilipinas, hindi malabong may
kasaysayan ang panitikan ng Pilipinas. Nais sanang pagdiinan ng papel na ito na
ang kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas ay hindi kumpleto, o sa madaling sabi
e kulang-kulang, na maaaring magpahiwatig na ang pagkaltas sa sana’y maaaring
makapagpakilala sa ating mga Pilipino ay sinadya, o maaari ring hindi pa rin
nagiging malalim ang paghuhukay sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang pag-aakala
nating kumpleto na tayo kasi may kasaysayan tayong naisulat e kulang pa rin
pala. Sa dami ng akala nating bumubuo sa atin e kakaunti pa rin pala ang
pagkakakilala natin sa ating pagka-Pilipino. Sa dami ng mga nakolektang
impormasyon tungkol sa lahi ng matatapang at malilikhain sa Pilipinas e yung
iba pala ay hindi totoo, inedit at hindi para sa lahat ng Pilipino kundi
maaaring para lamang sa isang lahi, sa isang tao, at hindi para sa Pilipinas.
Ano ang literary history ng Pilipinas? Ito
ay ang mga pinagdaanan ng literature ng Pilipinas sa bawat panahon. Ito ang mga
pagbabago, pagbabawas at pagdadagdag sa literature. Nakapasok na rin dito kung
paanong umunlad, pumasok, nagsimula, hinaluan at nabagu-bago ang buong panulat
ng mga Pilipino tungkol sa mga karanasang paglaban, pasining at natural na
bugso ng damdamin.
Pero
ano nga ba talaga ang literary history? Ito ba ang History ng Literature? O Literature ng History? May malaki nga bang
pagkakaiba sa dalawang nabanggit para sa ibig sabihin ng kasaysayan ng
panitikan ng Pilipinas? Iba ang pagkukuwento ng talagang nangyari sa
kasaysayan, sa paraang masining man o direktang pagsasalaysay ng mga aktuwal na
nangyari. Ang Literature ng History ay maaaring patago, nakatago o naitago. May
mga panulat na itinatago ang kanilang mga nais sabihin para hindi mahuli ang
mga manunulat na nais magmulat sa mga taong kanilang nais maimulat sa
katotohanan. Pumapasok na rito ang usapin ng censorship na ginagamit ng
karamihan ng mga manunulat na bumabatikos sa mga nakatataas. Dahil nga naman sa
ayaw ng mga nasa itaas na malaman ng kanilang mga nilalapastangan at
pinagsasamantalahan na nakapandaraya na sila sa kanilang mga nasasakop,
idinadaan ng mga manunulat sa pagpapahiwatig ang mga nangyayari sa mga hindi pa
nakakikita. Nakikita ng mga manunulat ang mga nakikita na rin ng mga
nilalapastangan. Nakikita nga ng mga pinagsasamantalahan ngunit hindi rin naman
nila nakikita. Nagiging daan ang mga manunulat sa paglilinaw ng mga malalabong
nakikita ng mga inaabusong Pilipino.
O
ito ang History ng Literature? Iba rin naman ang pagkukuwento tungkol sa mga
lumitaw na kuwento, tula, dula at awit na isinulat, isinalin o ipinasa nang
pasalita o paawit sa simula pa lamang ng kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring
nagsimula na ang kasaysayan ng Pilipinas ngunit hindi pa nagsisimula ang
panitikan dito. Iba ang pagsasalaysay ng pinagdaanan ng mga panulat ng Pilipino
sa panulat tungkol sa pinagdaanan ng mga Pilipino. Ano ba talaga ang Literary
History?
Ang
Literature ng History ay maaaring fiction at non-fiction. Nabanggit na kanina
na ang pagsusulat sa Pilipinas ay maaaring tungkol sa Pilipinas, tungkol sa mga
kasaysayan dito at maipapasok na rin ang sining sa panulat at pag-awit ng mga
Pilipino tungkol sa kanilang mga karanasan, tungkol sa kanilang kasaysayan. Ang
literature ng history ay ang pagkukuwento ng kasaysayan. Ang pag-aaral ng
literature ng history ay ang pag-aaral ng nilalaman at istilo ng panulat ng mga
Pilipino simula noon hanggang sa ngayon, na madalas nakabatay sa mga piling
panahon.
Samantalang
ang pag-aaral ng History ng Literature ay ang pagbibigay-diin sa pag-aaral ng
istilo at pagkakita sa pag-unlad at pagbabagong nangyari sa literature sa lahat
ng panahon. Kung ang Literature ng History ay ang pagtingin sa kasaysayan ng
mga tao, ang History ng Literature, sa pinakamadaling sabi ay ang pagtingin sa
kasaysayan ng panulat ng mga tao. Maaaring sabihing bahagi ng history ng
literature ang literature ng history. Mula rito, maipagpapalagay na mas malaki
ang sakop ng history ng literature dahil pasok dito ang pagkakapanganak ng
literature hanggang sa mga kasalukuyang panulat. Sapagkat kasama sa kuwento
tungkol sa mga Pilipino ang kuwento tungkol sa simula at pag-unlad ng kanilang
mga panulat at pag-awit, ang history ng literature ay bahagi lamang ng literature
ng history.
Ang
literature ng history ay may pinipili lamang na panahong nais na ipakita sa
mambabasa. Nakapasok sa mga imahen ng bawat panulat ang mga nangyayari na kung
pagsusumahin at kokolektahin ang lahat ng panulat ay maikakahon sila sa bawat
panahong kanilang ikinukuwento o maaari ring pagpangkat-pangkatin sa grupo kung
saan ay sinasabi kung kailan sila isinulat.
Kapag
binasa ko ang libro, madaragdagan lamang ang kaalaman ko sa bawat panahong alam
ko tungkol sa history at maaaring maliit na kontribusyon lamang sa alam kong
history ng literature. Mula rito, kakarampot lamang na bahagi ng alam kong
history ng literature ang napasukan. Habang nadaragdagan ang mga kuwento sa
isip ko tungkol sa mga tumira at nanatili sa Pilipinas, malaki ang naitutulong
nila para sa kung ano ang masasabi ko sa kasaysayan nating mga Pilipino, ngunit
kakaunting pagdidikit lamang ng mga katangian, nilalaman at karanasan ng mga
panulat ng mga Pilipino ang maipapasok ko para sa alam kong kasaysayan ng ating
mga nakasulat na karanasan. Kailangan ko pang magbasa ng mas marami kung
pagtutuunan ko ng pansin ang history ng literature. Hindi na ako kailangang
kabahan pa para sa mga alam ko sa kasaysayan ng ating bansa kung sa pag-aaral
ng pa lamang nang pautal-utal sa history ng literature ay marami na akong
nahihigop tungkol sa literature ng history.
Kung
ang panulat ay tungkol sa karanasan ng mga tao, at ang kasaysayan ang mga
kuwento tungkol sa karanasan ng mga tao, maaari ko bang sabihing ang history ay
literature at ang literature ay history? Mismo? Kung ang history ay nakasulat,
o maaaring isulat, maaari naman itong ikategorya sa literature. Kasama na ito
sa mga umusbong na sumulat dahil nabanggit naman kaninang ang literature ay
maaaring fiction at non-fiction, at kung susuriing mabilis lamang ay ang
history ay non-fiction literature. Ang history ay literature. Kung ang
literature ay ang pagkukuwento ng mga karanasan, totoo man o hindi, pasok pa
rin ito sa mga kuwento ng tao, kuwento ng karanasan ng mga tao, kasaysayan ng
mga tao, kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring makapagsabi o makapagpahiwatig ng
mga bagay-bagay na nangyari simula noon hanggang ngayon ang mga sinasabi at
isinasalaysay ng mga manunulat kaya’t maaari nang isumang ang literature ay
bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko sinasabing bahagi ng bawat
sibilisasyon ang pagkakaroon at pagkakapanganak ng kanilang mga manunulat kundi
bahagi ng kani-kanilang mga kasaysayan ang mga ipinanganak ng kani-kanilang mga
manunulat. Ang literature ay history.
Kailangang
aralin ang literature tungkol sa history. Hindi lamang nito masasabi kung ano
ang nangyari noon kundi sinasabi rin nito ang nangyari sa ating panulat, kung
paano itong nagsimula, nabago at maaari ring nawala o napalitan, nag-evolve sa
mas maganda pang klase o istilo ng paghahayag ng karanasan at damdamin. Kailangan
ding aralin ang literature na hindi tungkol sa history. Ito yung mga panulat na
hindi pa nangyayari o maaaring patungkol pa sa ibang fiction na may posibilidad
pang mangyari sa pag-usbong lalo ng teknolohiya. Ito yung mga sinasabi nilang
may kahalong magic, o super advanced technology na maaaring feasible at
maaaring hindi. May mga panulat kasing hindi patungkol sa kasaysayan o
karanasan ng kanyang manunulat. Maaaring ang panulat ay magsasabi ng kasaysayang
nais mangyari o hindi pa nangyayari ngunit gusto o maaaring mangyari ayon sa
kanyang manunulat. Mula rito, pumapasok na ang problema sa isang literature tungkol
sa isang Panahong hindi naman ginawa sa Panahong inilapat sa akda. Ito ay ang
problema tungkol sa kung saan dapat ikahon ang iprinisentang halimbawang akda:
sa Panahong nakapaloob dito o sa Panahong kinapapalooban niya?
Kung
magsusulat ako ng literary history ng Pilipinas, kailangang nahahati ito sa mga
panahon. Maraming sinasabing panahong tungkol sa mga kasaysayang ating nababasa
pero may tatlo pa ring lumalabas na pangunahing mga panahon sa akademya: ang
panahong wala pang mananakop, panahon ng mga mananakop at ang panahong wala na
yung mga mananakop. Medyo problematiko pa rin ang unang panahon dahil sa hindi
naman halos nahahati pa ang panahong ito batay sa mga panulat ng bawat isa,
hindi tulad ng sa pangalawang sobrang sikat dahil sa mga Espanyol, Amerikano at
mga Hapon, at sa ikatlo kung saan may mga nilabanang administrasyon sa Pilipinas.
Oo nga, may panahon ng bato, metal, tanso at kung anu-ano pa ngunit sa mga
antolohiya ng panitikan ng Pilipinas ay hindi nahahati ang pre-colonial na
bahagi. Hindi ba makikita ang panahong kanilang pinapasukan para sa mga mas
maliliit pang bahagi ng nabanggit na naunang panahon sa Pilipinas? O ang
konsepto ng panitikan ng Pilipino ay mas kinikilala lamang kung kailan lamang
kinilala ang salitang Pilipino at Pilipinas? Hindi pa ba mga Pilipino ang
isinasama sa pre-colonial na bahagi panitikan ng Pilipinas? Hindi na ba
kailangang mahati sa panahon ang bahaging ito? O kulang pa ang mga nakalap na
panitikang nanggaling sa panahong ito? Isa pa ay ang pagtawag sa mga bahagi ng
ikalawang panahon ng ‘ng kolonisador.’ Panahon ng Amerikano, panahon ng
Espanyol, panahon ng Hapon. Panahon ba nila iyon? E bakit nakasulat sa
kasaysayan at panitikan natin e sa kanila naman pala iyon? Kaya ba sinasabing
sa kanila ang Hapon ay dahil nasa ilalim tayo ng kapangyarihan nila noong mga
panahong iyon? O hanggang ngayon e kolonyal pa rin ang ating utak kaya panahon
nga nila iyon? Hindi ba dapat e Panahon ng mga Pilipino? Panahon ng Pilipino sa
ilalim ng Espanyol, Amerikano at Hapon? Sa atin ang panahon at hindi sa kanila.
Hindi naman sila nakatira rito. Nakitira lamang sila sa Pilipinas. Hindi sa
kanila ang mga panahon ng Pilipinas kung hindi sa atin. Atin ang ating mga
panahon.
May
mga literature din na post-modernistic at futuristic. Tulad ng nabanggit
kanina, ito yung mga panulat tungkol sa mga imposibleng mangyari at hindi pa
nangyayari ngunit posibleng mangyari. Ito yung mga panulat na feasible
scientifically o hindi, o sa madaling salita ay science fiction, na maaaring
patunayan o hindi na, o hinahanapan pa ng patunay, pero nakasulat. Ibig
sabihin, sila ay bahagi pa rin ng literature, at maaari na rin, ng history. Pero
saan natin sila ikakahon? Wala naman silang puwesto sa tatlong unang nabanggit
na panahon. Hindi naman puwede sa post-colonial kasi may bahagi pa rin sa mga
ito ang hindi na nga talaga mangyayari. Kapag nangyari na ba ang context ng
sinasabi ng isang literature, ililipat na ba ito ng kahon o saka lamang ba ito
maikakahon? Maaari bang nasa dalawang kahon ang isang literature? Kailangan
bang baguhin ang mga kahon o kailangan silang dagdagan?
Kapag
magkakahon ng isang bahagi ng literature papaloob sa isang period, pipiliin ang
panahon kung kailan ito isinulat o isinilang. Ang mga naisulat nang literature
sa panahon ng mga Espanyol ay nakapaloob sa panahon ng Espanyol ng mga naisulat
nang bahagi ng history ng literature. Maaaring sabihing may literature noong
panahon ng Hapon at maaari ring sabihing may literature tungkol sa panahon ng
Hapon. Paano ikakahon ang mga ito? Saan nga ba sila ikakahon? Ikakahon ko ba
ang mga ito sa panahon lamang ng Hapon?
Ano
nga rin ba ang panitikan na ng Pilipinas? Ito ba yung panitikang isinulat sa
Pilipinas? Paano kung dayuhan ang nagsulat tungkol sa Pilipinas, bahagi pa rin
ba ito ng panitikan ng Pilipinas? Panitikan na nila ito dahil sila ang sumulat.
Ito ang pagtingin nila sa Pilipinas o ang mga karanasan nila Pilipinas ngunit
hindi naman sila mga Pilipino. Maaaring sabihing problematiko rin ang terminong
panitikan ng Pilipinas. Baka naman sabihin na lang nating panitikan ng mga
nakatira sa Pilipinas. Ito ang panitikan ng mga Pilipino. Kaya kahit nasa ibang
bansa man ang isang Pilipinong manunulat at sumusulat siya tungkol sa bansang
iyon, panitikan pa rin iyon ng Pilipinas, ng mga Pilipino. E paano naman kung
Pilipino ka ngunit sa ibang bansa ka lumaki? Apektado ang iyong imahinasyon at
istilo ng panulat ng dayuhang kultura at kalinangan. Pilipino ka pa rin ba?
Panitikan pa rin ba ng Pilipinas ang iyong pinahahalagahan o panitikan na ng
bansang iyong kinalakhan at kulturang kinagisnan? Kailangan bang may umangking
bayan sa lahat ng mga panulat na inilalabas ng mga manunulat? O ang panitikan
ay para sa lahat naman ng mambabasa at hindi para sa kani-kanilang mga
manunulat?
Bakit
kailangang magkahon? Kailangan nating maikahon ang ating mga panitikan para
maging maayos at sunud-sunod ang pagtingin sa pag-unlad ng panulat ng mga
Pilipino sa Pilipinas. Ipinapangkat nang maayos ang bawat panitikan sa
Pilipinas para makita ang unti-unting pagbabago sa bawat panahon. Inaaral ang
pag-unlad ng panitikan ng Pilipinas para malaman ang pinagmulan ng panulat
nating mga Pilipino, kung paano tayong mag-isip, kung paano nating inilalabas
ang ating mga naiisip at nararamdaman, kung paano tayo nagiging iba at
natatangi sa iba pang mga lahi sa mundo. Tinitingnang mabuti ang panitikan ng
Pilipinas sa bawat panahon para makita ang daloy ng ating mga nais sa bawat
panahon, kung anu-ano nga ba ang mga lumilitaw na espisipikong hinahanap-hanap
natin sa bawat panahon para maikumpara ang hangarin ng bawat Pilipino, kung may
pagkakaiba man o pagkakapareho. Sa pagkakapareho, madaling masasabi kung sino
talaga ang Pilipino, kung paano siyang nakikibagay sa mundo, at para sa
pagkakaiba, lumalabas ang iba’t ibang naranasan ng mga Pilipino na maaaring
tumulong sa pag-abot o pagdating natin sa ating pagkakapareho.
Paano
magkakahon? Kailangang maikahon ang isang literature sa panahon kung kailan ito
isinulat. Maaaring sabihing apektado ng wika ang pagsusulat ng isang manunulat
tungkol sa literature na kanyang nililikha, ano pa mang panahon ang nakapaloob
at ang kanyang gustong isalaysay o ilahad. Hindi na iisipin ang nilalaman ng
isang literature kung nais magkahon. Iisipin na lamang kung kailan ito
isinulat. Ang wika ng manunulat ay nakapako sa panahong kanyang ginagalawan.
Apektado ng kapaligiran ng panahon ang wika ng isang manunulat. At kung
apektado ng wika ng manunulat ang kanyang literature na kanyang isinusulat, nakapako
ang kanyang nililikha sa kung kailan niya ito isinulat. Kaya kung may ikakahon
mang literature, ibabase ito sa wikang ginamit ng manunulat, sa wika ng kanyang
panahon, sa panahong isinulat ng manunulat ang kanyang literature.
Kung
may magbabasa man nito, madali itong mababasa dahil nga sa wika ng kanyang
panahon ang ginamit. Mas madaling magkakaintindihan kung magkapanahon ang
manunulat at ang kanyang mambabasa. Kung nais na madaling maunawaan ng target
na mambabasa, maaaring makibagay ang kasalukuyang manunulat at ibabase niya ang
kanyang tono sa tono ng kinaliligiran niyang mga tao o mas paliliitin niya pa
ito sa alam na wika ng kanyang target talaga na mambabasa. Maaaring ang target
na mambabasa ng isang manunulat ay naaayon sa panahon ngunit ang wika ng
panahon ay maaari pa ring pagpangkat-pangkatin. Naikakahon din sa marami pang
mga wika ang isang wika ng isang panahon. Sa madaling sabi, ang pagkakahon ay
maaari pa palang ipasok sa mas pailalim na spesipikong wika ng isang panahon,
mula sa mas karaniwan o pinaghugutang wika ng kinapapaloobang panahon.
Sa
akademya, mas mabilis na nauunawaan ng mga estudyante ang wikang mas gusto
nilang binabasa, lalung-lalo na kung nasa wika nila itinuturo ang paksa o nasa
wika ng kanilang panahon ang kanilang mga pinag-aaralan at sinusuri. Bilang
isang manunulat, kung magsusulat ako ng literature ng history para sa mga taong
labas sa akademya, isusulat ko ito sa wikang madali nilang mauunawaan. Hindi
lang naman para sa mga taga-akademya ang literature at ang history. Noong
panahon ng mga Amerikano, sikat ang mga sosyalistikong panulat sa mga taong
labas sa akademya, partikular na sa mga manggagawang Pilipino. Ang mga panulat
na ito ang nagmulat sa kanila tungkol sa mga nangyayari sa kanilang paligid.
Ang isang papel ng manunulat ay magpakita ng kanilang mga karanasan para na rin
sa mga taong nakararanas ng kanilang mga nararanasan ngunit bulag sa kanilang
talagang nararanasan. Ang pagsusulat sa wikang nakapaloob sa panahong
kinapapalooban ay pagsusulat sa panahon ng mga taong pumapaloob dito. Para saan
pa ang malalim na pagsusulat kung gusto kong gisingin ang mga natutulog na
hindi pa marunong sumisid?
May
literature noong panahon ng kolonyalismo na nakatago ang mga ibig sabihin para
hindi mahuli agad. Katulad ng nabanggit pa kanina, ang mga ito ay censored,
censored sa mga dayuhan ngunit hindi censored sa kamalayang Pilipino. May
paraang mas mabilis nating makikilala ang ating mga sarili nang hindi tayo
nakikilala ng mga taga-labas. Ang pagtatago ng mga pahiwatig ay magtatago nang
walang hanggan mula sa mga dayuhan dahil sa iba ang takbo ng kanilang isip sa
takbo ng isip ng mas madaling makaiintindi ng mga simbolismo at imaheng nakapaloob
sa isang literature. Itinatago nila ang kanilang mga identidad para hindi sila
mapahamak dahil ayaw ng mga nakatataas na binabatikos sila dahil sa kapag
namulat na ang kanilang mga pinagsasamantalahan, maaaring maalis sila sa puwesto
nang walang kalaban-laban, kaya maaga na nilang inaalisan ng kapangyarihan ang
sinumang mahuli nila.
Pero
may mga literature din na direktang bumabatikos at madaling mahuhuli ng isang
kalaban. Minsan, mas maganda na rin kung ang atake e madaling makapagpapaunawa
sa isang kalaban. Matatapang ang mga ganitong panulat sapagkat ang bomba ay
inilalaglag mismo sa upuan ng mga nakaupo, hindi lamang sa mga nakatayo. Sinusubukan
nilang kumbinsihin ang mga nakataas na walang pakialam na magkaroon naman sila
ng pakialam sa kanilang mga pinagtitripan. Kung may kakayahan silang hubugin
ang mga naghihirap, iniaangat nila ang kanilang mga kakayahan bilang mga
manunulat para hubugin naman ang mas matataas.
May
mga literature din ng Pilipinas na nakasulat sa mga banyagang wika. Dahil sa
kalat na ang pambansang wikang Filipino sa buong Pilipinas dahil sa pagkakalat
ng media at pagtuturo sa edukasyon nito bilang isang asignatura, kailangang
maisalin sa Filipino o sa iba pang mga wika ng Pilipinas ang mga wala sa wikang
Filipino. Naisulat man ito sa ibang wika, kung Pilipino pa rin ang sumulat nito
ay hindi naman siguro ito mailalayo sa kulturang Pilipino, sa wika ng isang
Pilipino. Baka naman mas madali pa itong mauunawaan at mas marami pang
maipapasok, masasabi at maidaragdag tungkol sa isinaling panulat mula sa
banyaga tungo sa isang wikang mas mabilis na mauunawaan ng isang Pilipino, kung
ang isinulat nga ay para sa Pilipino.
Makikita
sa Revolutionary Routes ang naging tulong ng literature at wika sa
pagsasalaysay ng mga nangyari sa history. Magkatuwang pa rin ang dalawa, ang
literature at ang history, sa pagpapublish ng mga kuwentong nais ipabatid. Hindi
maaaring paghiwalayin ang literature at history. Ang literature ay ginagamit
upang maipakilala ang history at ang history ay ipinapakilala ang literature. Ang
pagkukuwento ay hindi lamang nakatutulong sa pagdadagdag sa karanasan ng mga
tao kundi pati na rin sa karanasan ng ating panitikan.
May
nakapaloob pa ring kultura at ideology sa wikang ginagamit ng isang manunulat sa
kanyang paggawa ng literature. Kung nagsasalin, hindi rin naman agad-agad na
nakikita o naipararamdam ang nais na iparamdam ng manunulat sa kanyang target
na mambabasa. Sa kaso ng Revolutionary Routes, ang proseso ng pagsasalin ay
mula Espanyol hanggang Ingles at mula first-person hanggang third person. Kung
magkakaroon ng mas malalim pang pagbabasa ang isang mananaliksik, hahanapin
niya ang orihinal na akda para ikumpara sa naipublish at mas mapicture out ang
mga pangyayari, lalung-lalo na’t siya’y magbabasa sa first person point of
view. Mas magiging kumpleto ang karanasang kanyang iniimagine, mas buo dahil sa
mas detalyado at purong mga ideya sa orihinal na wikang ginamit.
Ang
papel ng literature upang maipasa ang kasaysayan, para sa mga mambabasang hindi
nakadanas ng nangyari sa nakaraan. Ang panitikan ang nagbabalik sa kanyang
mambabasa sa mga nangyari noon, sa mga panahong hindi niya kinabibilangan. Ang
panitikan ay naisusulat para maipakilala nga ang history. Sa unang wikang
ginamit para maisalaysay ang mga nangyari sa kanilang buhay, ang unang draft ng
Revolutionary Routes, maipakikilala ang uri ng literature sa panahong tumatakbo
sa isipan ng kanyang unang manunulat. Nabibigyang-diin ng history ang
literature na kanyang nasasakop.
Sa
Revolutionary Routes, may binanggit din tungkol sa Secret History. Bakit nga ba
may mga itinatagong history? Pili pa rin ba kaya ang mga itinuturo sa
elementarya? May kinakampihan ba ang mga historyador ng bansa? Kapag naisulat
ay dapat nababasa dahil kaya nga naisusulat ang isang literature ay dahil may
gusto itong patunguhan, may gustong mambabasa. Hindi dapat itinatago ang
kasaysayan at panitikan dahil isinulat ang mga ito para mabasa, malaman at
maunawaan at hindi para lamang maipon, maidisplay o mabulok sa baul. Hindi
dapat kinokontrol ang history. Hindi na ba mahalagang literature ang mga hindi
sikat? Kaya lamang ba sumisikat ang literature ay mahalaga sila? O pinipili
lamang ang mga pinahahalagahan? Hindi na dapat pahalagahan ang lahat ng
panulat? O implikasyon lamang ng Secret Histories na ito na kulang pa ang ating
history? Kapag hindi pa ba naisusulat ay hindi na bahagi ng ating panitikan?
Sa
parte na Tomas, the Lawyer ng Revolutionary Routes, makikita ang pagsilence sa
kapwa Pilipino para sa reputasyon ng isang sikat na Pilipino. Hindi lamang pala
ang mga kolonisador ang nagpatahimik sa mga nais sabihin nating mga Pilipino
ngunit mga kapwa din nilang Pinoy ang umagaw sa kanilang karapatang mag-ingay
na maaaring magpaalis sa isang tao at maaaring makapagpabago ng buong history,
ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng hinaharap. Kontrolado ang history ng
Pilipinas, hindi lang ng mga dayuhan, kundi ng mga Pilipino mismo. Hindi lahat
ng naisusulat sa libro e nangyari nang natural, sa madaling sabi e scripted.
Naisulat na agad ang history bago pa man ito naisulat.
Pansin
naman sa kuwento ng Crisostomo, the Guerilla ng Revolutionary Routes ang
pagtulong ng mga Hapon sa mga Pilipino laban sa mga mapagsamantalang Hapon. Madalas,
kapag sinabing mananakop, kalaban at masama agad na maituturing. Bawas na bawas
na talaga ang ating kasaysayan. Nagkukulang ang ating kasaysayan at panitikan,
hindi lamang dahil sa kulang pa ang mga nahuhukay ng mga historyador ngunit
pinipili pa rin mula sa mga kaunting nahuhukay ang mga nais lang ipabasa. Kakarampot
na nga, binabawasan pa. Makikita ang dalawang pagtalikod – ng Hapon sa Hapon,
at ng Pilipino sa Pilipino. Ang isa’y para sa kapakanan ng isa. Ang kabaitan ng
isang tao ay wala sa kanyang pinanggalingang bansa, hindi sa kinikilalang
natural o kumon mula sa kanyang bansa, kundi sa pagyakap sa tradisyon ng
kanilang bansa, sa tamang kultura at tradisyon ng kanilang bansang kinalakhan,
sa gusto ng kanilang bayan at hindi sa gusto ng kanilang mga tao. Naghihiwalay
ang pagiging makabayan at pagiging makasarili sa mga pagkakataong ito dahil
nakikita ang tunay na natututunan ng isang tao sa kanyang bayan o kung natututo
ang isang tao sa kanyang bayan. Nabubura ang pagtingin sa bandila at
kapangyarihan at bumababa sa mas madaling konsepto ng pagiging tao, malayo sa
isang lahi, malayo sa sarili, malayo sa usaping makasarili at pasok sa usaping
makabayan. Ang punto ng pagtataksil ay hindi laban sa kapwang kapareho ng
pinanggagalingan kundi laban sa mga itinuturo ng pinanggagalingan.
Mula
sa Cracks in the Parchment Curtain, pinalalabo ng dokumento ng mga Espanyol ang
maaari sanang malinaw na larawan ng nang dinatnan nila sa unang pagkakataon ang
mga katutubong Pilipino nang mapadpad sila sa mga isla ng Pilipinas. Sila nga
ay nakarating dito sa Pilipinas ngunit hindi sa punto de bista ng isang
Pilipino ang kanilang mga panulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga para
sa Pilipinas ang kanilang pagsusulat kaya hindi naman nila pinahahalagahan ang
pagsusulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga sila nagsusulat para sa mga
Pilipino ng Pilipinas ngunit nagsusulat sila tungkol sa kanilang mga
ekspedisyon at tungkol sa kanila, hindi tungkol sa atin. Ngunit mula sa kanilang
mga panulat na ito ay maaaring pagkuhanan ng kasaysayan natin kahit hind sila
para sa atin. Basta ba’t may nakapaloob na Pilipinas e maaari nating magamit
upang maipakilala ang sinaunang mga nangyayari sa bansa. Hindi man ito
panitikan ng Pilipinas, ang panitikan sa Pilipinas ay maaaring basahan tungkol
sa Pilipinas upang makilala din natin ang mga sinaunang Pilipino.
Binanggit
sa Cracks in the Parchment Curtain ang pagsilence sa mga hindi naman ganoong
kaimportante sa kasaysayan ng mga dayuhan. Tinanggal nila ito dahil hindi naman
mahalaga tungkol sa pagpapakilala ng kanilang pagiging mahusay pero mahalaga
para maipakilala tayo. E sa para sa mga tao nila, para sa kabuuang istorya ng
kanilang ekspedisyon ang kasaysayang kanilang isinusulat kaya hindi nila isinama
ang kasaysayang makatutulong sa mga hindi nila kalahi. Ang pagsulat ng kasaysayan
ay may pinipili lamang na mambabasa, mambabasa ng panitikan, panitikan ng
sariling lahi. Hindi naisusulat nang kumpleto ang kasaysayan dahil sa iba’t
ibang pagpapahalagang pinagtutuunan ng pansin na kanyang manunulat.
Ang
pagsulat ng panitikan ay hindi lamang ginagawa para may maisalba sa kasaysayan
kundi binabawasan ito base sa importansya nito sa manunulat. Kung hindi naman
magagamit ng kanilang lahi e hindi na nila kailangan pang pagbutihin ang
pagsulat tungkol dito. Hindi kinokonsidera ang kasaysayan ng ibang lahi kung
magsusulat ng tungkol sa lahing kinabibilangan. Isa rin itong halimbawa ng mga
dahilan kung bakit kulang o bawas ang panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.
Alam na agad ng manunulat ang kanyang magiging mambabasa.
Ang
manunulat ay mahalaga sa kasaysayan at panitikan ng kanyang bansa. Siya ang
nagdaragdag, nagpapaunlad at pangunahing tumutulong sa pag-usbong ng panitikan
at nagpapakulay sa kasaysayan. Kung walang manunulat, walang panitikan,
magkukulang ang kasaysayan. Kung walang manunulat, walang makaaalam ng
kasaysayan. Ang manunulat ang may kapangyarihang magpasimula ng mainstream at
mayroon din silang kapangyarihang sirain ang mainstream. May kapangyarihan
silang ipakilala na ang mga may kapangyarihan ay wala naman palang kapangyarihan.
May kapangyarihan ang isang manunulat na bigyang ng kapangyarihan ang mga
walang kapangyarihan o ipaalam sa isang indibidwal na mayroon pala siyang
kapangyarihan. May kapangyarihan ang manunulat na tuluyang makilala ng isang
nilalang ang kanyang pagkatao at kaya rin ng isang manunulat na tapakan ang
pakatao ng isang indibidwal at masira nito ang unang kinikilala niyang akala
niya ay kanyang tunay na pagkatao. May kapangyarihan ang isang manunulat na
ipakilala sa kanyang mga mambabasa ang kapaligirang kanilang ginagalawan,
magsiwalat ng mga sikreto at magbunyag ng mga hindi pa nakikita sa mga hindi pa
nakababasa sa kanila o sa mga hindi mapanuring matang di natutulad sa mga mata
ng isang manunulat. May kapangyarihan din silang itago ang mga nalaman nila
ngunit kahit kailangan nilang isiwalat ang katotohanang kanilang mga nakita,
maaari rin silang pigilan ng mga nagkukunwaring mas makapagyarihan pa kaysa sa
kanila.
Mula
sa dalawang Sarilaysay, hindi naman agad na nagiging mahusay na manunulat ang
isang manunulat. Karaniwan sa mga manunulat noong bata pa e, nakahihiligan na
nilang magsulat. Ang pagsisimula nang ganito mula pa lamang sa murang isipan ng
isang tao ay maaaring makatulong upang maaga nang mahasa ang angking galing at
pagnanais na magsulat para sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas. Pero hindi
pa sila agad naghahangad ng makilala ng kapwa nila ang kanilang mga sarili.
Nagsisimula sila sa pagkilala ng kanilang sarili. Nababanggit sa dalawang aklat
na nagsusulat pa lamang sila noong mga bata sila dahil sa iyon ang gusto nila.
Gusto lang talaga nilang magsulat. Ginagamit nila ang kanilang panulat para
mailabas ang hindi nila masabi, upang mailabas ang kanilang mga nararamdaman. Hanggang
sa magsimula na silang magbasa nang magbasa, dumadami at mas namumulat ang
kanilang mga murang isipan, mas lumalalim ang kanilang mga panulat hanggang sa
hindi na lamang sila nagsusulat para sa kanilang mga sarili kundi nagsusulat na
sila para sa iba, para sa kanilang mga mambabasa.
Kapag
nakilala na nila ang kanilang sarili at handa na silang pasukin ang mundo ng
isang manunulat, ang mundo ng pagpapakilala ng sarili ng iba, ang mundo ng
pagmumulat sa iba, may mga daan pa rin silang dapat lampasan upang lubos na
maipagpatuloy ang napiling destinasyon. Maliban sa patuloy pang pagbabasa ng
napakarami at pagsusulat nang patuloy, maraming manunulat din ang sumasali sa
mga contest, sumasali sa mga writing organization at sumasali sa mga workshop
kasama ang kapwa nila manunulat o yung mga manunulat na sa tingin nila agad e
mas magagaling sa kanila. Doon nila mas nakikilala ang kaibahan nila sa kapwa
nilang manunulat at nakatutulong din ang mga kapwa nila sa pag-unlad pa lalo ng
kanilang mga panulat. Mahalagang mapaunlad nang maayos ng isang manunulat ang
kanyang pagsulat dahil sa kailangang maging consistent o iisa ang kanyang
istilo sa pagsulat. Kailangan niyang makilala o mabuo ang kanyang sariling
istilo sa pagsulat. Kung makabubuo siya agad ng isang istilong para sa kanya, ang
kanyang mga susunod pang maisusulat para sa panitikan at kasaysayan ay madali
na siyang makikilala para sa mas madaling malaman ng mga mambabasa ang mga
nagmulat sa kanila. Magiging bahagi ng mas maayos na kasaysayan ng panitikan
ang isang manunulat dahil sa kanyang tanyag na istilo at magiging nilalaman ng
kanyang mga panulat.
Kailangan
din nilang malampasan ang problema nila sa magulang dahil sa pipiliin nilang
career sa buhay. Ayon sa mga kinapanayam, may magulang din kasing ayaw sa
pagiging manunulat ng kanilang mga anak dahil sa kakaunti ang perang papasok sa
bulsa. Mas pinahahalagahan ng mga magulang ang gusto nila para sa kanilang mga
anak at hindi ang gusto ng kanilang anak para sa kanyang sarili. Pinag-aaral
lamang nila ang kanilang anak para makapagtrabaho at kumita, umunlad bilang
isang robot, at hindi ipinapasok ang kanilang anak sa unibersidad para makilala
nito ang kanyang gusto at umunlad bilang isang tao.
Sa
may unang bahagi ng Etsa-Puwera, nakita ang pagtingin ng tao sa hayop at ng
maaaring pagtingin ng mga hayop sa tao. Malaki ang pinagkaiba ng mga hayop sa
tao dahil nairerekord natin ang ating kasaysayan at naiipon natin ang ating mga
panitikang maaaring makapagpabuo o makasira sa ating mga sarili, sa ating mga
pagkatao. Tao na rin mismo ang nagsusulat tungkol sa mga hayop, sa kanilang mga
kuwento at gawi.
Maaga
na ring nabanggit sa Etsa-Puwera ang pagkukuwento ng Sion sa nagkukuwento ng
nasabing akda – ang oral na tradisyon. Nasusulat sa mga antolohiyang ang
pre-colonial na panahon ay may panitikan ngunit madalas ay naipapasa sa paraang
pasalita o paawit. Sa panahon natin ngayon, may mga nagkukuwento pa ring
matatanda. Nasa pagnanais na ng nakarinig kung isusulat niya ang kanyang mga
narinig para sa mas marami pang makababasa o kung wala siyang kumpyansa sa
kanyang pinagsasabihan na hindi naman nila ikakalat ang kanilang mga narinig
mula sa kanya.
Sa
pagtapak ng unang Espanyol sa lugar ng pangunahing tauhang pinakilala ng
nagsasalaysay sa nobela, nagulat sila sa kakaibang kulay ng dayuhan. Ang
pagtingin nating mga Pilipino sa taong may ibang kulay ay maganda, madalas.
Pumapaloob na rin dito ang pagtingala sa mga ginagawa ng dayuhan. Ang pagpasok
ng dayuhang sistema sa sistema ng ating panitikan ay nagpabago at humubog sa
anyo ng panulat ng Pilipinas. Ang kanilang anyo ng panulat ang nasunod na bigla
dahil sa tiningala nga ang mga dayuhan. Ginaya na natin sila. Ang pagbabago ng
anyo ng ating pagsulat, ang pagkabawas at masyadong pag-unlad ng ating naunang
sariling anyo ng pagsulat at pagsasabi ng ating mga kuwento, ng ating kasaysayan.
Mas lalong naipayabong ang dayuhang paraan ng panitikan kaysa sa naging taal sa
kasaysayan ng mga katutubong Pilipino. Kung hindi sana tayo napasok ng mga
dayuhan at naipakilala nila ang kanilang kultura, panulat at paniniwala,
nakabuo sana tayo ng mas orihinal na konsepto, mas Pilipinong panulat at mas
maipagyayabang na sariling ating istilo ng panulat.
Sila
ang nagdikta sa atin kung ano raw ang tama. Matagal na ipinagbawal sa atin ang
mga nakasanayan ngunit may mga hindi rin naman sumunod o hindi naabutan ng
kulturang dayuhan. Ang panitikan ng Pilipinas ay pinaghalu-halong dayuhang
panitikan, taal na Pilipinong panitikan at hybrid ng dayuhan at Pilipinong
panitikan – panulat ng mga sumunod sa diktadurya hinggil sa kung ano raw talaga
ang tama, panulat ng mga nagpanatili ng orihinal na panulat ng mga katutubong
Pilipino, at mga panulat na may bahid pareho ng kontekstong Pilipino na may
kaunting porma’t anyo ng mga dayuhan.
Maganda
ang imaheng ipinakita sa bahaging Ang Pamumukadkad ni Rosa ng Etsa-Puwera.
Nakapaloob sa bahaging ito ang pagde-virginize kay Rosa ng isang paring
dayuhan. De-virginized na pero bata pa rin. Nakaramdam lamang ng pagnanasa, ng
sarap ngunit hindi nakasisiguro kung tama. Ang pagtanggap lamang nang
pagtanggap ay natural sa isang batang walang malay, walang alam. Hindi siya
nakasisiguro dahil wala naman sa ugali niya ang paniniguro. Madalas, kung anong
nakikitang ginagawa ng matatanda, malupit agad, magaling, masayang gayahin, at
sa kontekstong Pilipino, kung anuman ang gawin ng dayuhang may kakaibang kutis
ng balat. Ang pagkantot ng dayuhan sa batang panitikan, kultura at kasaysayan
ng Pilipinas ay napakasama dahil pilit nilang binura kung anuman ang ating
nasimulan. Madalas nila tayong pasunurin, lokohin, sa pag-aakalang magulang natin
sila, kasi pakiramdam nila, bata pa tayo.
Sinundot
ng pari ang inosenteng nagdadalaga ngunit hindi rin niya siya buong napasunod.
Tinatawanan lamang siya nito kahit na kanyang pinangangaralan. Ganito ang
naging sagot ng mga nakakita ng kamalian ng dayuhan, ng mga dakilang manunulat.
Tatawanan nila sila at gagawin ang nais, ang tama para sa kanila. Pero katulad
ni Oysang na kalahating usa at kalahating tao, kakaunti lamang ang mga ganitong
tao. Mga taong namulat at mabilis na nakapick up ng balak ng mga dayuhan sa
Pilipinas. Ang mga nagsulat tungkol sa pagwasak sa sistema. Nagsimulang kaunti
ang mga tulad ni Oysang kaya matagal tayong nabihag, nadiktahan. Ang ginawa ni
Oysang ay pinasarap niya ang kanyang sarili ngunit hindi siya nagpabihag sa iba
pang pakay ng pari. Malinaw sa kanya na kung ano ang gusto niya ang masusunod,
hindi ang kagustuhan ng dayuhan. Ganito rin ang ginawa ng mga manunulat na
ginamit ang porma’t anyong ipinakilala sa atin ng mga dayuhan. Ginamit nila ang
mga ito sa pagsulat ng ating panitikan na maaari namang nagpaunlad din sa
panitikan ng Pilipinas. Kinukuha lamang nila ang magagamit nila nang mabuti
mula sa mga dayuhan ngunit hindi sila nagpagamit sa kasamaan ng mga dayuhan.
Lahat
ng kultura ay tama. Walang kaisipan ng moralidad, yaman at etiketa sa usapin ng
pagtingin sa pagitan ng dalawang magkaibang kultura. Maling pagkumparahin mula
sa dalawang magkaibang kultura kung alin ang mas tama, alin ang mas makatao,
kung alin ang mas maganda. Ang mali sa mga mananakop, akala nila e kung hindi
sa kanila e mali. Ito namang ibang Pilipino, gumaya at hinangad na maging
dayuhan sa sariling kultura. Yung mga magagaling na panulat, iniangkop nang
maayos ang katangiang ipinakilala sa ating panitikan saka gumawa ng hybrid
ngunit maituturing pa ring pansarili at tatak Pilipino.
Naging
bahagi pala ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga Intsik, ngayon ko lang nalaman. Habang
nagbabasa ng Etsa-Puwera, nagkaroon ng mas malinaw na larawan ang naging buhay ng
mga Intsik dito sa Pilipinas. Sa mga kasaysayang nakasulat at ipinababasa sa
akin madalas sa paaralan, madaling makikita at paulit-ulit ang kuwento tungkol
sa mga kalaban. Ang kauna-unahang kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa mga
dayuhan e tungkol na lang parati sa mga kalaban. Bakit hindi magsulat ng kasaysayang
tungkol sa magaganda namang naidulot ng dayuhan? Itinatanghal ang mga
Pilipinong tumulong sa Pilipinas at hindi ang mga dayuhang nagpaunlad sa
Pilipinas o yung mga taong maaaring magpayaman pa sa kasaysayan ng bansa?
Sa
bahaging Ang Paghahanap sa Wala naman ay bahagyang inilarawan ang batang Sion.
Sinabi roon na parang wala siyang matandaang magandang kuwento tungkol sa
sarili. Dagdag pa ng nagsasalaysay na sa tingin niya ay ipinanganak na siyang
matanda na agad. Malinaw rin naman itong pangitaing ito noong panahon pa talaga
ng pananakop sa Pilipinas. Ito yung mga panahong bata pa lamang yung mga
Pilipino e bawas na ang kasiyahan nila bilang bata, na magiging masaya na
lamang kapag naging maayos ang katayuan sa buhay, na mahirap maging masaya kapag
mahirap. Wala nang pakialam sa nakaraan, ang inaalala na lamang ay ang
hinaharap. Papasok na sa kokote ng mga bata na kailangang mag-aral at magkaroon
na lamang ng trabaho para magkapera. Tulad nga ng sinabi ng isa kong prof,
nagtatrabaho na lamang para kumita, hindi para maenjoy ang pagiging tao sa
mundong kanyang ginagalawan. Apektado ng kolonyalismo ang mga naisin ng mga
Pilipino sa buhay. Mula sa pagiging payak lamang ngunit masaya at nakabubuo ng
pagkatao e naging kumplikado, mahirap at nakawawalang gana na at
nakapagpapabagong-tingin sa sarili bilang isang anak ng bayan.
Lutang
naman ito sa panitikan ng Pilipinas, oo. Kaya nga may mga akdang sosyalista,
halimbawa, na bumabatikos noon sa pagtingin na lamang sa sarili ng isang
Pilipino bilang makina ng mga dayuhan. Ang mga panulat ay ginamit upang imulat
ang mga manggagawa na hindi na lamang sila hanggang doon sa kinauupuan nila
kundi marami pang posibilidad sa buhay at nararapat lamang na maenjoy nila ang
mga specializations na napili nilang pagkadalubsahaan at hindi lamang para sa
mga dayuhan, para sa pera, na ang kani-kanilang mga talento ay para sa
kani-kanilang mga sarili, sa bayan at hindi para sa iba.
Sa
kabanata naman na Ang Maliit na Tao na May Pinakamalaking Ari sa Bayan,
natigilan ang bumigwas kay Bong nang malaman nitong kay Sion at Ruben ang
kanyang kaharap. Sinundan pa ito ng pagpunta ni Golyat upang magdiskargo sa
nagawa ng kanyang tauhan kay Bong. Ibig sabihin, kilala ang lahi ni Sion. Ibig
sabihin, sikat sa kanila ang lahi ni Sion. Ang pagsulat ng kasaysayan ay
ipinapasa at isinusulat din para maiangat nga ang pangalan tulad ng sa
nabanggit pang kabanata bago ito. Naisusulat para maipagmalaki, para may
maipagmalaki. Naisusulat ang kasaysayan hindi lamang para maipakilala ang
sarili kundi para maitangi nang malinaw ang sarili, para maipagmalaki ang
sarili.
Sa
bahagi ulit na nabanggit kanina (Ang Paghahanap sa Wala), ay nadiskubre naman
ni Sion ang isang gusi, isang earthenware jar, pinaglumaan ng panahon, maraming
nakabaong sikreto. Nang buksan niya ito, lumakas ang kanyang loob at
handang-handa na siyang humarap sa mga ibabato ng hinaharap at kasalukuyan.
Ganito rin ang magiging tulong ng panitikan at kasaysayan kapag sinipag na
halukayin. Kailangang mahanap ang pinagmulan ng sarili para mahanap ang
pupuntahan ng sarili.
Sa
kabanata ring ito isinalaysay ang piniling pagtahimik ni Johnny para maisalba
ang sarili at ang kanyang mga magulang, ang pagpili ng mga taong nararapat
lamang na makarinig ng kanyang kasaysayan. Maaaring sabihing nagkakaroon ng mga
isinisikretong kasaysayan para may mailigtas sa kapahamakan. Puwede ring
basahin ito nang may pinipili lamang na pagsasabihan ng kasaysayan, na hindi
para sa lahat ng tao ang isang kasaysayan. Saka lamang ang mga ito
isinasambulat sa kamadlaan kapag malayo na sa panganib ang mga taong posibleng
mapahamak. Ang panitikan ay may pinipili at hindi para sa lahat. Ang kasaysayan
ay hindi madalas naisusulat agad kaya minsan ay kulang-kulang o nakalilimutan
na. May mga panitikan at kasaysayan ding maaaring hindi na talaga inilabas
dahil sa pansariling takot at kaligtasan. May mga panitikang hindi naisusulat
ngunit nakapako at nakalihim sa isipan ng nagmamay-ari nito.
Sa
kabanatang Ang Mundo Namin Sang-ayon kay Misis Meyor ay nagpagawa ng family
tree na hindi isasama ang makapagpapasama sa reputasyon ng kanilang angkan. Ang
pagpapatahimik ay iniuutos ng mga nagpapagawa ng kasaysayan. Ang nakasulat na
kasaysayan ay edited, maraming nakatago, tinanggal, ipinagbawal. Yung mga hindi
naisusulat, maaaring manatili sa pinagpasahan at nakaaalam pero maaaring ipasa
nang paoral.
Kulang
ang ating kasaysayan. Hindi lahat ng nasa panitikan ay totoo. Maraming
nakatago. Maraming nakasulat ang nakatago. Maraming nakatago sa isip ang
nararapat na maisulat. Maraming panitikang kailangang ibalik sa orihinal at
tamang pagkakasulat. Ang iba ay nagsusulat para maisalba ang kanilang mga
sarili. Ang iba naman ay nagsusulat para maisalba ang isang tao, hindi para
maisalba ang kasaysayan ng Pilipinas. Pinipilit na baguhin at isulat ang hindi
dapat na nababago at naisusulat nang agad-agad na kasaysayan. Maraming
panitikan ang muntik nang maisulat na maaari sanang makatulong sa kasaysayan at
panulat ng Pilipinas. Maaari pang maghukay nang mas malalim sa baul ng
kasaysayan at panitikan ng Pilipinas. Kailangan pang maghukay, sumuri nang mas
mabuti at buksan nang mas malawak pa ang kaisipan para sa mga panulat ng
Pilipinas, para sa mas buong pagkilala sa sarili at sa mag maganda at
kumpletong pagtatanghal ng panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.
Ang mga Sikreto ng Literary History:
Mga Sikreto ng Kasaysayan,
Kasaysayan ng mga Sikreto
Sanggunian
Reyes, J. C. Etsa-Puwera. University of the Philippines Press. 2000.
Scott, W. H. Great Scott!. New Day Publishers, 11 Lands Street, VASRA, 1128
Quezon City. 2006.
Stuart-Santiago, A. Revolutionary Routes. StuartSantiago Publishing & Pulang Lupa
Foundation. 2011.
Torres-Yu, R. Aguirre, A. C. Sarilaysay: Danas at Dalumat ng Lalaking
Manunulat sa Filipino. The University
of the Philippines Press. E. de los Santos St., UP Campus, Diliman, Quezon City
1101. 2004.
Torres-Yu,
R. Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa
Sariling Danas Bilang Manunulat. Anvil Pub., Pasig City. 2000.