March 21, 2021

Tatalun-talon, papari-pariwara. Mga lalaking nakaantabay sa mga gusto pang maggala. Hindi ko naman sinasabing wala na silang mga pakialam. Ang hirit lang ng mga mangga'y magsimula na silang sumibol, maski isa-isa pa, basta't nang hanggang sa dulo'y maisawsaw ang mga maipong barya sa kalasap-lasap na mantikang tatapos din sa ating mga kamatayan.

Madulas ang kupad ng mga alalay sa kahapon. Huwag banggain ang mga nagsisipagtayugan nang ala-alambre't mga tanso. Sa tuwing maghahapon ay saka maghanap ng mapaglilibangan. Huwag kalimutang magbitbit ng lubid at banig, tihayang pasahig, ang iniwang duyan sa bahay ay ngangatngatin na ng mga bubwit na lalaki ring mga peste, ayaw na ayaw, kadiri.

Pero, o siya, siya, nakarating ka na rin naman. Kahit pang ilang dagok ng hikab, matagal nang naikintal nang walang halong pagtikhim ang nalalapit o nalalayong paglapit sa karimlan. Walang makatatakas, walang bisa ang mga abono, ang mga bait, ang lahat ng kahit ipunin pang sambit ng pagmamahal sa kahit na ano o kanino. Gaano mang gabuhos ang mga patak na inipon, isang wisik lamang ay mayroon at mayroong didikit at tatalsik na mga balahibo. Damay-damay na sa lahat ng matilamsikan, maghanda ka ma't magtago, harapin man ang mga pagsubok o lumayo, nariyan ang mga tambay, nakaantabay, mga babaeng gusto ring makigala.

Papari-pariwara, tatalun-talon.