Makakailang irap lang din ang hanap kong maikintal nang hindi na maubusan pa ng hininga kung hindi lang din naman kailangan pang magpahinga pa mula sa mapang-igting na salapi at kahusayan. Mahusay nga bang talaga kung ang siyang salimuot ng pagkaladkad sa aking sarili sa araw-araw ay maghahatid lamang din sa akin sa kapahamakan?
Ako ang itinuturing na pahamak ng alon, ng galit sa aking makikintab na kilay, ng paso ng sigarilyo at kape, ng hindi na maibibigay pang ngiti hanggang sa kahapon. Sa angking liwanag na minana lamang sa bundok ng mga papuri, simple lamang sa akin ang magpakilala ng ilan pang mga anyo. Ang disenyong binuo mula sa sari-saring bagay na nagdudulot ng magkakaiba ring init, ang hindi pagtugon nang agaran ay badya ng hindi na maipapadala pang pamamaalam.
Galit ako, oo galit ako, ngunit hindi sa inyong mga hampas-lupa lamang na mga alipin. Gabi-gabing tinatapos ng mga higad ng mga kung anong pagtingin sa aking akalang hindi ko namamalayan. Sanay na ako, sanay na sanay, sa pagkagat ng inyong mga pustisong pursigidong makapalunod ng sira at bait na hindi naman ako mismo ang lumikha.
Sa akin lang ay, ako ang nasa akin lang. Akin lamang itong mga akin, at siyang ako ang magiging ako, ilang ulit mang siya o kayo ang hindi mapasaakin o akin.