Pati mga patimplang minsang
Kape sa umaga, minsan din
Sa tanghali sa kung madaling
Maghahanapan ng bagong
Palipas-pangarap, palublob sa
Iba-ibang parikit ng ating
Nag-iisang kumot, nag-iisang
Init sa ginaw na dulot lang
Din naman ng air-con at fan.
Bibingwit, babaliko, titingin
Sa magkabilang sulok bago
Magsindi ng pangungulila mo
Sa iyong mumunting mga stick
Sabay tawag sa pangalan ko,
Hugis kong sabik sa hugis mo.
Mamaya na kaya ang ibang
Ulam, mamaya na rin kumain.
Akin na muna ang mga usok
Galing sa naghihikahos nang
Muntik pang ipahid sa pader,
At hintay ka, saglit, sinabing
Huwag kang makulit, huwag
Mong itapon at baka may
Makakita sa iyo, sa 'ting dal'wa.