November 14, 2014

Para

Hindi naman ako nakalilimot. Pero, mabilis, minsan. Nakakatamad din palang minsang magsulat. Minsan, akala mo talaga, yun na talaga yung passion mo. Tapos bigla mong marerealize na wala kang talento talaga doon. Edi wag na lang. Pero madalas, tinatamad ka lang talagang magpractice. Halos lahat naman talaga siguro ng magagaling, araw-araw na silang nagpapraktis. Kaya siguro may mga taong masyadong pinabababa yung mga sarili. Mga gagong ayaw tanggaping tamad lang talaga sila, hindi genius, at kailangang magbigay ng napakamasalimuot na pasensya. Madaling mainggit, madaling manisi, wala namang ibubuga.

Buga nang buga ng dugo yung ulong nakita ko. Hindi ko talaga alam kung ulo ngang tunay iyon pero para kasing may mata, tsaka buhok, na parang nakatitig sa akin. Para ring sumisigaw siya, pero wala naman akong naririnig. Masakit sa tiyan, parang nasusuka na ako, pero hindi pa rin ako makaalis kung nasaan ako. Pilit ko mang igalaw yung sarili ko, hindi ko na mabuhat-buhat yung katawan ko. Sinubukan kong sumilip sa ibang bahagi ng silid, putang ina - hindi ko rin maigalaw yung mga mata ko. Paano ba 'to? Nagpapanic na naman ako. Paano na? Shit! SHITSHITSHITSHITSHIT. Mahirap. Nahihirapan ako. Nahihirapan na talaga ako. Hindi ko naman talaga alam kung bakit takot na takot ako o ayaw ko lang din mapasigaw habang pinupugutan. May nakapulupot ba sa akin? Nakatali? Nakapatong? Bakit kung anong isipin ko, iyon ang kusang nangyayari? Teka? Teka-teka. Nananaginip na naman ba ako?

Sinubukan ko nang gumising. Kaya ba hindi ko maigalaw yung buong katawan ko? Nagkaroon na akong bigla ng kaunting kamalayan. Naramdaman ko nang malambot ang hinihigaan ko. Pinagpapawisan akong nagpaikut-ikot ng iniisip, hanggang sa dumilim bigla. Madilim. Ah fuck, siyempre nakapikit ako. Dumilat na ako. Ang init. Balot na balot nga pala ako ng kumot. Gusto kong uminom ng tubig, pero ang layo ng ref. Malapit lang, actually, nasa harap ko lang, pero ang layo talaga. Natatakot akong tumayo. Mabuti na lang may mga nakabukas na ilaw. At least alam ko kung mayroon, kahit na ayaw kong makakita, ever. Napakatanga minsan ng utak ko e. Parang... gusto kong nakabukas yung ilaw, para alam ko kung mayroon, pero ayaw ko ngang makakita. 'Di ba? Inulit ko na nga lang yung sinabi ko e. Bibigyan ko na lang ulit ng isa pang example. Parang, kunwari, nakaharap ka sa salamin. Tapos makakaisip ka ng nakakatakot na napanood mo na may kinalaman sa salamin. O 'di ba parang, hindi ka na titingin sa salamin pero sisilip ka pa rin kasi tinitingnan mo kung totoo nga ba talaga o kung ano talagang hitsura, pero ayaw mo ngang makakita? Tanga mo rin e no?

Bumangon na ako, ilang buwan ang nakalipas. Mayroong ibang tatlong taong tulog, isa ka na roon. Bumangon na talaga ako, kahit hindi ko kaya, kahit na pagod na pagod na yung puso ko kakaisip. Pumasok na ako sa kuwarto niyo at tinapik ka. Gusto sana kitang gisingin pero nagising din yung isa. Bumangon din. Anak ng puta. Buti mabilis akong mag-isip ng palusot. Hiningi ko si Jumbo. Ang tagal mo akong narinig. Ang tagal mo ring nakagets. Kung sa bagay, bagong gising ka lang. Ano bang pagkakaintindi ng mga bagong gising sa mundo? Minsan, tinatadyakan sila. Minsan, parang wala lang. Minsan, parang panaginip pa rin. Panaginip na lang yung inasam ko, Pero okay lang. Tabi naman kami ni Jumbo e. Kumot.