Lilingon ako't maaalalang iniwan ko palang bukas ang pinto ng bahay papasok sa sala. Maaaninag ko sa malayo ang papundi nang bumbilya sa may hapag. Sinag ang ipinantakip na dilaw sa natirang mga pritong galunggong nang hindi ipisin o langawin. Natutulog din kaya ang mga insekto? Hithit. Bugang muli sa aking mga bespren sa paghihintay.
Tutulong muli ang pawis mula sa aking mga sentido't noo. Pagkapunas ng aking magkabilang manggas e saka kong mararamdamang may nag-uunahan na rin pala sa aking batok. Pupunasan ko na naman ang mga ito ng aking palad. Hindi ko pa rin alintana ang init at inip. Maya't maya kong tinitingnan ang mas maliwanag pang buwan na patuloy na nagpapainit ng usok ng aking sigarilyo.
Hithit. Aghh, shit. Baha-bahagya ko nang mapapansin ang tila lumalakas na huni ng mga kuliglig. Parang umiinam din ang luntian sa mga damuhan at dahong nakapaligid. Buga. Mapapansin kong nasa ilalim nga pala ako ng bubong na may pumapatak pa ring tubig mula sa yero. Sana umulan ulit. Ibinaba ko na ang aking binti sa kasagwaan ng aking pagkangayaw. Natabig ko ang kaha ng aking yosi at nahulog ito sa sahig. Putang ina talaga.
Pagkapulot ko ng kaha'y naubos na rin ang aking sinindihan. Kinolekta nang muli ng ash tray ang aking basura. Fuck. Patuloy na dumidilim, patuloy na lumiliwanag. Nagkakaroon na ng mahinahong orkestra ng mga insekto sa may kalayuan. Hindi pa rin gumagana yung electric fan at nangangalahati na ang aking kaha. Nilingon kong muli ang mga galunggong sabay punas ng pawis ng aking mga manggas sa magkabilang sentido.
Kumuha akong muli ng panibagong stick sa kaha.