Nanlilimahid na naman ang aking diwa. Gusto ko nang magpumiglas. Nasaan na ba ang mga pinakatatagong mga trapo at kalinga? Galit na galit na ako. Maya't maya na lamang akong mananaginip, naghahanap ng panibagong lunang mapagbubuntunan ng mga asong galit na galit ang pangil. Maglalaway ang mga ito sa bawat hampas at hagupit ng akala mo'y hindi na malilinlang pa ng langit. Wala nang makapapalag pa kahit sandosenang mapang-akit na buto at laman. Saka na muna ang sarili, mamaya na ang aming mga sarili.
Maliwanag ang liwanag sa dilim ng gabing nayon. Ang makakawala'y magwawala nang mawalan ng maaaring mawala. Nandiyan ang mga dumito, dodoon ang mga nandirine. Magsisipuluputan sa mga pula at asul ang iba't ibang alagang malumanay naman ang kagat. Magpapaikot ng mga kuwentuhang walang kinalaman sa paglubog ng araw. Sa tuwing sisikatan nama'y nakakapayat ng titig at tiwala sa aksyong manggagaling sa pinanghihinaang mamayagpag.
Ako na muna, kapatid, ako na muna. Bahala na muna ako sa mamayang maghahatid sa'yo galing sa aliw ng pagmamadali at kabusugan. Mabuti't wala ka nang pinapakawalang respeto bagkus ay kinilala mo pang muli ang iyong kalma sa iba't ibang panunuri. Huwag kang mag-alala, ay sus, ako na. Huwag kang mabahala 'pagkat ngayon lang naman muli magkakaroon ng panibagong paglumanay. Basta't aakayin mo rin ako ay siyang oo nga, ako na, humimbing ka na rito sa akin, sa atin.