November 27, 2012

Sa'yo Lang Ba? Ikaw Lang Ba?



Napakaganda ng konseptong tinalakay ni Legasto sa kanyang papel dahil sa hindi lamang ito bago sa aking paningin kundi binabasag nitong muli ang panitikan at muling binubuo sa isang mas malinaw at mas malawak na kaparaanan, gamit ang hindi biased na mga lente, upang mas maunawaan kung bakit ganito ang nangyari at may posibilidad pa kayang may mga hindi pa nangyayari. Binalikan, sinuri pang malalim at dahil nga sa mas matinding pag-iisip tungkol sa mga nakalahok sa panitikan at sa mga ikinonsidera ng iba na “bagong sibol” pa lamang na uri ng literatura ay mismong nagwasak sa mga nangungunang anyo ng panitikan na bumaba sa kani-kanilang mga puwesto at makihanay sa hindi naman talaga dapat inihihiwalay na “marginalized” literature.

Nang umusbong ang ganitong muling pagbasa sa panitikan, binalikan muna ang mga naging “sentro” at tiningnang nangungunang mga panitikan. Ilan na sa mga ito ang kasarian, ang lahi, ang uri sa lipunan, ang etnisidad at ang relihiyon. Sa unang lahok pa lamang, makikita na dati-rati na hindi lamang sa panitikan mayroong diskriminasyon sa pagitan ng mga lalaki at ng mga babae. Alam na ng marami na mas pinapaboran noon ang mga lalaki at sadyang pambahay na lamang at tagaalaga ng kung sinu-sino ang kababaihan. Ngunit nang nagkaroon na ng boses ang mga babae, bigla-bigla na lamang nag-iba ang pagtingin sa “kanila” at binigyang-positibong pananaw para makihanay sa kalalakihan bilang pagsasabing “kapantay rin naman namin kayo.” Mayroon lamang akong katanungan: Bakit ngayon pa? Bakit ngayon lang? Sa itinagal-tagal ng pamamalagi ng pamamalagi ng mga tao sa mundo, bakit ngayon lang nagkaroon ng kapasidad, naging kapantay at naging tao ang mga babae? Saka lamang ba may magsasalita kapag may naitutulak na pailalim? May direkta bang layunin ang paggalaw na ito? Produkto ba ito ng ibang paniniwala o relihiyon, ng ibang kathang-isip na nagpapalabo sa natural at dapat na pagbabasa sa mundo? O may gustong namamahala at pinamamahalaan? Natural na lang ba sa mga tao, isang grupo, sa isang lipunan na mayroong isang pinuno at mayroong mga alipin, o mas nakabababang uri? Malamang, oo, natural na sa atin ito, para sa ikababalanse ng pag-iral ng paglalamangan sa mundo, pero para sa akin, hindi naman sa lahat ng aspeto ay mananatili na ang tao sa kanyang posisyon. Maaaring mataas ka sa ibang bagay, ngunit nakababa naman sa iba – paiba-iba. Hindi lamang tayo parating nakadikit sa kung anong mayroon ang iba kundi pagbalingan ng atensyon ang mga bagay na gustung-gusto o kaya naman natin. May mga balakid, oo, katulad ng pera, edukasyon, trabaho at pulitikal ngunit ang ating mga kakayahan lamang ang makapagsasabi, at wala nang iba, kung hanggang saan ang limitasyon ng kapasidad nating mag-isip para sa ikauunlad ng panitikan.

Dahil ano nga ba ang panitikan? Madalas nga naman daw itong nakabase sa karanasan o nakikita ng mga tao. Malinaw na binabanggit kanina pa ang salitang “tao”. Buksan na ang mga mata at huwag nang paaapi pa. Lahat tayo ay tao, lahat tayo ay nag-iisip, lahat tayo ay may mensaheng nais ipaabot o kahit mailabas man lang. Walang lalaki o babae, walang uso o bakya, walang nagsuswimming sa pera at sa dagat ng basura, may respeto sa ibang paniniwala at hindi dapat nagagalit sa walang pinaniniwalaan. Ang panitikan ay para sa lahat at wala dapat itong pinagkakaitan.

Note: Hindi ito pambabara sa blog ni Denielle. Nagkataon lang na parang sinasagot ng title ko ang title nung kanya. Sana'y makuha ang essence ng title kapag nabasa na nang buo. Congrats sa nakatutuwang dami ng pageviews! Ituloy ang pagsusulat para sa kahit kaninong kumekembot!