Mayroon na namang mga nawawaglit na sandaling hindi na maibabalik pa. Unti-unting mamamatay sa masasayang mga pagngiti ng araw. Ni isa ay babawian ng makamandag na pagkakaroon ng pakialam hangga't hindi pa nilalagutan ng hininga. Pahinga. Ang paghingi ng kaunting pagluwag sa aking paghikab at pagpanaw sa mga sandaling nanakawin pa para lamang maging taong muli, dinadala pa sa kabilang ibayo ng hanging may kung anong pagpariwara laban sa init.
Mabangu-bango sa tuwing magbubukas na lamang ng pamilyar na mga lalang. Sa may mga araw na titindig ang bagong yamot na ring makipagbanggaan ng mga paningin at pagtingin ngunit aayon pa rin nang makapagsabing sa puntod na hindi nasasayang ang anumang itinumbang botelya at sininghot na panggamot sa plema.
Magdurugo nang magdurugo, ngunit hindi papansinin o mapapansin. Uulit na namang pagdidisketahan ang dilim. Mahahalatang inililindol ang looban, magtago man sa talukbong ng mga hindi nakakikita ngunit taong kapuwang pareho lamang din ang pakiramdam sa kahit na sino. Sino ba naman ang may pinakatotoong tapang na ititiwalag ang katanyagang tapyas sa titulo kung sa tantyang tirapa'y talagang titira at titira pa rin naman?
Mag-isa lang tayong lahat ngunit kahit na ganoon, ang mga buhangi'y kumpol pa rin ng nag-iisang pangarap na tupdan at tupdin ng magpapahingang mga paa ng pagod na mga gasera.