Moral
Dumaan ang lumang panahong ang mga lalaki at mga babae ay hindi pantay-pantay. Minsang tumatak sa isipan ng mga taong ang babae ay simbolo ng kahinaan, kalinisan at kapayapaan. Maaaring naging ganito nga ang pananaw ng mga sinaunang sibilisasyon pero marami nang makapagsasabi at makapagpapatunay ngayong walang mas makaaangat pa sa isa at hindi pupuwedeng limitahan ang mga maaaring gawin ng kababaihan.
Ipinakita ang kababaihan sa palabas ang diretsong pagkakasalungat ng mga naihayag na simbolo noon para sa kanila. Hindi maikakait na hindi lamang mga lalaki ang maaaring magkaroon ng magugulong buhay, samu’t saring mga problema at bisyong nakasisira ng napakagandang kinabukasan. Itinampok ng mga artista ang pagkakaroon ng kamalayan ng mundong hindi lang pala mga lalaki ang nalululon sa masamang droga. Totoong may mga halimbawang masipag mag-aral ang mga babae at mas mataas ang probabilidad na makapasa sila nang may matataas na marka ngunit hindi pinahuli at mas binigyang-pansin ang pagiging magulo ng buhay ng isang babae. Ipinakita rin ang pagiging mapangarapin ng kababaihan at mayroon ding mga nawawalan ng pag-asang makamit ang mga pangarap. Naisiwalat din ang pagiging “pabrika ng mga bata” ng isang asawang babae na hindi naman tama kung hindi naman ginusto ng isa ang kanilang ginagawang responsibilidad. Napasuot man ng maraming maskara ang isang babae, dalawang bagay lamang ang masasabi ko. Unang-una sa lahat, nakatutuwang isiping ang mga lalaki at babae ay pantay-pantay na sa halos lahat ng aspeto sa buhay. Hindi na nagkakaroon kadalasan ng diskriminasyon sa kasarian at bawat isa ay nirerespeto ang kani-kanilang mga kakayahan. Ikalawa, nakalulungkot sapagkat nang namulat ang kababaihan sa kamalasan at karumihan ng mundong ito ay walang awat na rin ang pagdami nilang gumaya, makihalubilo at makibagay sa mga napapanahong kabulagan sa mga nararapat na gawaing kailangang gampanan. Nasira na ang imaheng lahat ng mga babae ay hindi sanay sa gulo, napakamahihinhin at magaan ang saloobin sa buhay.
Gayunman, hindi na natin masasabi pa ang kaibahan ng kalalakihan sa kababaihan pa sa ngayon. Oo, siguro sa mga pisikal na katangian ngunit umiibabaw pa rin ang ideyang nagagawa na halos lahat ng isang kasarian ang kanilang mga gustuhin sa mundo.