Kung gayon ay gaano naman katagal kaya ang nais na pananatili? Bakit kung magmumuni'y madalas sa minsang pananatiling wagas ang puntirya? Kailan bang naging forever ang saya? Pagbatikos ba itong hindi na nararapat pang manatiling masaya? O baka iniisip ko na lamang na maaaring maging masaya bagkus walang pananatili?
At kailan bang nanatili ang lungkot? Ang pag-iisa? Ang paghahanap ng sarili sa sarili? Kapag bang inisip kong matitigil ang lahat kapag permanente na ang aking saya, hindi nang manunumbalik pa ang lungkot? Kailan bang may nanatili? O baka paulit-ulit lamang ang lahat na nanunumbalik? Mapasaya, mapalungkot, mapapag-iisang hayag? Takot akong mamalagi ngunit palagi rin namang natatakot.
Sa paghikbi kong papabalik sa aking trono ng kamangmangan, ipinagpapalagay ko na lamang na maiging ako lamang ang nakakaalam. At hindi sa basta-bastang pag-iibang ako kundi para lang sa pamamalaging ako. Hindi ko alam kung hanggang kailan akong mananatili ngunit naiintindihan ko ang aking pananatili. Iisa lamang ako't sumasaya't malulungkot sa pag-iisang ako. Sa iisang guhit ng bawat hiblang hindi na babalik, ano pa't sungayan na lang sana ako ng paisa-isa ring stick.