Showing posts with label academic. Show all posts
Showing posts with label academic. Show all posts

07 July 2022

sa profanity sa philippines


Wala akong sagot. Pero marami akong tanong. Wala masyadong kantot kaya marami ngayong tamod.

Kailan nga bang nagiging bastos ang salita? Sa tingin ko depende? Kung ipapasok natin ang wika sa loob ng kahit saan-saan na gagamitin ng kahit na sinu-sino sa lipunan, magkakaroon ng kung anu-anong konteksto ang halimbawa na lamang ay isang salitang mura.

Kapag nagmura ay bastos na. Mariing konsepto ito sa maraming kinalakhang lipunan. Yung tipong mapapalingon ka talaga 'pag may narinig kang batang paslit na sumigaw ng, "Gago!"

Ni hindi ko nga alam ang pinakaibig sabihin ng salitang gago. Ikaw ba? 'Pag may tinanong ka niyan, sasabihin lang, parang ganito, parang ganyan. Pero yung salitang leche, alam natin na gatas. Yung puta, prostitute. Yung tite, penis. Pero iba pa rin yung tite sa penis, depende sa kung sinong kausap mo, at sa kung saan ka nagsasalita.

Naaalala ko nung high school kami, second year yata, maraming tawa nang tawa kasi ipinapaliwanag ng teacher namin na pagkatapos daw labasan ng lalaki, hindi raw agad-agad na makakaihi ang tite dahil sa something. Yung something na iyon ay hindi ko na maalala o malaman kasi nabad trip na sa amin yung teacher namin kasi tawa kami nang tawa sa lecture, so pinagalitan niya na lang kami.

Sa konteksto, purely scientific yung atake ng aming guro. Pero mabanggit lang yung nilabasan o penis, marami na sa aming napapangisi. Hindi naman bastos yung guro namin pero bakit kami napapangisi? Kasalanan ba naming mapangisi? Siguro oo? Kasalanan ba naming ganun tumakbo yung utak namin sa ganoong mga konsepto at salita? O mayroong mas malaking puwersa at/o makinarya pa sa lipunan ang nagpaigting sa amin para na lang ganoon kami mag-isip sa tuwing makakarinig ng mga ganoong salita? Bakit ambilis ng tibok ng puso ko dati noong unang beses akong magmura?

Depende rin ang puke para sa vagina. Minsan din, iba ang puke sa vagina. Bakit may ganitong pag-angat tayo sa kinatatayuan ng vagina e puke rin naman 'yon? Bakit 'pag English, okay lang e Filipino ang salita natin? Bakit yung Filipino pa yung hindi okay sa tenga natin? Meron ding puke para sa may minura kang tao. O puke kung napamura ka lang talaga. Bastos ka pa ba kapag wala kang binastos na tao? Bastos ka ba agad 'pag may ginagamit kang salitang bastos? Bastos ba agad ang isang salita? Kapag sinabi ko bang makati ang bulbol ko, bastos na agad ako? E bulbol lang naman ang salita natin do'n?

Kahit na iisa lang ang tinutukoy ng puke at ng vagina, bakit mas maluwag para sa atin na gamitin ang isa? Bakit kumportable tayo sa penis e tite rin naman 'yon?

Kapag minura ba kita ng gago, anong pakiramdam? Masakit? O sakto lang? Anong klaseng epekto ang meron sa atin ng salitang alam natin na mura kahit na hindi natin talaga alam kung anong ibig sabihin? Malay ba natin sa salitang gago? E paano kung puta? Putang ina mo, putang ina ka. Nasasaktan ka ba dahil sinabing puta yung nanay mo? O bad trip ka lang kasi minura ka?

Paano na lang yung mga magkakaibigan na minsan e gago yung tawagan?

"Gago, napanood mo na yung bagong scandal?"
"Oo, gaguuu. Lupet putang ina."
"Gago, pinagjakulan mo lang e."
"O ba't ikaw hinde?"
"Gago, 'di ako katulad mo pakyu!"
"Gago ka rin, putang ina mo!"

Ilang beses ginamit ang gago bilang pagmumura? At ilang beses lamang ito ginamit bilang pambabastos? Ginamit ba ito bilang pagtawag lamang sa kanyang kaibigang malibog? May pinagsalsalan ka na rin bang scandal video? O dun ka lang sa mga HD shit ng Pornhub?

Matapos ang lahat ng mga tanong ko, napatanong ka na rin ba? Mapapangiwi ka pa rin ba 'pag makakarinig ka ng tite? "Pagagaanin" mo pa rin ba ang pagtukoy sa ari ng tao sa tuwing kakausap ka ng bata? O ituturo mo na agad sa kanila yung original? 'Pag kaclose mo na yung tatay mo, puwede mo na rin ba siyang tawaging gago? Bakit hindi? Okay na ba sa 'yong makipag-usap nang mahinahon sa katabi mo sa jeep kung nagshashampoo rin ba siya ng bulbol? Bakit? Kapag buhok sa ulo, hindi bastos. Kapag buhok malapit sa ari, bastos na agad? Bakit?

Mapagpalaya ang wika, ngunit sa ginagalawan natin ngayong mga espasyo, mukhang wika rin ay dapat nating palayain. Ang tao mismo ang nagseset ng kaligiran kung magiging bastos ba siya o hindi. Darating kaya ang araw na hindi na tayo malilimitahan ng kinagisnan nating kultura at uumpisahan na nating palayain ang ating pag-iisip sa tuwing gagamit ng mga salita sa iba't ibang konteksto? Tao ang naglalagay ng bigat at lalim sa mga salita, ngunit sa tingin ko, nasa tao rin ang kakayahang magpalaya sa hindi lamang mga nakakulong na pag-iisip kundi pati na rin sa mga nalubog nang salita natin.

Mapagpalang araw sa inyo, mga ponponyeta!

14 June 2022

ang kalituhan sa tagalog vs filipino



tinuturo sa paaralan na maraming wika ang pinagbasehan ng wikang filipino. pero sa kasaysayan ng ating pambansang wika, nag-umpisa at ang pinakabaseng grammar na ginagamit ng wikang filipino ay grammar ng tagalog; kaya hindi malayong maipaghambing at mapaglituhanan ang dalawang ito ng mga pilipino.

hindi maling sabihing tagalog lang din naman ang filipino dahil grammar lang din naman ng tagalog ang ginagamit na base ng filipino. sinasabi lang ng mga paaralan na maraming pinagbasehang wika ang filipino kasi may kakayahan ang kahit na anong wika na humiram at umangkin ng kahit na anong salita mula sa iba't ibang wika.

tagalog lang ang pinakabasehang grammar ng filipino. sinasabi ng mga paaralan na nakabase sa iba’t ibang wika ang filipino kasi may kalayaan ang kahit na anong wika na manghiram at umangkin ng mga salita sa iba’t ibang wika. ang nangyayari sa filipino, nag-aambag ng iba’t ibang salita ang iba-ibang wika ng pilipinas tulad ng ilokano, cebuano, etc.

ayon sa mga naunang konstitusyon ng pilipinas, ang pinakaunang pinagbasehan ng una nating pambansang wika (pilipino) ay tagalog, at tagalog lang.

mula rito, sinubukang iincorporate (sa mga susunod na taon pa) ang mga salita ng iba’t ibang malalaking wika ng pilipinas, saka ito tinawag na filipino.

so historically, tagalog ang pundasyong grammar ng filipino. sinasabi lang na, “base ito sa iba-ibang wika,” kasi “nag-aambag” lang ang ibang mga wika ng pilipinas sa filipino. but in reality, tagalog ang grammar ng filipino. sa tagalog nag-umpisa ang filipino.

ikaw mismo, bilang isang mag-aaral na pilipino sa pilipinas, saksi ka at naging bahagi mismo ng edukasyon natin.

sa tingin mo ba, sa subjects natin na filipino, itinuro pa ang grammar ng iba pang mga wika sa pilipinas maliban sa tagalog? hindi ba't grammar lang din naman ng tagalog ang itinuro sa ating mga pisara? kahit pa ang isang mag-aaral at isang guro ay kapuwang hindi tagalog ang mother tongue?

nililinaw ko lang na gets ko yung sinasabi ng comics na itinuturo sa mga paaralan ngayon ay, "nakabase sa iba't ibang wika ng pilipinas ang filipino." gets ko 'yon kasi alam ko yung konsepto ng pag-aambag at pag-aangkin ng isang wika.

e.g.

kumain ako ng kanin.
kumain ako ng rice.

sa pangalawang pangungusap, filipino pa rin siya (hindi taglish) kasi humiram lang ako ng isang salita sa english pero grammar pa rin ng filipino yung ginamit ko.

at puwede tayong manghiram ng kahit ilan pang mga salita sa kahit ilan pang mga wika.

pero iisa at iisa lang ang grammar structure na tinuturo sa mga paaralan natin.

ngayon kung babalikan ko yung sinabi ko kanina na historically, tagalog ang pundasyon ng unang pagsasatupad ng wikang pambansa sa pilipinas, madaling sabihing tagalog lang din naman ang filipino, kasi tagalog ang pundasyong grammar ng filipino.

nangyayari lang ang pag-aambag ng iba't ibang wika ng pilipinas sa filipino through panghihiram ng mga salita at pag-aangkin, pero never naapektuhan o binago ang grammar.

hindi naman nagturo pa ng grammar ng ilokano o grammar ng cebuano sa language subject na filipino 'di ba?

punto ko lang talaga: sana maunawaan ng mga tao na normal lang na malito ang mga pilipino kung magkaiba nga bang talaga ang tagalog vs filipino.

technically and grammatically speaking, tagalog ang grammar structure ng filipino, at nanghihiram at umaangkin lamang ito ng iba't ibang salita sa iba't ibang wika ng pilipinas nung tinawag nila itong filipino.

so technically, nanghihiram at umaangkin lang ang tagalog ng mga salita mula sa iba't ibang wika sa pilipinas.

in reality, kahit na anong wika naman, kayang manghiram at umangkin ng maraming salita mula sa iba't ibang wika.

07 July 2021

Magiging okay naman yata lahat kung naging mabait ka.

["Naku naman. How do we demonstrate "friendliness"? May LGBTQI sa Congress, media, corporate leadership, etc. Maniwala ako sa pagka "katoliko" (sic) ng Pinoy, eh mamamatay tao (sic) nga at magnanakaw ang peborit ihalal. Hecklers ang Pinoy. At kasama sa mga hecklers na yan mismo ang LGBTQI."

"hmm I see your point. But, I still believe na yung points sa post still stand true. May internalized homophobia ang karamihan ng mga Pinoy. Tama si OP, we tolerate but we don't entirely accept the LGBT. For example, in corpo world. We hire indiscriminately. However, if may bs na nangyari, we tend to attack their gender instead of their actions. "Bakla kasi yang hayop na yan kaya kanda-leche-leche na dito." smth like that.

Pero totoo nga maski naman inside the lgbt group, I see na hindi naman lahat pantay ung tingin across all genders. May hint pa rin ng patriarchy lolz"

"statistically, sa banking kung san ako nanggaling, mas madaming babae at bakla ang mga nangulimbat."] **

Hindi na siguro kailangang banggitin yung ganitong statistics kung ang punto nga ng post is huwag gagamitin ang kasarian bilang tool para manghusga ng tao. Maaaring valid yung fact na mas maraming babae o bakla sa inyo ang nangungulimbat, pero the point will still stand na hindi porke't mas marami e lahat na. 

Isipin mo, halimbawang bakla ka o babae, pero baka hinuhusgahan ka na agad ng mga katrabaho mo na mangungulimbat ka (kahit 'di mo pa ito ginagawa or gagawin), masakit yun, unfair pati. Parang napintahan ka na agad na masama dahil lang sa statistics kahit hindi ka pa talaga nakikila/kinikilala nang lubos.

Maaaring ihalaw ang ganitong pag-iisip o konsiderasyon sa napakaraming sitwasyon, sa kasarian man, o sa iba pang sektor ng lipunan.

Halimbawang lalaki ka, inaasahan na ba agad dapat na tigasin ka at hindi umiiyak? O hindi maiiwan sa bahay para maglinis, magluto, etc.? Hindi nakadikit sa kasarian ang magiging buong ugaling-pagkatao, o magiging destino sa buhay. Kaya dapat ding hindi ito ang pinakabasehan kung paanong hinuhusgahan ang isang tao.

Halimbawang Katoliko ka, mabait ka na ba agad pero nanghuhusgang masama ang pagiging bakla/lesbyana? Punto ng post is matindi pa rin ang diskriminasyong nararamdaman at nararanasan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community, lalo pa't sa Pilipinas e usbong pa rin sa marami ang patriyarkal at saradong Katolisismo. Hindi pinalalaya ang pag-iisip kaya't hindi napalalaya ang mga biktima ng sarado at mapanghusgang tanikala.

May mga magsasalita o magrereklamo ba kung wala nang nangyayari?

Bakit ka takot, bakla ka ba? Babae ka, mahina ka at iyakin. Lahat ba ng Bikolano mahilig sa maanghang na pagkain? Ay Kapampangan ka, dugong-aso amputa. A graduate ka galing UP, ang galing mo siguro magrally. Galing ka palang Ateneo, conyo ka siguro magsalita, 'di ka rin siguro kumakain ng street food, sasabihin mo lang, "Yuck!" You're black, patingin nga ng etits mo kung malaki. All men are trash. Mahirap ka? Tamad ka lang siguro. A Capricorn ka, ganito siguro ugali mo. 'Di tayo compatible kasi Sagittarius ang simbolo ko. Tambay ka lang sa kanto, bobo ka siguro. Andami mong tattoo, masama kang tao, eww. Yung aso mo siguro nakain ng tae 'no? 

Shut. The fuck. Up. Or better yet, make your thoughts shut the fuck up.

May Black Lives Matter. Meron ding mga feminista. Hinihikayat ng mga  ganitong uri ng community ang advocacy na, hindi sila tingnang mas mataas o superyor sa iba, ngunit hinihinging tratuhin ang bawat isang indibidwal bilang kapantay. Kahit hindi black. Kahit hindi babae. Lahat pantay-pantay. Kamakailan lang mayroong Pride Month. Hindi dapat ikinakahiya o maramdamang nakakahiya ang sariling identidad. Bakit bang hirap pa rin ang marami na tigilang manghusga? Na huwag mangmaliit?

O kaya'y bakit papanig lamang sa isang grupo ngunit hindi na nagagamit sa ibang sitwasyon? Kung talagang naiintindihan ang sigaw ng mga adbokasiyang sinusuportahan, hindi lamang dapat natatali roon ang pagtrato sa ibang indibidwal. Kung pagkukumpul-kumpulin lang ang lahat ng ganitong pag-iisip, sa tingin ko, darating at darating lamang tayo sa isang tanong na dapat igiit sa sarili:

Kung ikaw nga, ayaw na mahusgahan agad, sino ka para manghusga agad?

Maaaring backed up lahat ng statistics ang mga pagpanig na panghuhusga pero the point still stands: Hindi porke't maraming ganito, ganito na ang lahat; at hindi dapat unfairly na dinidiktahan o hinuhusgahan ang isang indibidwal na tao depende sa sektor na kanyang kinabibilangan sa lipunan (gender, sex, paniniwala, ethnolinguistic group, race, etc.).

** sipi mula sa isang conversation sa Facebook

14 May 2021

Natutuhan vs. Natutunan

An open letter para kay Kara David:

Bakit ambilis nating balewalain ang maylaping natutunan, natututunan, matututunan, etc.? Dahil lang sa wala kang ibang mahanap na diksyunaryo o sanggunian na makapagpapakilala sa etymology kung bakit may mga dilang Tagalog na nag-adapt sa ganitong pagdulas tungong pag-iibang tunog ng hulapi? Mahirap balewalain, oo, dahil ang dami-daming beses mo siyang narinig, naririnig, at maririnig pa. Maraming speaker ng Tagalog ang gumagamit ng natutunan, etc.

Ngayon, maaaring kumontrang hindi porke't maraming gumagawa ay tama na, pero sa kalikasan ng wika, kung matagal at marami nang gumagamit nito, nagiging tanggap at tama ito, at hindi madaliang mailalapat bilang "mali" o "hindi wasto." Buo ang salitang natutunan. Meron siyang root word (tuto), at meron din siyang suffix. Sinubukan ko ring magsaliksik noong una hinggil sa kung may iba pang mga hulaping Tagalog ang hindi madalas gamitin pero wala rin akong nahanap.

Hanggang sa naisip-isip kong baka dumaan lamang ito sa isang pagbabagong morpoponemiko (kung saan nagbabago ang bigkas tungong baybay ng isang salita depende sa kung gaano itong nagiging makakapagpadali para sa dila ng nagsasalita) kung kaya't siguro'y may mga Tagalog speaker noon na mas madali para sa kanila ang pagbigkas ng natutunan versus natutuhan (Sige nga, try mo sa dila mo kung alin ang mas madali!).

Bakas ang ganitong proseso sa mangilang halimbawang maaari kong banggitin katulad ng ambaho mula sa ang baho, o kaya nama'y panguha galing sa pangkuha. Kapansin-pansin ang mga pagbabago sa baybay/bigkas sa mga isinaad na halimbawa kung kaya't maaaring ganito rin ang nangyari sa natutunan mulang natutuhan.

Hindi ako sang-ayon sa pagtanggal na lamang nang biglaan, or pagkakitang "mali" ng isang maylaping sobrang tagal nang ginagamit ng mga Tagalog, at sobrang daming Tagalog din ang bumibigkas. Mahirap tanggapin dahil likas ang paggamit ng salitang ito sa mga likas na tagapagsalita ng Tagalog. Ano 'yon, mali na agad porke't may apat lamang na pangunahing suffix ang naipakilala? Hindi naman yata dapat.

Edit 1: Bilang dagdag, mula sa comment ng aking mga kaibigan, may mga salitang gumagamit ng hulaping -nan. e.g. ulunan, paanan, tawanan

Edit 2: Noong umpisa'y meron lamang dalawang posibleng sagot sa problema. Una (1), nagbago ang salita mula natutuhan/uluhan tungong natutunan/ulunan dahil sa pagbabagong morpoponemiko, or maaaring (2) dalawang magkaibang panlapi ang -han at -nan, at interchangeable (maaaring hindi) sila.

Edit 3: Sa kalaunan ng pagresolba sa problema, may mababasang sanggunian ang nagsasabing mayroon lamang hulaping -an, at walang -han at -nan. Pagbabagong morpoponemiko ang paglitaw ng tunog ng N o H 'pag 'di nagtatapos sa impit (glottal stop) ang kakabitan ng binanggit na hulapi. Ganito rin ang nangyayari sa suffix na -in tungong -hin at -nin.

e.g.

ulo + an = uluhan
ulo + an = ulunan

May mga Tagalog na gumagamit ng uluhan. Meron ding mga gumagamit sa ulunan.

Pero mukhang may mga pagkakataong hindi maaari ang pareho.

e.g.

talo + an = talunan
talo + an = taluhan (?)

(cont.) Aware naman ako sa mga dapat at hindi dapat na rule sa grammar dahil maging ako rin ay naging mag-aaral ng wika noong ako'y nasa unibersidad pa lamang. Iyon lang, bakit may agarang pagbalewala sa salitang ubod ng dami naman ang gumagamit?

Maraming salamat kung ito ma'y basahin mo't maunawaan, Ms. David, and maraming salamat pa rin sa ginagawa mong mga paglilinaw sa nakakalimutan nang mga aralin ng mga kapuwa nating Pilipino, lalo na't patungkol pa ang mga ito sa kanila/atin mismong sariling wika. 

Padayon!

Sanggunian: Mhawi Rosero

07 December 2020

ilang punto sa grammar ng tagalog


'Di ba at na lang

Dalawang salita ang 'di ba from hindi ba. Isa pang patunay is puwede siyang singitan ng po, 'di po ba?

Walang salitang nalang. Dalawang salita rin yun. Na at lang. May pa, ba, na, din/rin, lang, pala, nga, at naman tayo sa Tagalog.

Din/Rin, Dito/Rito, etc.

Kahit ano ang puwedeng gamitin actually. Mas madulas lang sa pagbigkas kapag /r/ sound yung gagamitin after a vowel/semi-vowel (/y/ or /w/) sound.

e.g.

ako rito
bahay riyan
lugaw rin

Hindi rin naman mali kung /d/ ang gagamitin.

ako dito
bahay diyan
lugaw din

Maylapi

Laging nakakabit ang panlapi sa salitang ugat, maging sa maylapi, o sa kahit na ano. Hindi puwedeng hindi nakakabit ang isang panlapi.

May gitling 'pag nagtapos sa consonant ang prefix tapos nag-umpisa sa vowel ang root word.

pag-asa
pagtulong

nag-isip
nagtanan

mang-away
manggulo

'Pag nagtapos sa vowel yung prefix, walang gitling sa kahit na ano.

paayos
pagamit

maayos
mataray

naiyak
natapon

napaiyak
napasulat

iayos
ibigay

pakiiwan
pakibigay

nakiisa
nakitulog

kauhaw
kabusog

tagaigib
tagakuha

pinakaayaw
pinakamapagkakatiwalaan

Exception yung um- at in- dahil sa pagpapantig/syllabication.

umasa
inisip

Exception din yung mga hiram na salita or pantanging pangngalan.

nag-Japan
ka-ML
ka-college
taga-Japan

Pero minsan, may ibang writers na sinusunod pa rin yung consonant-to-consonant rule 'pag hindi pantangi.

nag-Japan
kacollege

Disrupted kasi yung pagbasa kapag gitlapi sa hiram na salita.

chinarge
ch-in-arge (?)

Pangkasalukuyan / Panghinaharap

umaasa / aasa
iniisip / iisipin

nakikiisa / makikiisa
nakikitulog / makikitulog

nag-iisip / mag-iisip
nagbibigay / magbibigay

NG at NANG

Basta kapag noun yung tutukuyin, ng.

e.g.

Kumain ng masarap. (noun; Hindi pang-uri kasi walang salitang inilarawan.)

Kumain nang masarap. (adverb; paraan ng pagkain)

Kumain ng masarap na pagkain. (Pagkain yung tinukoy rito at hindi yung masarap.)

Pumasok ng lasing. (As in taong lasing yung pinasok.)

Pumasok nang lasing. (Lasing nang pumasok.)

Lasing nang pumasok. (Pumasok nang lasing.)

Lasing ng pumasok. (Pagmamay-ari ng pumasok ang lasing.)

What if 'di mukhang noun ang noun?

Madalas ay receiver/doer ito ng action, or may naglalarawan sa kanya na adjective.

Mukhang Verb

ex. Naghanap ng tuturuan.

Noun ang tuturuan dito. Imposibleng receiver ng action ang isa pang verb.

ex. Natuwa siya nang turuan ng guro.

Verb na ang turuan dito. Hindi na siya noun.

Mukhang Adjective o Adverb

ex. Kumain ng marami.

Hindi puwedeng tumanggap ng action ang adjective. Ang puwede lang maging ang marami rito ay isang noun.

ex. Kumain nang marami.

Paraan ng pagkain ang gustong ipabatid, kaiba ng nasa taas na ano naman ang kakainin.

ex. Kumain ng maraming pagkain.

Pagkain ang tinutukoy ng ng dito, hindi ang marami.

Iba pang Anyo o Parirala

ex. Kinain ang spaghetti ng nasa restaurant.

Doer ng action ang nasa restaurant.

ex. Kinain ang spaghetti nang nasa restaurant.

Bahagi ng adverb ang nasa restaurant, hindi doer ng kinain.

Alalahaning maaaring possession ang indikasyon ng ng depende sa mga salita/konteksto na nakapalibot dito.

e.g.

tae ng tae - pagmamay-ari ng tae ang tae
tae nang tae - sunud-sunod o maraming pagtae

wala ng pakialam - pagmamay-ari ng pakialam ang wala
wala nang pakialam - pagkawala ng pakialam

Iba rin ang wala na'ng pakialam (kung wala na ang pakialam ang nais ipabatid). Iba ito sa wala nang pakialam.

Mapapansing depende sa kung ano ang gustong ipabatid ang paggamit ng ng at nang. Iba rin ang na'ng (na + ang) sa nang.

O at U, Inuulit na Salita

Nagkaroon ng pagbabago sa rules pero dati, nagiging U yung O kapag nagkakaroon ng pag-uulit sa salita.

nagtulung-tulong

Ngayon, binago na yung rule. Kahit 'di na gawing U ang O.

nagtulong-tulong

Maliban sa payak at maylaping mga salita, mayroon din tayong inuulit na salita. Ginagamitan ng gitling ito kapag inuulit ang isang payak na salita.

tulung-tulong
tulong-tulong

Ngunit kung walang nag-eexist na salitang payak kung 'di ulitin ang tunog, payak lamang itong salita.

paroparo
alaala

Walang mga salitang paro at ala.

magandang maganda - maganda na maganda
magandang-maganda - sobrang ganda
maganda-ganda - medyo maganda
ang ganda-ganda - sobrang ganda

Mayroon ding nangyayaring pagbabago sa baybay sa tuwing kakabitan na ng hulapi ang salitang ugat na nagtatapos sa U, o mayroong U bilang patinig ng dulong pantig.

upo + an = upuan
putok + an = putukan

Paki- at Paki

Iba ang paki mula sa pakialam, at iba rin ang paki- na prefix.

e.g. Pakihanap naman ng paki ko sa mga sinasabi mo.

Pagka- at Pagka, Pag- at 'Pag

Iba ang pagka- na prefix sa pagka na pangatnig. Ang pagka ay singkahulugan ng kapag.

e.g. Pagka ginaya mo ang pagkatao niya, sino ka na?

Iba rin ang 'pag mula sa kapag, at iba rin ang pag- na prefix.

e.g. 'Pag iisipin mo ang pag-iisip niya, mahirap isipin.

Pa- na Prefix at Pa na Enclitic Particle

Iba ang pa- na unlapi sa pa na particle sa Tagalog.

e.g. Pakuha naman ng walis at magwawalis pa ako.

Na- na Prefix at Na na Enclitic Particle

Iba ang na- na unlapi sa na na particle sa Tagalog.

e.g. Nakuha mo na ba ang sinasabi ko?

Pang- at ang Katinig na NG

Ang prefix na pang- ay somehow nagsasaad ng function, o iba pang action. Nagbabago ang tunog ng katinig na ng na bahagi nito depende sa puwesto ng dila, at puwede pang umabot sa antas na spelling.

pang + kuha = pangkuha

Nagiging panguha rin ito kung minsan.

P at B

pang + pusta = pangpusta = pampusta = pamusta
pang + baboy = pangbaboy = pambaboy

D, L, R, S, at T

pang + dinuguan = pandinuguan
pang + ligo = panligo
pang + sigang = pansigang

And so on, and so forth.

Pinaka- at Napaka-

Prefixes ang pinaka- at napaka-.

pinakamapagkakatiwalaan (root word: tiwala)
napakamatulungin (root word: tulong)

'ng vs. -ng

anong = ano + na
ano'ng = ano + ang

English vs. Tagalog

Mas okay kung grammar lang ng isang wika ang gagamitin at hindi yung pinagsasabay.

e.g.

mga chair
chairs

Mali ang mga chairs.

nabore
got bored

Mali ang nabored.

May kakayahang manghiram ng salita ang lahat ng wika. Kung nasa grammar pa rin nito ang ginamit, nasa ganoong wika pa rin ito at hindi sa Taglish.

e.g.

Kumain ako ng rice.

Hiram na salita ang rice pero hindi Taglish ang pangungusap kundi sa Tagalog pa rin.

I ate kanin.

Hiniram ng English ang kanin ngunit wala rin ito sa Taglish. Nasa English ang grammar kung kaya't wikang English lamang ang ginamit dito.

'Tang Ina

Walang salitang tangina. Dalawang salita ang 'tang ina mula sa putang ina. Ito ay murang may strukturang putang (puta + na) at ina.

Ang puta ay nangangahulugang prostitute sa wikang Espanyol. 

Kung murahin man ang ina  ay maaaring dahil sa ang isang ina ang isa sa mga pinakainiaangat na nilalang sa maraming kultura. Siguro ay dahil sa may kakayahan siyang magdala at magluwal ng panibagong buhay na lalang sa mundo.

May mga kultural ding pagtingin sa isang taong marami nang nakasalamuhang sekswal kung kaya't ang pangmamatang ganito ay naisasambit bilang pagmumura sa kapuwa.

Payo ko lamang ay huwag mumurahin ng putang ina mo ang iyong kapatid dahil pareho kayo ng nanay.

14 November 2019

Strukturalismo

Strukturalismo.

Hanep. Ano 'to? Sa pagkakaalala ko, una ko 'tong narinig sa subject tungkol sa mga teoryang pampanitikan noong nasa college pa lang ako. Sa pagkakaalala ko lang ulit, ang natatanging umukit sa akin mula sa mga binanggit ng prof ko tungkol dito ay yung (non-verbatim), "Kinakailangan nating malaman ang struktura ng isang akda nang madeconstruct natin ito at muling makapagreconstruct. Deconstruct and/to reconstruct."

Sa isip-isip ko, mukhang malabo? Nauunawaan ko yung puntong kailangan kong baklasin sa iba't ibang parte ang isang sulatin nang masuri nang mas maigi ang bawat bahagi pero bakit kailangan ko siyang buuing muli? Kailangan pa bang buuin ang siyang buo na?

Doon ako nagkamali. Saka ko lamang napagtanto yung maaga kong katangahan noong papalapag na galing Skyway yung sinasakyan kong bus, ilang linggo lamang din ang nakalipas...

Strukturalismo na yata yung isa sa mga bagay na nakakatakot pakinggan pero magagamit kung tutuusin. Baka hindi natin namamalayan, araw-araw o may mga panahong nagamit natin ito nang hindi natin namamalayan. Hindi lamang mga alagad ng panitikan, pilosopiya, etc. ang maaaring makinabang sa mga ganitong paraan ng pagtingin sa mundo at iba pang mga nasa paligid natin.

Sa ibang sabi, strukturalismo ang lenteng nagagamit sa tuwing hinihimay natin ang isang bagay nang baha-bahagi (struktura) na mababakas pa rin sa kapuwa o kapareho nito. Nang maipaliwanag pa nang mas mabuti sa sarili, sabihin na lamang nating kailangan mong maranasan ang isang bagay nang paulit-ulit bago mo mapansin ang mga nauulit nitong taglay na katangian.

Halimbawa na lamang, nagkataong nakakain na ako ng iba't ibang spaghetti sa buong tala ng buhay ko hanggang sa ngayon. Sa bilog ng partikular na danas na ito, nalalaman kong ang isang spaghetti, saan man nanggaling o sino man ang nagluto, ay mayroong (1) pulang sauce na may karne, (2) noodles, at (3) cheese (optional). Mayroong mga bahagi. Sa isip ko, bilang din namang pakilala ng realidad na kinabibilangan ko, lahat ng spaghetti na makakasalamuha ko ay mayroon dapat na ganitong struktura.

Ayon sa isang tropa noong araw (non-verbatim), "Mayroon lamang dalawang uri ng manunulat. Yung isa, naghihintay at nagbabasa ng marami bago magsulat. Yung isa naman, nagsusulat lamang nang nagsusulat."

Alam ko, walang koneksyon sa spaghetti pero makakarating din tayo roon.

Siguro, hindi lamang ako ang may ganitong pagtingin sa spaghetti. Malamang ay yung iba diyan, sinisiraan yung sauce ng birthday ng kapitbahay nila. Yung iba, dadagdagan nila ng cheese yung inilagay nila sa kanilang plato. Minsan, iba-iba ang karne, iba-iba ang timpla, iba-ibang opinyon, ngunit may iisa pa ring struktura.

Ngunit hindi tayo natatapos na lamang sa pagtikim o pagkain na lamang ng spaghetti. May ibang mga taong umaabot sa kanila mismong paglikha ng sariling version ng spaghetti. Maaaring mula sa pagkain nila ng maraming-maraming spaghetti, nagets na nila ang pinakastruktura nito, at sa tulong na rin ng simpleng pagtatanong at research ng recipe, lulutuin na nila ang spaghetti na gusto nila.

Ngayon ay maaari niyang matsambahan sa unang lagpak ang lasang hinahanap niya. Pero sa madalas ma't sapul ng mga tala, dadaan pa rin siya sa paulit-ulit na pagluluto ng spaghetti bago pa man makamit ang ninanais na timpla.

Bago pa man nating maunawaan nang buo ang isang bagay, kadalasa'y kailangang paulit-ulit nating maranasan ito. Sa panahon ng memes ngayon sa social media, halimbawa, madali nang mapansin at mabuo ang pattern na ipinakikita ng isang unique na meme. Sa paulit-ulit nating nakikita ang iba't ibang teksto ng iisang meme, paminsan pa'y nagagamit na natin ito sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Mula sa mga ito, hindi na masamang sabihing mayroong mangilang paraan para maibilad ang ating sarili sa isang bagay bago natin mapansin at buuin sa ating mga isip ang struktura nito. Puwedeng paulit-ulit tayong makakakain ng iba't ibang spaghetti, o paulit-ulit tayong magluluto ng sarili nating spaghetti. Puwedeng makakakita at makakakita tayo ng memes na may parehong dalumat, o puwede ring bubuo at bubuo tayo ng sarili nating meme ayon na rin sa dalumat na ating nakita.

Ngunit ang isa sa pinakamadadalas mangyari ay yung makakailang ulit ka munang makatitikim ng meme bago mo pa man subukang gumawa ng iyong sariling likha.

Mag-uumpisa 'yan sa paghahalaw, pangongopya nang walang pag-aangkin. Matutuwa ang sarili dahil kinakayanan sa mga unang hakbang pa lamang. Kung magiging pursigido pa, aabot sa antas na makakalikha na ng isang obrang malayo nang mabakas pa't maihawig sa mga inspirasyong pinagkamulatan.

Maigi kung nalalaman muna ang pagkakahimay ng struktura ng isang bagay dahil magagamit ang mga makikilalang katangian sa paghihiwalay ng dapat mula sa hindi, ng mahusay mula sa kailangan pa ng paglinang, ng karaniwan sa hindi karaniwan, at nang maging mas madali ang pansariling paglikha ng mismong bagay na pinaglaanan ng oras.

16 January 2018

Paggamit ng Gitling sa Filipino

Tuwing kailan gagamit ng gitling sa Filipino?

Vowel + Vowel
Consonant + Consonant
Vowel + Consonant
Consonant + Vowel ✔️
Inuulit na salita ✔️


ma + ingat = maingat
mag + salsal = magsalsal
ma + ganda = maganda
nag + iwan = nag-iwan


Exception: um, in

um + alis = umalis, dahil nahati sa dalawang syllable ang um. (Gayundin sa inamin, gumamit, kinain.)

19 October 2017

Paggamit ng NG at NANG sa Filipino

Madaling matutukoy ang tamang paggamit ng ng at nang depende sa kung ano ang paggagamitang bahagi ng pananalita (part of speech).

Madali itong malalaman una (1) sa konteksto ng pangungusap, pangalawa (2) sa puwesto ng salita sa pangungusap.

Ang ng ay ginagamit lamang sa mga pangngalan (noun), o sa pagbibigay ng pagmamay-ari (possession).

Ang nang naman ay hindi ginagamit bilang pantukoy sa pangngalan.

Halimbawa:

1. Kumain ako ng masarap. (Ibig sabihin, noun na masarap na pagkain ang kinain.)
2. Kumain ako nang masarap. (Tumutukoy naman ito sa paraan ng pagkain (i.e. pang-abay (adverb)).
3. Kumain ako ng masarap na pagkain. (Maging alisto. Hindi ang salitang masarap ang tinutukoy ng ng dito kundi ang salitang pagkain.)

4. Ang sarap ng kain ko. (noun)
5. Ang sarap nang kumain ako. (conditional)

6. Tae nang tae. (hindi matigil na pagtae)
7. Tae ng tae. (pagmamay-ari ng tae ang tae)

11 August 2015

Isa pang Gamit ng Panitikang Pambata

Petsa: Pebrero 13, 2014
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Ikalawang Exam – Diskasin ang isyu/mga isyu sa bata/panitikang pambata na dinadala ng kuwento. Paano ito inilalarawan o isinasalaysay? Ano ang posisyon ng kuwento tungkol sa mga isyu na ito? Ano ang posisyon mo rito?


Napakagandang halimbawa ng Si Sibol at si Gunaw ni E.B. Maranan bilang isang panitikang nagpapakilala ng kuwentong bayan o karunungang bayan sa mga bata. Maigi nang maaga silang mamulat na mayroon na ang mga Pilipino dati ng mga ganitong uri ng salaysay at paniniwala bago pa man maimpluwensiyahan ng maraming dayuhan.

Isang halimbawa nito si Luningning, isang bathalumang taga-langit na may kapangyarihan sa mga pananim, ulan, puno’t halaman, maging sa ilog at bukal. Siya rin mismo ang nagpasimula ng buhay sa mundo. Kung may ibang relihiyong bata ang makababasa nito, maaga na siyang mamumulat at magtatanong nang kritikal sa kung paano ba talagang nagsimula ang buhay. Maaari rin naming maipakilala sa kanya ang pinaniniwalaan ng mga Pilipino noon, kung paano silang mag-isip, kung gaano na kayaman dati ang karunungan, ang panitikan, at ang kultura natin.

Sa panitikan pa lamang malalaman ng bata na tradisyon na pala sa atin ang pag-awit at pagtula. Masisilayan ito sa bahaging unang pagkikita nina Kapuy, isang lalaking mandirigmang taga-lupa, at Luningning, isang bathalumang diwatang taga-langit. Umawit na noon si Luningning at sinabayang-bigla naman ni Kapuy. Ang oral na tradisyon ang makapagsasabi kung paano ba talagang nag-aakyat ng ligaw ang mga Pilipino.

Isang halimbawa pa nito ang pambihirang paglalaban nina Sibol at Gunaw, na makikita sa maraming epiko bilang katangian din ng mga paglalaban ng mga tauhan. Dagdag pa rito ang paglalahad sa bandang dulo ng akda sa pinagmulan ng salitang gunaw. Bahagi rin ng karunungan at panitikang bayan ang pagsagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa pinagmulan ng mga bagay at pagpapangalan, tulad ng ating mga alamat.

Isa pa, mayroon na tayo noong konsepto ng pagkakapantay sa pagitan ng mga kasarian. Naipakita ito nang ipinakilalang babae ang diwata ng kalikasan at nagging hari naman si Gunaw. Kahit sino, maaaring mamuno, maaaring manalo, o matalo.

Hanggang sa mga dayuhang mangangalakal na pinagbentahan ni Gunaw ng punongkahoy, at paglamon ng buhawing itim sa yumaong si Kapuy bilang pagpapakita ng parehong kasaysayan at paniniwala, masasabi kong tagumpay ang akda sa pagpapakilala ng karunungan at panitikang bayan. Hindi rin nagpahuli ang awtor sa pag-iwan ng magandang asal na nakatuon sa responsibilidad.

Nariyan ang malaking responsibilidad ng mga tao sa kalikasan, na maagang pinakita ni Sibol, maging sa pagtatapos. At kahit na nagmukha pang masama si Gunaw, may makikita pa ring kahit katiting na responsibilidad bilang hari, o namumuno. Iyon nga lang, sablay siya sa responsibilidad bilang kapatid, may utang na loob sa kalikasan, at anak, na inako namang ni Sibol. Makikita rin ng mambabasa na ang pagtalikod sa responsibilidad ay hindi nagdudulot ng maganda, tulad ng nangyari kina Kapuy at Gunaw, na kapuwa tumanggap ng mga karampatang kapalarang kaparusahan.


Yayaman ang kaalaman ng batang makababasa ng akdang ito, lalo na kung alam din ng gagabay sa kanyang pagbabasa ang mga pinagsasasabi ko rito. Lilitaw na kasi ang pagtatanong ng bakit ng bata. Mabuti nang alam ng bata ang tunay na Pilipinong pagkakakilanlan at responsibilidad sa kapuwa, kaysa yung nasasayang yung mga kayamanan natin dati, at maging ngayon.

Pambatang Pamantayan

Petsa: Disyembre 10, 2013
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Unang Exam

---

Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase, sa unang bahagi, na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroong ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ang siyang panitikang mayroong tiyak na mambabasa. Ngunit gaano nga ba katiyak ang tinutukoy rito?

Sa sumunod na bahagi ng mga pagtatalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.

Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkakaroon ng iba’t ibang wika, iba’t ibang kultura, magkakaibang kongkretong mga karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.

Maaaring tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtatrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroong ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (pamantayan sa bata at panitikang pambata), o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang “dapat” na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?


Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang ‘di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May mga sad at scary endings. At may mga bata ring ‘di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.

14 June 2014

Paano Ba Gumamit ng Gitling sa Wika Natin?

Ganito gumamit ng gitling sa pagsusulat sa Filipino. Ang paggamit ng gitling sa Filipino ay madali lang naman.

At bad trip na ako e. Edi gagawan ko na naman (ulit) ng (sana naman) kumprehensibong mga instruction kung gaano nga naman ba kadali gumamit ng gitling kapag nagsusulat (nagtatype) sa wikang Filipino. As in binibigyan ko na lahat ng mga tanga ng pagkakataong makatipid ng oras (sa pagpindot/sulat ng gitling). Akong bahala sa inyo, kasi ako naman talaga ang nagpauso.

Libreng magcomment ang lahat kasi alam niyo namang hindi ako katiwa-tiwala sa mga sinasabi ko. Okay lang yun. Ang gusto ko lang e kapag sinagot ko kayo, asahan ninyong inaassume kong mas tanga ako sa inyo, kahit na kadalasa'y baligtad ang nangyayari. Pero baka rin naman kasi marami akong nakalimutan. Tulungan tayo rito.

Vowels & Consonants

Part 1. Pretty basic. Vowels at consonants. Vowels = mga patinig = A, E, I, O, at U. Consonants = mga katinig = B, C, D, F, G, H, J, K, L, M, N, Ñ, NG, P, Q, R, S, T, V, W, X, at Z. Alam na natin 'to, mga tsong. Hindi naman mahirap intindihin 'yan. Alam na natin kung bakit sila pinaghiwalay, sa paraan ng pagbigkas sa kanila. Yung tipong nakabuka lang bibig mo 'pag patinig, tapos kaunting variations lang ng dila. Kapag katinig e kasama na yung bibig, ngipin, ngala-ngala, kaluluwa, puta.

Pero sa bahaging ito, yung mga semi-vowel/consonant na W at Y, ituturing nating mga katinig. Bakit? Hindi ko rin alam e. Siguro kasi, kasama yung ngala-ngala at labi kahit na madali pa rin silang bigkasin at sundan ng tunog [ r ] o kung anumang katulad nito. Wala na rin naman tayong pakialam dun. Basta ang alamin mo, pagkakaiba ng vowel at ng katinig.

Malaki ang pakinabang sa pag-alala kung paano ba nating binibigkas ang maraming salita sa wika natin para sa talakayang ito.

Lapi (Affix)

Panlapi + Salitang Ugat. Alam mo na 'to! Halimbawa, pambayad sa naglaba - PANG (lapi) + BAYAD (salitang-ugat); NAG (lapi) + LABA (salitang-ugat).

Alam mo na rin 'to. Nung grade school, tinuro na rin yung tatlong basic, 'di ba? Unlapi - mag, nag, (minsan) um, basta yung nasa unahan? Mag + luto = magluto. Um + alis = umalis. Simple lang 'di ba? Gitlapi, nasa gitna. Um, in, 'yang mga 'yan. Alam mo na yun! Kain + um = kumain. Tanga + in = Tanga as in, tinanga. Tapos yung huling basic, hulapi, nasa dulo, dulong kanan, I mean. Han, an, at iba pa. Wala na akong maisip e! Pero alam mo na yun kapag narinig mo na! Agaw + an = The Legal Wife.

Ikinakabit ang mga lapi sa mga payak (main form) na salita at mga maylapi (affixed na rin). Alam mo na rin yun! 'Di ko na dapat ipaliwanag pero ewan ko na rin. Sintanga mo na rin kasi ako. Ganito yun 'di ba - Kain (payak) + um (lapi)  = kumain (busog ka na  maylapi). Simpleng-simple. Payak na payak.

Edi sa ngayon, narefresh na sa kukote mong itinuro nga pala yung ganitong mga bagay. Para saan nga ba ito? Para lang sa akin 'to. Para hindi na ako naaasar pati yung inner nazi sa akin. Para na rin nga (tulad ng sinabi ko kanina) makatipid ka sa oras ng pagtype/sulat ng -.

Syllable (Pantig)

Weh, Mart, 'kala ko ba consistency ang habol mo kaya mo itinuturo sa akin 'tong mga kalupitang 'to. Minsan kasi, guy/s, ginagamit ko yung mga salitang mas narinig/naencounter niyo na. Minsan lang naman. O e ano bang mas narinig mo sa kanilang dalawa? Hula ko lang naman 'yan 'syllable', tsaka 'wag mo nang pakialaman 'yan!

Alam mo na rin 'to 'di ba? Yung bilang ng hati sa pagbigkas ng isang salita, na kadalasa'y mayroong core na vowel (sound). Halimbawa, HINAYUPAK. Alam nating mayroong apat na vowel sound = [ i ], [ a ], [ u ], at [ a ] (ulit). Kung ilan ang nabilang nating tunog na vowel, yun din siguro sa malamang ang bilang ng syllable - hi (1) + na (2) + yu (3) + pak (4). Apat. Four. Isa pang halimbawa, RHYTHM. Mayroong [ i ], at [ u ]. (Pasintabi sa scholars talaga ng language at phonetics. Yung limang patinig lang na tinuro noong kinder ang gagamitin ko para mas mabilis at mas madali. Alam kong maraming vowels kasi aware ako sa international phonetic alphabet. Sana malaman niyo na hindi scholars yung mga tinitira tinuturuan ko sa ngayon. Salamat.) So bale, rhy (1) + thym (2). Dalawa ang syllable ng rhythm.

Gets mo na 'yan!
 
Game na, ready ka naman na e

Ngayon, gusto ko sanang magsimula sa pagpansin ng dalawang titik na pagtatabihin ninyong mga mokong kayo kapag gagamit na kayo ng lapi. Huwag mo ring isasantabi ang natutunan mo sa syllable ng mga salita. Okay game. Halimbawa, pagtatabihin mo ang salitang luto at panlaping mag-. Anong gagawin mo? Maglalagay ka ba ng gitling?

Consonant (1) then Consonant (2). Example: mag + luto. Ang huling titik ng mag ay G at ang unang titik ng luto ay L. Kapag ganito, hindi na natin mo kailangang gumamit ng gitling. Hindi na kailangan kasi pareho naman silang katinig at mas madaling bigkasin kapag ganoon. Tsaka wala na ring tunog na impit kapag consonant pero wala ka na rin namang pakialam sa detalyeng iyon! Magluto!

Consonant (1) then Vowel (2). Example: pag + asa. Ang huling titik ng pag ay G at ang unang titik ng asa ay A. Kapag ganito, kailangan mo nang lagyan ng gitling. Again, pansinin kung paano bumigkas ng salita kapag vowel na ang kakabitan. Hindi ba't parang may pause/impit sa lalamunan? Pag-asa. Pagluto. Parang may naiipit sa lalamunan, right? Pag-asa. Pagluto. Gano'n ang kadalasang nangyayari sa maraming vowel na nauuna sa mga salita. Aso. Ewan. Itlog. Oppa Gangnam Style. Pag-asa!

And then you ask, paano naman, Mart, kapag um na yung ginamit na panlapi? E tanga ka pala e (joke lang! labyu!), kaya ko nga pinaalala at inunderline na mayroon tayong konsepto ng syllable. Ang syllable halimbawa ng salitang umalis ay tatlo (u + ma + lis). Pansining ang U ng UM ay hiwalayng pantig at magkasama sa isang pantig ang MA (M ng Um, at A ng Alis). Hindi na kailangan pang paghiwalayin gamit ang gitling kasi nga, ganoon ang pagkakabigkas natin - U-MA-LIS, at hindi UM-A-LIS. Gets mo, girl?  Umalis!

Same with in + angkin. Hindi siya IN-ANG-KIN. Ang pagbigkas ay I-NANG-KIN so, hindi na kailangan ng gitling.

Then you may ask this too, paano kung infix (gitlapi aka panlapi sa gitna)? Hindi na kailangan. Madulas na ang pagbigkas. Kinain. Kumain. Again, think about the pronunciation. Hindi siya KUM + A + IN, nor KIN + A + IN. It is ku + ma + in. Note na hinati sa magkaibang pantig ang ginamit na gitlapi (um). So no need for gitling right there.

Vowel (1) then Consonant (2). Example: ma + lagkit. Ang huling titik ng ma ay A at ang unang titik ng lagkit ay L. Laging tatandaang kapag sa vowel nagtatapos ang kakabitan, HINDI NA TALAGA DAPAT AS IN HUWAG NA TALAGANG LAGYAN NG GITLING OMGWTFBBQ. Hindi na. Madulas ang mga susunod na bibigkasin sa lahat ng nagtatapos na vowel sound. Madaling sundan. Walang gaanong pause. Wala nang gitling. Malagkit!

Vowel (1) then Vowel (2). Example: na + inggit. Ang huling titik ng na ay A at ang unang titik ng inggit ay I, delas alas. Again, basahin ang nakacapslock sa paragraph bago 'tong talatang ito. Oo't mayroong impit na tunog pero hindi na kailangan dahil sa pareho namang vowel ang tunog na binibigkas. Nainggit!

Pag-uulit ng ilang bahagi ng unang pantig ng salitang-ugat. Example: nag + ti + tinda. Hindi na rin kailangan. Inulit mo lang naman yung ti ng tin mula sa tinda. Hindi malaki ang pause sa pagbigkas.

Foreign words na inangkin. Example: nag + facebook; paki + facebook. There was this idiot (ako 'to, I swear, that's why I'm cleaning this mess) na nagpasimulang gumamit ng gitling kapag magkakabit ng foreign word. Hindi niya rin alam kung bakit. Walang nagturo sa kanya nito, siya lang ang nag-isip ng paraan kung paano niyang maihihiwalay ang mga salita kapag binibigkas sa isipan habang kanyang binabasa. Gusto niya lang talagang iemphasize (i-emphasize) na nag-iiba na ang pagbibigkas ng isang salita kapag inadapt na sa wikang Filipino ang salitang Ingles na 'emphasize'. Hindi siya tunog /iyemfasayz/ kundi /i-em-fa-size/ kapag tinype kong i-emphasize. Akala niya kasi, kapag iemphasize, /iyemfasayz/.

Inuulit na mga salita. Kapag ganito, isipin natin kung mayroon bang talagang salitang payak na nag-eexist kung hindi naman talaga inulit yung salita. Halimbawa, Tatanga-tanga. Gumamit ako ng gitling kasi may salitang 'tanga' naman talaga. Same concept applies with paruparo (?). Ewan ko, isip kayo.

Tambalang mga salita. Ningas-kugon. Kapitbahay. Hanapbuhay. Wala ring malinaw na konsepto ukol dito pero ang hula ko e kapag isang salita na talaga, wala nang gitling, pero kung parang figurative (?) at hindi ganoon kadalas gamitin e gagamitan ng gitling (?). Ewan ko, what are your thoughts about this?

Sa huli, wala na rin akong pakialam. Ayoko lang kasing kumakalat hanggang sa pinakamalalaking billboard sa Edsa ang paggamit ng gitling kahit hindi naman talaga kailangan. Naiinis ang dugo ko (legit). Pinaaalala ko lang na mayroong "tama" dati. Pero dahil modern/post-modern na ang uptake sa grammar/language, tinatanggap na ang lahat ng uri ng grammar na "tama" at wala nang "mali" na grammar. Muli, sinasabi ko lamang na may mga rule na isinasantabi ng mga kupal na taong hindi marunong at napapalitan na ng mga MALI NAMAN TALAGA ang mga TAMA, at nagiging "tama" na ang mga "mali" na ito. Tama na, please.

-------------------------------------------------------

TL;DR 

1. Learn about vowels and consonants.
2. Learn about affixes.
3. Learn about syllables.
4. Pronunciation is important.
5. Ang gitling sa pagtatabi ng iba't ibang titik/letter:
6. Consonant + Consonant = magluto (NO)
7. Consonant + Vowel (remembering syllable knowledge) =  umalis (NO)
7.1 Hindi siya um + a + lis (pronunciation) kundi u + ma + lis, kahit na um (lapi) + alis (salitang ugat).
7.2 Gitlapi (sample: kumain) NO (it is ku + ma + in, not kum + a + in)
8. Consonant + Vowel = pag-asa (YES)
9. Vowel + Consonant = malagkit (NO)
10. Vowel + Vowel = nainggit (NO)
11. Foreign words = OPEN FOR DEBATE
12. Inuulit na mga salita = kapag hindi ba inulit, salita pa rin ang natira? If YES, then YES.
12.1 Pag-uulit ng pantig (o bahagi lang) (NO) Hindi na kailangan dahil madulas pa rin ang pagbigkas = nagtitinda. Mali ang nagti-tinda, okay?
13. Tambalan = not sure, check what I've discussed above, under "Tambalan..."
14. Read the last paragraph. I'm too lazy to reconstruct.

01 May 2014

Those Goddamn Eye Zombies

Mahalaga ang panitikan sa pagsisiwalat ng katotohanan. Ang malikhaing akdang Patayin sa Indak si Anastasha ni Vladimier Gonzales ay isang kuwelang spin-off ng horror movie na Patayin sa Sindak si Barbara gamit ang mga matang zombie bilang mga nakatatakot na kalabang humahabol sa mga bidang niloloko lang ng isang malaking napakamakapangyarihang ideolohiya – ang kulturang mall. Nakatatawa minsan, kadalasa’y seryoso. Ang pagpapakilalang bulag ng mga nakakikita naman, ang pagtingin sa mga buhay bilang mga patay, ang pagsira sa ideal na ang mall ay isang masayahing lugar tungo sa isang masalimuot na lugar na maraming zombie ang naghahatian, nag-iinggitan at nag-aagawan para sa walang kabuluhang premyo, ang makikita sa kuwento. Sa huli’y kahit na gaano pa man kabukas ang malalaking mata natin, maging kritikal man tayo o hindi, mahihirapan ang ating katawang umiwas sa mga isinisiwalat na kapahamakan ng mall. Wala na tayong takas.

ANG HINDI MAPIPIGILANG PANDEDEHUMANISA NG MALL
           
Ang maikling kuwentong Patayin sa Indak si Anastasha ni Vladimeir Bautista Gonzales ay isang malikhaing akdang maraming tinatalakay na usaping nakapaloob sa kulturang popular. Nariyan ang video games, dramedy (drama + comedy) films/novels, lalung-lalo na ang kulturang mall – partikular sa mga danas ng mga empleyado ng establisyamentong nagpapalaganap ng mabiswal at mapang-akit na ideolohiya. Hinuhubog ng ideolohiyang ito ang mga malay at hindi malay na pag-iisip ng mga tauhan na nagdidikta sa kanila ng kanilang mga nais na mangyari at gawin. Ang ideolohiyang ito’y hindi mapipigilang kumalat sa napakalawak na espasyo, makasira ng buhay ng isang tao’t makapagpagastos pa sa walang mga katuturang bagay, na mas malala pa kaysa sa ikalawa. Sinisira ng door-to-door shopping (partikular na trabaho ni Preciouse, babaeng bida sa akda), isang bahagi ng sub-kontraktuwalisasyon at kulturang mall, ang isang tao – sinisira sa pamamagitan ng pandehumanisa sa kanya - pagbuo ng isang alien mula sa may buhay sanang tao para lamang manggalugad na tila isang zombie’t gumawa ng mga paulit-ulit na routine.

Buod

Nagsimula ang kuwento nang iaabot na ni Preciouse ang kanyang berdeng supot na naglalaman ng bunga ng kanyang pag-iikot-ikot at pagkakatuk-katok sa bawat bahay para magbenta ng kung anu-anong produktong nais ng consumer, sa isang higanteng matang elektronikong nagngangalang Anastasha. Matapos maibigay sa kanyang panginoon ang alay ay binagtas nang makauwi ni Preciouse, sakay ng isang jeep, kung saan niya makikilala si Robin, ang lalaking bida. Maiisnatchan si Preciouse ng berdeng supot na walang laman na kung saan tutulungan naman siya ni Robin na tulad ng isang action star. Matapos ang mistulang heroic act ay inihatid na ni Robin si Preciouse para sa hindi delikadong pag-uwi. Nang makauwi naman na si Robin, napanaginipan niya ang kanyang inang matagal nang nawawala. Kinabukasa’y mapapaisip si Preciouse nang malalim tungkol sa dahilan ng kanyang mga ginagawa at ginawa ni Robin para sa kanya, habang si Robin nama’y pilit na kinakalimutan ang kanyang inang nawawala sa pamamagitan ng paglalaro, pagkalikot sa computer at paglabas ng bahay matapos ang unang dalawa. Muling magkakatagpo ang dalawa sa 7-Eleven kung saa’y mas matagal silang magkakausap at mahahantong sa pag-uwi sa apartment ni Robin. Hindi na inalala ni Preciouse ang kanyang daily schedule para sa pagkakataong ito dahil sa kasiyahang dulot ng pagsasama nila ni Robin at pagsayaw sa Dance Revo na nakakabit sa PlayStation. Sila’y nakatulog sa sobrang pagod na dala ng pagsasaya ngunit nagising sa paghahanap ng tatlong ahente pa ni Anastasha na mayroong isang malaking bilog na mata bilang kanilang ulo – binabawi na nila si Preciouse. Maraming kinalaban si Robin na mala-action star ulit hanggang sa makarating sila sa SM Fairview kung saan nila huling pinaindak ang kanilang mga sarili gamit ang Dance Revolution machine at tuluyang magapi ang large eye-head zombies ni Anastasha. Maraming liwanag at kapaguran ang nangyari kung kaya’t muling nagising na lamang sina Robin at Preciouse na pagod na pagod at may ngiti sa kanilang mga mata. Ngunit sa huling bahagi ng kuwento’y muling lumiwanag nang berde ang mga mata ni Preciouse habang siya’y hindi na nakaririnig sa kanilang pinag-uusapan ni Robin.

~

Si Anastasha ang pinakamakapangyarihan sa buong kuwento. Inilalarawan siya bilang elektroniko at nakasasanib sa iba’t ibang bahagi ng sari-saring bagay sa kahit saang lugar na ninanais niya. Siya’y isang higanteng mata, o maraming mga mata kung halimbawa’y sasanib siya sa maraming poste ng ilaw, o mga telebisyon sa isang appliance store. Maaaring basahing ang pagiging isang mata ng pinakamakapangyarihang tauhan sa akda ang makapagsasabing ang mga taong namamalakad o pinuno ng sub-kontraktuwalisasyon at produkto ng mall ay siyang nagbabantay sa lahat ng maaaring igalaw ng kanyang mga ahente. Kung nakikita nila ang lahat ng maaaring gawin ng kanilang empleyado, napakakatiting lamang ng mga maaaring kalayaan ng mga mala-robot na katulad ni Preciouse. Kung tutuusin, maraming mga security camera sa mga department store na nagbabantay hindi lamang sa mga galaw ng malilikot na kamay ng ilang mga customer kundi sa mga kilos ng kanilang mga empleyado. Mayroon lamang silang mga oras ng pagpapahinga sapagkat tuluy-tuloy ang paglabas-masok ng mga consumer sa kani-kanilang mga poste. Tsamba kung oras ng maraming walang tao o kainan, o maaaring matsambahang kung kailan magbabawas sandali’y saka darating ang isang apuradong manang na namimili ng bonggang bag. Kung sakaling magkamali, malamang ay kukuhanin ang atensyon ng nakaposte dapat na robot sa bahagi ng store na iyon – ngunit hindi gamit ang kanyang pangalan. Tulad ng nasa akda, Agent HB-1182 ang tawag ni Anastasha sa kanyang kampong si Preciouse.

Hindi na nga tao ang pagtingin, hindi pa tao ang pagkakakilanlan. Nabubura na lamang sa isang iglap na pagtawag ni Anastasha sa kanyang empleyado ang lahat ng alaalang makatao, makulay at buhay. Nakadikit sa pangalan ang buhay ng isang tao, o sa kasong ito, ang ikabubuhay, gawain at alaala ng isang tao. Kung HB-1182 na lamang ang itatawag sa bida, hudyat lamang ito ng pagiging trabahador na walang buhay ni Preciouse ngunit kung kanyang ngalan ang gagamitin, lubhang malaki o buong pagkatao niya ang nagagamit para sa pagkakakilanlan.

Muntik nang maging taong muli si Preciouse. Sa kalakhan ng akda, madalas siyang nagmimistulang walang buhay – parang isang robot lamang na sinususian araw-araw, parang isang alien na walang ibang susundin kundi ang iniutos sa kanya ng mga tao sa binibisitang planeta. Mayroong oras si Preciouse – mayroong routine. Binanggit sa akda na alas dose ang paghaharap nilang muli ng kanyang panginoon – si Anastasha. Kung mayroong routine, ibig sabihi’y paulit-ulit na lamang ang ginagawa ni Preciouse. Mayroong oras ng pagtratrabaho, pagkain, at paglapit muli kay Anastasha. Maaaring ganito siya araw-araw. Masasanay ang kanyang katawan sa walang kabuluhang mga gawain. Hindi makabuluhan sapagkat hindi na nalilinang ang iba pang mga kakanyahan ni Preciouse, bilang isang tao – taong may talento at angking kahusayang maaaring matuklasan sa iba’t ibang paggawa.

Ayon kay Tolentino, kritikal ang mga edad na pumapasok sa mga ganitong uri ng trabaho sapagkat sa mga panahong (edad) pinagpapasa-pasahan ang kabataang ito sa iba’t ibang nakasisira sa pagkataong gawain, nawawaldas ang mga oras na disin sana’y nagagamit nila sa pagpapaunlad ng mga mas makabuluhan, o sa usaping ‘to’y, makakabuluhan talagang pang mga kakayahan (2004).

Sayang ang pag-iisip at imahinasyon kung hindi nagagamit. Kung hindi magagamit, hindi malilinang. Kung hindi magagamit, mawawalan ng saysay ang pagiging tao ng isang tao. Kung hindi magagamit, mananatiling robot ang isang taong paulit-ulit at iisa lamang ang ginagawa.

Ayon pa kay Tolentino, noong mga panahong isinulat niya ang Kulturang Mall (2004), sa loob ng dalawang taon, tumaas na nang halos 40 percent ang bilang ng labor sub-contracting at higit sa kalahati ng bahagdang ito’y nasa Metro Manila pa. Indikasyon daw ito ng pagdami at pagkalat ng labor sub-contracting.

Paano pa ngayong 2014?

Malawakan at makapangyarihan ang pananakop ng ganitong uri ng ideolohiya. Maraming nabubulag sa mga ipinakikita ng mall bilang mga kokonsumohin ng maraming tao. Kung mas maraming bibili at nadaragdagan pa, kinakailangan din ng mas maraming empleyadong maaaring magdoor-to-door para sa mas madaliang pagkalat ng impormasyon at mabilisang transaksyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagpapagod na ginawa ni Preciouse sa loob ng isang buong araw, napakaliit pa rin ng nakukuha niya o halos wala pa nga siyang nakukuha matapos ang minutong mag-uulat na siya ng kalagayan kay Anastasha. Ayon sa akda, mabilis na hinihigop ni Anastasha ang laman ng kanyang berdeng supot, na bunga ng isang araw ng pagbisi-bisita sa mga bahay-bahay, isang araw ng pagkukunwaring pagbebenta. Malaki at kritikal na bahagi na nga ang inaagaw ng ganoong trabaho sa mga tao, ang lahat pa ng benepisyo at kita ay napupunta pa sa may-ari o nagpapalakad. Napakahirap isiping  ganito na lamang ang sinasapit ng ilan sa mga walang kakayahang makapagkolehiyo at nauuwi na lamang ng sapilitang pagtratrabaho para sa malalaking establisyamento kahit na malay silang nadadaya sila nang napakalaki – hindi lamang ng dayang pinansyal ngunit ng dayang pagkatao.

Mula sa akda, mahihinuhang malay naman si Preciouse sa nangyayari sa kanyang sarili kahit na nagmimistulan na siyang robot sa kawalang-kabuluhan ng kanyang ginagawa (siguro’y makabuluhang kaunti na lamang kung ito na lang ang tanging solusyon para sa kanyang ikabubuhay):

Habang nakatayo’t hawak ang mga walang lamang supot ng Anastasha, pinag-iisipan ko kung bakit may mga nilalang na gaya kong pinagkakakitaan ng mga simpleng karapatan tulad ng pagkakaroon ng sariling pangalan, ng sariling pagkakakilanlan.”

Sa mga panahong habang iniisip ito ni Preciouse, nakaramdam si Anastasha kung kaya’t sumanib siya sa isa sa mga ilaw ng posteng malapit sa kinatatayuan ng kanyang empleyado. Napaghahalataang ayaw ng mas makapangyarihang nag-iisip ang kanyang mga empleyado. Ayaw niyang malaman nilang mali talaga siya. Ayaw niyang matapos ang walang pakundangang kamaliang nagmumukhang masaya at malinis sa paningin ng karamihan. Agad-agad, tinatakot, para mapanatili ang kapangyarihan. Basag na basag ang maraming karapatang makatao tulad ng kalayaan at kakilanlan.

Binabanggit ni Tolentino na ang diin ay nasa nangingibabaw na kapangyarihan, at pag-aakalang walang kakayahang humubog ng sariling pagpapasya (2004). Si Anastasha ang nangingibabaw na kapangyarihan at si Preciouse naman ang hindi makapagpasya sa simula. Sa bandang gitna ng naratibo, makikitang nakahugot ng kakaunting kapangyarihan si Preciouse para hindi sumunod kay Anastasha, habang kasama niya si Robin. Hindi nananatiling nasa may kapangyarihan (o may mas malakas na kapangyarihan) ang pagpapasya. Nakapagpapasya rin, kahit panumandali ang sumasailalim. Idinidikta na lamang ng mga produkto ng mall kung ano ang mayroon ka dapat hanggang sa maisip mo nang iyon talaga ang kailangan mo hanggang sa iyon na ang hahanapin-hanapin mo. Ang ganitong bagay ay isiniwalat sa bahagi ng akda kung saan umamin si Preciouse sa tunay na laman ng kanyang berdeng supot ng Anastasha – Wala, kundi kung anong gustong makita ng sisilip. Ngunit kahit na malay ang mamimili sa kanyang mga needs at wants, sumusulpot pa rin ang mga maigsing segundo ng pagpapasya sa pagkonsumo ng kanyang utak at pitaka.
         
   Ngunit mas maraming pagkakataong hindi tao si Preciouse. Isang halimbawa nito ay noong hinablot ng isang lalaki sa kanyang sinasakyang jeep pauwi ang kanyang berdeng supot ng Anastasha, na wala namang laman. Ayon sa paglalarawan ni Robin sa kanyang isip, tila halos ikamatay na raw ni Preciouse ang walang lamang bag na mawawala sa kanya. Dalawa lamang ang nakikita kong implikasyon nito. Una, ang medyo litaw na dahilan ay mukhang iyon na lamang ang trabaho ni Preciouse. Kahit na medyo alam niya nang hindi na siya tao sa kanyang pang-araw-araw na gawain sa ilalim ni Anastasha, hindi pa rin siya umaalis. O (ikalawa), ang mga produktong kinokonsumo ng karamihan ng mga tao sa mall ay halos mga hindi ganoong kamakabuluhang kagamitan ngunit mahal. Iyong tipong bibili para lamang masabi sa sarili at sa mga makakikitang “mayroon akong nabibili sa mall na hindi niyo naman kayang bilhin” ngunit hindi naman talagang kailangan sa buhay. Nakapagseset na ng status symbol ang pagpasok sa mall, ng pagkakakilanlan, ng pekeng pagkakakilanlan. Kung anuman ang iuuwi kong supot mula sa mall, iyon ang tiyak na makapagpapakilala sa akin para sa mga taong makakasalamuha ko pauwi. Hindi na ganoong kahalaga kahit na walang halaga ang aking bitbit na pinagkagastusan ko ng malaking halaga basta’t makita nila ang halaga ng tatak ng aking supot.
          
  Sinasabi ni Tolentino na nakasalalay sa kontrol ng biswalidad ang pagtatanghal ng liberal na demokratikong sabjek – para tayo mahikayat pumanig, mapabili, at kumonsumo ng iba’t ibang serbisyo at produkto, kabilang dito ang politikal na paniniwala (2004).
        
    Kontrolado ng mga patalastas ang pagkokondisyon sa utak ng mga tao. Sila ang nagpapakilala ng kanilang (consumer) mga pagkakakilanlan. Hanggat maaari’y natatamaan ang sentimental at/o emosyunal na bahagi na pagkatao ng target kung kaya’t madali ring lumaki ang dami nila. Matingkad sa kuwento ang tagline ng Anastasha na “Everybody loves Anastasha!” Nakakalat ito sa mga patalastas at supot na dala-dala sa tuwing mamimili. Sa may bandang dulo ng akda’y halos buong village ay humahabol kina Robin at Preciouse. Ibig sabihi’y ganoon na lamang kalaki ang populasyon ng mga tumatangkilik o kaya’y ang bisa ng isang epektibong pekeng slogan.
        
    Ayon pa ulit kay Tolentino, ang tumatangkilik sa mall ay gumagamit ng mga kalakaran tungo sa paglikha ng isang kakat’wang pagkatao. Hindi normal ang karanasan sa mall, pero nagiging ideal ito ng pagsisiwalat ng aktwal na karanasan (2004).
          
  Nagiging kakat’wa sa umpisa ang maraming nahuhumaling, ngunit sa huli’y ang mga akademikong kritikal na lamang ang makapapansin sa kanila dahil sa lubos na kapangyarihan ng pagpapakilala ng pagkakaroon ng pekeng pagkatao, mula sa mga pekeng kagamitan para magmukhang nanggaling sa isang pekeng lugar at nakauunawa ng mga pekeng bagay.
           
 Isa pa’y umamin si Preciouse sa may bandang dulo ng akda na ang tanging laman ng berdeng supot ng Anastasha ay isang berdeng materyal lang na may hypnosis mechanism. Ayon sa kanya, kung anuman ang nais na makitang bag, sapatos, o laruan ng tumitingin, makikita niya. Isa na namang pambubulag na estratehiya ng mga mall. Sa kanila pa lamang na mga biswal na patalastas, ipinakikita lamang ng apat na sulok ng larawang kuha ng camera ang mga gusto lamang nilang ipakita, o mga maaaring magustuhan ng kokonsumo ng kanilang produkto. Hindi napapansin ng biktima na maraming nakatago sa kanyang katotohanan o kaya nama’y inaakit lamang siya sa isang bagay na hindi naman dapat mahalaga para sa kanya. Mapanlinlang ang karamihan sa mga ganito ngunit marami pa rin ang nahuhulog, tulad na lamang ng tagline ng SM na “We’ve got it all for you!” Pansinin ang salitang ALL sa pangungusap. Hindi ba’t mahihikayat ka nang makapasok sa mall ni Henry Sy niyan (kung iaassume na marunong ka namang makaunawa ng Ingles)? Pagpasok mo nama’y makikita mo ang halos lahat ng maaari mong mabili, kahit na mayroon ka lamang isang tiyak na bibilhin. Sikat na sikat na ang mapanligaw na struktura ng mall kung kaya’t maaaring mapamahal ka pa sa iyong pagpasok dahil sa isang bibilhin mong bagay (kasi nga nahikayat kang mayroon ng lahat ang SM) ngunit marami ka pang madaraanang lugar na makapanghihinayang sa’yo kung hindi mo rin naman bibilhin. Maaari ring nahihiya kang magwindowshop LANG kung kaya naman bibili ka pa rin ng item, para ano ulit? Para magpakilala ng “sarili” sa mga madaraanan ng supot, ng “sariling pagkatao.”
          
  May katapusan naman pala kung sakali ang ganitong buhay ni Preciouse dahil nga sa kontratang anim na buwan. Ngunit dahil hindi tao ang pagkakakilanlan sa kanya ni Anastasha, wala rin itong pakialam kung siya’y mawawala. Kakat’wang may sa precious ang ngalan ng bida ngunit ang kanyang halaga’y hindi nakaaambag sa kanya mismong sariling buhay. Ang kanyang halaga ay nasa kanyang araw-araw na pag-uulit-ulit ng ‘di makataong gawain sa ilalim ng ‘di makataong trabaho at bossing na walang tunay na pagtanaw ng halaga. Hanggat maaari’y walang nag-eestablisa ng emosyunal na relasyon sa pagitan ng empleyado at may-kapangyarihan. Iniiwasan ang pagkakaroon ng pagtatagal ng mga empleyado nang hindi lumaki ang kanilang mga suweldo’t hindi mabawasan ang kitang babalik sa mga may-ari:

            “...sa loob ng ilang linggo ay mabubuo ang aking limang buwan ng paninilbihan, at posibleng maglaho ako parang bula...”

           
Hindi lamang si Preciouse ang biktima ng pandedehumanisa ng kapit ni Anastasha kundi pati na rin lahat ng mga kumokonsumo ng kanyang mga produkto:

            “...Ang mga pugot na ulo, ang napakaraming mga pugot na ulo! Lahat sila’y humihingi ng tulong! Si Dr. Constantino, si Mrs. Piocos, lahat ng biktima ni Panginoong Anastasha, ako, ang aking pugot na ulo...”

Wala ang ulo. Walang matitirang sensory facility. Hindi na makararamdam ang mga taong ito’t madali na silang makokontrol ni Anastasha. Maraming nabubulag sa mga gawain ng mall. Maraming nawawalan ng saysay sa buhay ni ng kulay sa kani-kanilang buhay. Nagmumukhang mga patay na buhay ang mga taga-sunod ng konsumerismo at kapitalismo ng kulturang mall. Nakatutuwa ring isiping sa pagiging dominante ng kulay berde bilang pagdikit nito sa maraming bagay kay Anastasha – ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang kuryente, ang kanyang supot, ang materyal sa kanyang supot, ang dagat na pinaglalanguyan ng mga pugot na ulo, nakalilikha lamang ng mga taong patay naman ang loob kahit na sa totoong buhay’y madalas na ikinakabit ang kulay berde sa buhay na mga bagay tulad ng dahon, go ng stoplight, etc. Mga patay na robot o alien ang nabubuhay sa enerhiyang berde ni Anastasha.

Hindi mabubuhay ang mga robot na ito kung wala si Anastasha. Hindi rin naman lalakas ang kapangyarihan ni Anastasha kung hindi rin naman dahil sa kanyang mga empleyado:

“Inililipat niya [Anastasha] ang kanyang mga kapangyarihan sa mga ahente, at bilang kapalit ay nagbabalik naman ng enerhiya ang mga ahente sa kanya.”


Ngunit hindi naman sinasabi ng ganitong pahayag na walang talo sa kanya. Siyempre, talo pa rin si Preciouse. Magmukha mang give-and-take relationship ang pagkakasabi ng ganitong pahayag mula sa akda, nandiyan pa rin ang hindi pagkakapantay ng benepisyo o natatanggap ng dalawa mula sa kanilang mga benta. Oo na’t sabihin na nating kung si Anastasha ang may-ari at pinuno, malamang, sa kanya ang mas malaking hati, kahit pa pagsama-samahin ang suweldo ng kanyang mga ahente ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito, hindi na pinansyal na estado ang kailangang pag-usapan. Kung papalitan natin si Anastasha bilang isang tao ring may boses ng pagkontrol sa mga nangyayari sa paligid ng kanyang mga produkto at tauhan, ang paulit-ulit lamang na paghahati-hati ng trabaho sa pamamagitan ng pag-uutos ay ibang-iba ang epekto sa mga taong araw-araw na kinakaharap ang masalimuot na pagkausap sa maraming kumokonsumo, pagpapakilala ng produkto, ang pagdinig sa numerong ngalan habang walang ibang inisip kung saang bahay siyang susunod na dadaan.
          
  Ayon pa kay Tolentino, ang kartograpiya ng karanasan sa kulturang popular ang ang tatalakay sa naturalisasyon ng mga dating (effect) sa kulturang ‘di lamang tinatangkilik kundi nilikha na rin para kumita ang iilan (2004).

Nagiging natural sa mga paningin ng tao ang ideal na espasyo, konsumerismo, at dehumanisasyon ng kulturang mall. Kahit na paulit-ulit ang nangyayaring pagsira sa buhay ng tao, bulag na tatanggapin pa rin ng karamihan o kaya’y walang malay na tatanggap na lamang ng tatanggap ang mga tao dahil sa kung ‘di man sila kaapektado ng mga polisiyang ipinapatupad, hindi rin naman talaga nila mapapansin. Ikaw ba namang mabigyan ng trabaho sa isang malamig at malawak na lugar (kahit na contractual pa ‘yan!) sa panahon ngayon ng kahirapan sa mataas na edukasyon at kababaan ng employment rate, aatras ka pa ba? Maaaring dala na rin ng kahirapan sa buhay kung kaya’t ipinipilit ang sarili sa nakapagpapababang mga gawain.

Para kay Tolentino, ang kulturang popular ay bahagi ng mas malaking usapin ng kultura o pagbuo ng kamalayan batay sa mga institusyong politikal, pang-ekonomiya at ideolohikal. At ang kamalayan ay bahagi ng diskursong pangkapangyarihan – ano ang pinaghahari bilang normal at unibersal ng namamayaning kaayusan, at ano ang ginagawang transformasyon ng mga puwersa mula sa ibaba (2004).

Ibig sabihin, mayroong dati, mayroong luma, mayroong dating maayos. Kung darating sa buhay ng mga tao ang mall, tulad ng pagdating ng trabaho kay Preciouse, magkakaroon ng malaking pagbabago sa kani-kanilang buhay na sa pagdating ng panahon, ang magiging kapalit ng dati, luma at maayos na yayakapin at titingnang normal ng karamihan sa mga taong apektado.

Apektado nga ang marami’t kahit na alam ng nakararami na hindi natural ang loob ng isang mall, nagmimistulang mas maaliwalas pa ito sa espasyo ng labas nito. Binobola ng ideal na espasyong ito ang kamalayan ng taong nasa loob na wala siya sa labas kaya walang bahid ng pagkakriminal o kakaiba sa mga nakikitang ibinebenta sa kanya. Mayroong pagbabagong-anyo ng norm. Mayroon ding transformasyon ng taste o kamalayan ng isang tao. Tulad ng mga apektado ng kapangyarihan ni Anastasha sa akda, ang mga tao’y nagkaroon na lamang ng isang malaking mata bilang kanilang ulo – isang malaking maugat na mata.

Mata ang hitsura o pagkakakilala natin kay Anastasha bilang elektronikong nakakakabit sa iba’t ibang bagay. Naging mga matang zombie rin ang mga alagad ni Anastasha. Ayon kay Tolentino, ang mata ang primordial na documentor ng nakaraan at simultaneous na record ng kasalukuyan. Ang mata rin daw, sa lahat ng sensory facilities, ang nakapagpapatanghal sa identidad ng tao (2004).

Mahalaga ang pagtingin sa kulturang mall. Dito nakasalalay ang pagiging mabisa ng isang biswal na patalastas. Maaari ring nakikita ang tagline nila na “Everybody loves Anastasha!” na nakasulat sa bawat supot na berde, na bitbit-bitbit ng mga namimiling naglalakad pauwi at baka sakaling makasalubong ng maraming tao. Ang pagtingin din ay ginagamit sa pagbabantay sa mga empleyado. May mga matang nakaantabay sa kanilang oras na nalalabi at kalagayan ng kanilang trabaho. Ngunit sa kabila ng kalakhan ng pagdidiin ng malalaking mata ng mga taong apektado ng kulturang mall, nakatutuwang isiping sila pa pala ang mas higit na hindi nakakikita. Walang katiyakan ang silbi ng espasyo ng mall dahil sa dinami-dami at nakaliligaw na mga espasyong nakapaloob pa rito, na nakadisenyong iligaw ang “maller” kahit na siya mismo, bilang nakakikitang nilalang, ang nagdala (kahit sub-conciously) ng kanyang sarili sa loob nito o kung saan man siyang lugar sa kasalukuyang magmo-mall.

Kahit naman ganito’y mayroon ding mga pagkakataong paunti-unting tumitiwalag si Preciouse sa hindi pagiging isang tao. Bilang dagdag sa naunang halimbawang nagbibigay kamalayan kay Preciouse bilang isang taong nag-iisip (Habang nakatayo’t hawak ang mga walang lamang supot ng Anastasha...), naaalala niya rin paminsan-minsan na dati-rati, siya’y tao:

Hindi ako ipinanganak bilang isang ahente ni Anastasha. Tao ako, oo, minsa’y naging tao ako.

Hiniling kong hindi sana mabasa ng Panginoon ang laman ng isip ko. Na may laman ang isip ko,...”

Maaaring sabihing tanggap na ni Preciouse sa kasalukuyang hindi siya tao sa pagtratrabaho sa ilalim ni Anastasha ngunit magandang bagay pang ‘di niya nakalilimutan ang kanyang nakaraan. Nagmumukhang kapit sa patalim ang ganitong mga uri ng sitwasyong maaari ring makitang litaw sa ating lipunang kinabibilangan din ng mga nagtratrabaho sa mall. Alam niyang balang araw, anim na buwan pa man o mas mabilis pa, may pag-asa pa ring makabalik sa sariling pagkatao kahit na nabawasan na ito sa loob ng isang panahon ng pagsira sa maraming bahagi o esensya ng pagiging isang tunay na tao – na taong may buhay at kulay ang paligid. Ang paglabang ito ay nakita rin sa may bandang huling bahagi ng akda kung saan napagdesisyunan nina Preciouse at Robin na tapusin na ang huling laban sa mga large-eyed zombie ni Anastasha sa pag-indak gamit ang Dance Revolution machine sa Quantum ng SM Fairview. Sa dulo’y umindak sila tungo sa tagumpay gamit ang Dance Revo machine – ang pag-indak, ang pag-ibig nilang dalawa ni Robin, ang nagpanatiling buhay (makikita sa akda na simula noong makilala ni Preciouse si Robin, mas napadalas pa ang pag-iisip ng ahente hanggang sa hindi na ito sumunod sa kanyang karawang schedule para sa kanyang kinilalang panginoon) at malay kay Preciouse. Paulit-ulit niyang isinigaw ang kanyang pangalan, hindi lamang para maipaalalang muli sa sarili na siya’y isang taong may pagkakakilanlan, ngunit ang pagbabalik-kilala sa sariling may buhay at nakaiindak ang makatatalo sa kapangyarihan ni Anastasha.

Maaaring labanan ang pandedehumanisa ni Anastasha o ng kahit anupamang katulad na makapangyarihang ideolohiya sa pamamagitan ng pagiging malikhain. Samakatuwid, kailanganang paganahin ang utak, ang sariling imahinasyon. Mapapansin namang ang paulit-ulit na paggawa ng isang bagay ay nakapagtatanggal na ng kabuluhan sa gawain iyon lalo pa’t nililimitahan lamang nito ang ating sariling kakayahan at kahusayan. Ang isang tunay na buhay na tao’y nakapag-iisip nang malaya at kritikal, at hindi lamang namomroblema ng iisang bagay habang dumadaan ang isang araw sa harap ng kanyang pagiging buhay.

Subalit sa huli’y manunumbalik pa rin sa negatibong sarili si Preciouse:

Nagsimula akong magsalita, ngunit walang tinig na lumabas mula sa aking bibig. Nagsasalita si Robin pero wala akong naririnig. Unti-unting lumalabo ang paningin ko, natatabunan ng luntiang liwanag.

Nagising ako’t nadiskubreng malayo pa sa pagwawakas ang aming kuwento.


Kahit na makailang balik pa si Preciouse sa taong pagmamalay, mahihirapan pa rin siyang makabalik sa wasto. Mayroong tinatawag si Rolando Tolentino na paradox ng nostalgia na nagsasabing sa pag-igting ng pagnanasang makabalik, lalo namang nabubura ang alaala ng pinagmulan (2004). Mababasa mula sa itaas ang luntiang kulay, indikasyon ng pagbabalik ng kapangyarihan ni Anastasha. Kahit na gaano pa man ang tao’y kamalay sa isang bagay, tulad ng malalaking kamalian ng mall, gagamit at gagamit, papasok at papasok pa rin siya rito. Hinding-hindi niya mapipigilan ang sayang naidudulot ng mga produkto sa mall na idinudulot nito sa kanya. Patuloy niya itong babalik-balikan kahit na makailang-ulit pang isiwalat sa kanya ng kung sinu-sinong kilusan sa akademya o simpleng pag-iisip ng pang-aabuso ng mall sa kanya. Makapangyarihan ang buhay ng berdeng kapangyarihan ng mall, kahit na unti-unti nito tayong isa-isang pinapatay.

Nawawala na ang esensya ng pagiging tao ng isang tao, sa oras na madikitan na siya ng mall. Nawawalan na siya ng kakayahang mag-isip, kahit na gaano pa man niyang isipin ang bawat pagkakamaling isinisiwalat sa kanya, ni gaano pa man kasambulat sa mukha ang narmamataan niya sa tuwing mababasa niya ang papel na ito. Nawawala ang kakayahang mamili, kung alin pa ba ang tama at mali. Marami nang ipinakikitang tama at mali. Nawawala na ang pagkakongkreto ng reyalidad. Panay ideal na lamang ang ipinakikita sa biktima, kung saan iyon din ang kanyang hinahanap. Nawawala sa kanyang paningin ang tunay na hitsura ng reyalidad, ng kanyang reyalidad, at ang lahat ng ito’y mahihirapan siyang labanan. Babalik at babalik pa rin siya sa mall.

Kay daling malinlang ang mata ng biktima. Ipinakikita sa kanya kung anu-ano nga ba ang tama at mali, kahit na mabigyan pa siya ng iba’t ibang bersyon nito. Sa isang pagkakataon, maaaring ipinadadaan ito ng mall sa kanyang mga patalastas kagaya ng billboard. Nariyan ang mga phinotoshop na mga katawan ng kung sinu-sinong modelo kung kaya naman maraming nahuhumaling sa pagpapapayat. Nawawalan ng kakayahang maniwala sa kanyang sarili ang tao dahil sa mga isineset ngang ideyal na katawan ng mga patalastas na ito. Kung lahat na lang ng tao, nagagalit kapag sinabihan ng, “Mataba,” nawawala rin ang reyalidad sa kanyang iba-iba naman talaga lahat ng tao. Nabubulag siya sa katotohanang pinipilit ng mall na ipakitang bumubuo siya (ang mall) ng isang ideyal na populasyong ang lahat ng tao’y mapapayat, walang ibang ginawa kundi ang magpakasosyal at gumastos nang malaki para lamang maging “tama.”

Ilan pang dagdag sa mga kaninang naibigay na halimbawa’y ang pagpapakita sa atin ng mga produktong napakaperpekto sa aspetong biswal nang ipinadaan sa kanilang mga patalastas ngunit nang dumating na sa atin ang aktwal, nanghihinayang na lamang tayo. Ngunit kahit na ganoon, babalik pa rin tayo’t hindi naman talaga nagagalit, sa hindi malaman-lamang dahilan, o sadyang madaling mabulag ang tao basta’t alam niyang galing sa mall, tama ito at astig, kahit na madali siya nitong nilinlang.

Bilang kongkretong halimbawa sa biswal na panlilinlang, nakilala nitong si Benjamin Starr, isang manunulat sa VisualNews.com, ang isang photographer na nagsisiwalat ng katotohanan ng false advertising. Ayon sa isa sa kanyang (Starr) mga artikulo, ang photographer na kanyang tinukoy bilang si Dario D ay nagkaroon ng isang series na pinamagatang Fast Food: Ads. vs. Reality kung saan maingat na pinagtabi’t pinaghambing ng photographer ang kanyang mga kuhang larawan sa mga pinakatanyag na pagkaing fast food, sa mga ginagamit na larawan ng false advertisers. Kitang-kita sa mga larawang kanyang isiniwalat ang malalaking pagkakaiba sa dalawang nasabing panig:


Malakas ang tama ng biswal na kulturang inilalantad ng mall. Minsan, hindi pa natin ito mapapansin, maging sa mga empleyado. Halimbawa na lamang, hindi nakikitang mahirap ang kanilang mga empleyado (kahit na alam naman natin iyon), o hindi ganoon kamasyadong halata dahil sa kanilang mga uniporme. Yung kailangang nakamini-skirt at takong sila. Pare-pareho lamang ang kanilang mga hitsura. Sige, sabihin na nga nating uniporme nga nila iyon, ngunit nagiging bahagi na lamang sila ng isang background na “pangmayaman” at “pansosyal” lamang ang dapat na nakatatapak. May mga taong nakamake-up. May mga taong nakapormal ang suot. Kung ganito na lamang ang makikitang set-up ng mga taong naglalabas-masok sa mall, nauukit na sa kanilang mga isip na magkakaroon sila ng histura o “dating” na mayaman sila. Katulad ng nabanggit kanina sa itaas, nagdadala ng pekeng lakas ng loob at pekeng identidad ang pagpasok at paglabas ng mall. Sariling pagbubura sa kapaligiran at identidad ang nangyayari kung kaya naman marami ang nagsisipuntahan at pabalik-balik sa mall. Para bang ang laking bagay na magmukhang mayaman ng mga tao. Kung patung-patong din naman kasi ang mga paratang sa Pilipinas na sobrang hirap at madumi (na kadalasan, totoo naman), bakit pa magpapakaplastik ang mga tao sa pagpapakaplastik. Bahala nang magmukhang mayaman o mapera.

Hindi lamang mga kostumer ang nawawalan ng pagka-Tao kundi maging ng mga empleyado mismo, tulad na nga ng nababanggit na kanina sa itaas. Ngunit bilang dagdag na rin para sa pagpapalakas ng argumentong pinapaksa at inilalahad, maglalaan pa ang mananaliksik ng ilan pang mga kongkretong halimbawa. Isa na rito ang hindi pagbibigay ng mga karampatang benepisyo para sa mga empleyado. Hindi lamang sa mga mall kundi sa iba pang establisyamento katulad ng gobyerno. Ayon sa isang nakalap na report ng GMA News noong Enero 2013, sinasabi naman daw ng Senado na nagbibigay sila ng mga benepisyo sa kanilang mga empleyado. Ayun nga lang, hindi lahat ng kanilang mga empleyado, nakatatanggap ng mga ito. Ayon pa sa Commission on Audit at base sa binabanggit na balita, malaking pondo ang inilaan para sa mga benepisyong ipinapamigay dapat sa mga empleyado. Kung maraming empleyado ang nagsasabing hindi sila nakatatanggap, edi saan na lamang napupunta ang perang nakarekord sa mga talaan?

Kaugnay nito, ang pelikulang Endo, sa ilalim ng direksyon ni Jade Castro at mga panulat nina Michiko Yamamoto at Raymond Lee, pinatunghayan ng pelikula ang naturang praktika sa Pilipinas kung saan ang mga establisyamento ay tumatanggap ng mga manggagawa sa loob lamang ng tatlo hanggang limang buwan, upang mapayagan silang (mga establisyamento) huwag nang atupagin pa ang mga obligasyong ligal para sa kanilang mga empleyado katulad ng health care, union, social security, at iba pang mga regular na benepisyong nararapat na natatanggap ng isang empleyado. Ang Endo, bilang pamagat, at bilang slang ng “end of contract” o huling araw ng trabaho ay isang pagtingin sa ating lipunang madamot sa pera at walang pakialam sa buhay ng ibang tao. Hindi nagiging tao ang trato sa mga tao kundi mga produkto na lamang na nagmumukhang pinagsasalin-salinan, pinagpapalit-palitan, naglilipat-lipatan. Para bang pinaghihiraman ng napakaraming malalaking makapangyarihan para lang din sa kanilang (mas makapangyarihan) sariling kapakanan. Sila-sila lamang ang nakikinabang, ni walang pakinabang ang lakas-paggawa ng mga empleyado. Nawawalan ng kapangyarihan ang mga empleyado sapagkat kung kailangan din naman nila talaga ng pera, papayag pa rin sila kahit na nakadedehumanisa na ang ginagawa sa kanila ng kanilang mga employer. Sa tagline ng SM na, “We’ve got it all for you,” nagmimistulan na itong, “We’ve got it all from you!” Wala na silang pakialam. Lakas-paggawa na lamang ang natitira sa kanilang mga empleyado kasama ang katiting na kanilang mga suweldo. Ito na lamang ang kanyang pag-aari, ang kanyang lakas-paggawa.
          
  Bilang dagdag pang halimbawa sa pandedehumanisa sa mga empleyado, ayon sa isang artikulong isinulat ni Gemma Garcia para sa Pilipino Star Ngayon (PhilStar.com) nitong Diyembre lamang taong 2013, hindi na raw dapat maglagay pa ng age limit o age requirement ang mga employer sa pagkuha at pag-alis ng mga empleyado. Ito ay nakahain sa House Bill 2416 o Anti-Age Discrimination in Employment Act na isinumite ni Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez. Hindi na raw dapat ginagamit na basehan ang edad ng isang taong naghahanap ng trabaho.

Nakakatawa sapagkat nagpapaka-“anti-discrimination” pa itong si Gomez, e lalo lamang niyang tinutulungan ang mga employer na tumalo pa ng mas mahihina pa sa kanila. Yung tipong wala na talagang kapangyarihan. Kung mababa din lang ang employemnt rate at tumataas naman ang poverty rate, hindi hamak na mas malaking populasyon nga ang mabibigyan ng trabaho ng bill ngunit mas malaki ring hati ng populasyon ang matatanggalan ng makabuluhang buhay. Unti-unti nang pinapaslang ang kinabukasan ng kabataang empleyado. Nakikinabang sa ganitong sitwasyon ang estado.

Kontrolado na ng estado ang mga tao. Walang makagagalaw. Maging mahirap man o mayaman, naghahanap ng trabaho o mayroon na. Lahat, nakikita ni Anastasha, at lahat, nakikita si Anastasha. Walang takas, walang tunay na liwanag. May diwa, ngunit walang bakas ng pagtiwalag.



Sanggunian:

Garcia, G. 2013. “Age limit sa empleyado pinapaalis.” Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .             
 Gonzales, V. 2008. “Patayin sa Indak si Anastasha!.” Lagda: Journal ng UP DFPP. ed. (Eugene Evasco. Will Ortiz). Quezon City: DFPP-KAL. pp. 338-357.
Starr, B. 2012. “Fast Food: Advertisements vs. Reality.” Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .
Tolentino, R. 2004. “Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi / Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari.” Kulturang Mall. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. pp. 1-31.
Tolentino, R. 2004. “Malling, Subcontracting, at Serbisyong Ekonomiya sa SM.” Kulturang Mall. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. pp. 32-72.
Youtube.com. 2013. “Benepisyong binibigay sa empleyado sa Senado, ‘di raw natatanggap ng iba pang empleyado ng gobyerno.” GMA News. Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .