March 5, 2019

Nilasing na naman ako ng boses mo. May pagngisi akong nakagugulo ng isip. Nahihilo bang talaga ako? Hindi ako sigurado sa mga iniisip ko pero masarap sa pakiramdam. Kinakausap na naman ako ng mga pagbulong. Hindi na naman pantay ang mga tala. Dudungaw ako sa bintana ng kailanmang kulimlim. Hinahanap na ako ng aking sigarilyo. Uupo na akong saglit sa aking kastilyo. Wala na munang manggugulo. Ikaw na lamang muna ang gumising sa aking napipintong mga desisyon.

Bahala na, pero ayaw ko rin. Gusto ko ng kulit kahit na mas maiging nakatalukbong sa akin ang aking sariling mga unan. Yayakagin ako ng kahapong may balat ng pighati. Sinasanay ko na naman ang sarili kong huwag masanay. Gutom ako at gusto kong kumain, totoo. Umiinit na naman ang aking kalam. Mag-uumpisa na naman itong magyaya ng sigarilyo. Hindi ko siya papayagan at ng isa ko pang sarili. Maya-maya'y nag-uudyok na naman ang mga residenteng bulong.

Tatayo na ako. Papayagan ko nang pumalag ang langit. Sa tirik ng araw ay may hihigit pa ba sa dinala kong sariling mga pighati? Sigurado na naman ang aking mga susunod pang pagtatanong. Hindi na naman ako pinayagan ng aking mga pakiramdam. At sa pagbabalik ko sa aking sariling mga pag-ikot, hahalikan na lamang muli ng kulimlim ang aking paghimbing.