Boundary
Mart Tabilin
Bobo talaga. Ba’t pa kasi naiwan yung yosi ko sa bahay. ‘Tang ina. Kaya ayokong nagmamadali e. Kanina pa ‘ko yosing-yosi. Perwisyo pa ‘tong putang inang pila na ‘to. ‘Di naman gento dati. Ang alam ko may araw pa nung makapasok ako sa pila. Anyare? Inabutan na kami ng mga ilaw sa kalsada. Ang kupad kasi ng usad. Kupal. Usad naman. Minsan feeling ko tuloy kanina pa may sumisingit. Malay ko, ewan ko. Tinapik kong mabilisan kung nasa bulsa ko pa yung cellphone ko. Syet sana walang gumalaw ng yosi ko. Chineck ko ulit yung laman ng wallet ko sabay dismaya. Sakto na lang talaga pera ko. Kahit pilitin ko pa, wala na talaga. Sa bahay na talaga ‘ko makakapagyosi. Putang ina, bobo talaga.
Ramdam ko na rin ang init. Basa na kilikili ko. Fucking shit nakakahiya pero wala na akong paki. Basta makauwi. Sunud-sunod na 'kong nagpupunas ng pawis sa noo at batok. Pisngi. Ilong. Noo ulit. Batok. Puta. Nakapasok din sa wakas. Siksikang sardinas as usual; at least walang matutumba sa 'min, makakapagpahinga ring konti habang kapwa kaming nagkakasandalang mga pasahero.
Bakit parang... ang kati 'ata ng bulbol ko? Hala? Makati ba? ... Makati nga! Fuck fuck fuck. Pinilit kong ilingon yung leeg ko sa kabila't kanan kung merong mga ulong nakatingin sa 'kin. Nababasa ba nila isip ko? Alam kaya nila? 'Wag niyo 'kong tingnan, utang na loob! Tuluyan nang tumulo ang pawis sa kanang pisngi ko. Kupow, 'wag kang titingin sa bandang titi mo at baka mabasa talaga nila isip mo! Fuck. Ang kati talaga holy shit ano 'to pa'no nangyari 'to.
Kapag idinaan ko ba sa konting... fuck. Hindi puwede 'to. Hindi talaga puwede 'to. Lord, bakit ako? Tingala. Pumikit na lang ako. Pinakiramdaman kung ga'no kalala ang mga buhol. Fuck. Lord. Please. Namalayan kong pumahinto ang tren. Nabawasan ng sikip, ng mga pasahero. Pagbaling kong muli sa ‘king bandang kanan e bigla na lang may nakatitig na nanay sa akin, kunot ang mga kilay. Dali-dali niyang hinila yung anak niyang maliit habang nakatitig pa rin sa ‘kin. Meron siyang binubulong sa bata nang mapansin niyang nakatitig na rin pala ‘ko sa kanya. Nanlaki ang kanyang mga mata. Pinandilatan ko siya pabalik. Hindi mo naintindihan ang nakita mo, please lang. Nagmakaawa na lang yung mga mata ko sa kanya dahil sa wala na ako sa mood makipag-usap. Pasimple siyang humalik sa noo ng kanyang anak para mailayo ang titig niya sa ‘kin. Inilipat ko ang atensyon ko. Pumikit ulit. Humingang malalim. Tinanggap ang husga. Sa pagsarang muli ng mga pinto, kusa na lang ding nagsara ang aking isip.
Nagising ako nang bigla ‘kong mauntog sa bintana ng bus. May narinig pa ‘kong napangisi. Sumama ang tingin ko pero hindi ko na hinanap pa kung sino. Gago amputa. Nagtanggal na lang ako ng nangingilid na muta. Maigi kong sinipat sa bintana ang gabi, ang mabagal na trapiko, sa piyesta ng iba’t ibang ilaw sa daan. Maya-maya’y nadama ko ang ginaw ng air-con. Hiningahan ko ang aking mga palad sabay adjust ng aking mga betlog sa pagkakaupo. Ow-oww. Higop nang konti. Kanina pa ba kami nandito? Dinukot ko yung phone ko para malaman ang oras. Hindi ko napigilang magbukas ng Facebook. Scroll. Like. Scroll. Scroll. Saka lamang may lumitaw na boses sa may bandang harapan.
“‘Tang ina mo a, bastos ka. Tingnan niyo, kuya, o! Nakalabas yung titi neto o! Putang ina neto o! Tingnan niyo o. Tingnan niyo! ‘Di ba, ‘te, sinara niya?”
“Hala hindi! Si ate talaga.”
“Putang ina ka a!”
“Sino?! Sino?!”
“Eto o! Putang ina mo! Putang ina mo, tatawag akong pulis. ‘Tang ina mo ka a. Putang ina mo, sa’n ka pupunta?”
“Wala namang- Si ate, para namang ano.”
“Ba’t nilalabas mo yung titi mo?!”
“Hindi a! Ano ba naman? Si ate, paskong-pasko.”
“O ‘di ba, ‘te, nakita mo sinara niya yung zipper niya?”
“Wala o. Hindi a.”
“Putang ina mo ka a.”
“Bigla akong-”
“‘Ki ng ina mo ka a.”
“Sensya na. Paskong-pasko.”
“Anong pasensya?”
“Tama na.”
“Putang ina mo tatawag akong pulis. Putang ina mo.”
“Si ate naman.”
“‘Tang ina mo, marami akong kilalang pulis.”
“Pasensya na. Hindi naman-”
“AKO PANG GINANYAN MO? Kaya pala dikit ka nang dikit a!”
“Sorry na. Standing naman, ate, e. Pasensya ka na. Hindi naman sina-”
“E BA’T NILALABAS MO TITI MO?”
Oh shit.
“Hindi naman a! Sorry na.”
“Anong hindi? Umamin ka lang sige, tatanggapin ko sorry mo!”
Pintig.
“Sige ano?”
“Ate-”
“Nilabas mo, hindi?”
“Hindi, ate, pasensya na.”
“Anong hindi?! ‘Wag mo ‘kong hawakan putang ina ka!”
Pintig.
“‘Tang ina mo. ‘Tang ina mo tatawag akong pulis ngayon. Marami akong kakilala.”
“Sorry na, ‘te. Sorry na.”
“‘Tang ina mo a.”
“Sorry.”
“Anong sorry?”
“Paskong-pasko naman, ‘te. ‘Wag ka nang-”
“Paskong-pasko. Ba’t nilalabas mo yung titi mo?”
“Hindi naman. Diyos ko. Wala namang ginagawa yung tao.”
“‘Tang ina mo ka.”
“Hindi na, ‘te. Sorry na.”
“Gago ka a. ‘Tang ina mo ka a.”
Pintig.
What the fuck? Umanggulo ako ng silip. Lumingon ang isang lalaking may nakasukbit na bag sa harapan habang nagsosorry sa babaeng nagvivideo sa cellphone.
“May police station dito sa likod e.”
“Pasensya na, ‘te, a. Pasensya na,” tango ng lalaki. “Pasensya naman. May nag-aantay sa akin sa bahay. Kung ganyan, e paskong-pasko.”
“O pampasko ‘yan?”
“Sige na, ‘te.”
“Ina mo ka a.”
“Kawawa naman yung anak ko. Pasensya na.”
Napayuko na lamang ang lalaki sa alalay ng kaliwa niyang braso sa sabitan. Marami na ang nakatutok sa pangyayari.
“O, anong ginagawa mo?”
“Sorry na.”
“‘Ki ng ina mo ka.”
“Pasensya na.”
“‘Tang ina mo nilalabas mo pa yung titi mo. Gago ka a.”
Lumuhod ang lalaki sa harapan ng babae.
“Pasensya na. Sorry na.”
“Ba’t ka lumuluhod. ‘Wag ka lumuhod, kuya. ‘Tang ina mo ka a. Nilalabas mo pa yung titi mo.”
“Ba’t ilalabas naman ‘yon.”
“Kitang-kita ko.”
Bumusina ang bus. Nakahinto na pala kami.
“Kitang-kita sa video sinara mo yung zipper mo. Hayop ka.”
Busina.
“Ina mo.”
Pagtayo ko’y marami nang cellphone ang nakatutok sa lalaki. ‘Di na ‘ko nakiusyoso pa. Pangarap ko na lang makababa. Hindi alintana ng mga pasaherong nagvivideo sa eksena ang pagdaan ko sa masikip at tayuan na gitna papunta sa unahan. Bago pa man ako umabot sa hagdan ay nagmamakaawa pa rin ang lalaki. Pagkapara ko sa driver ay may mga humablot sa kanyang t-shirt. Hindi na ako lumingon pa.
Adjust muli ng bayag sa boxers pagtapak sa kalsada. Nag-unat-unat muna ako ng likod at balakang. Masigla pa ang ingay ng mga tao at sasakyan pero mukhang marami-rami na rin ang nagmamadaling makauwi. Sinimulan ko nang maglakad papunta sa terminal ng mga jeep. May mga nasalubong pa ‘kong nagbebenta ng kiat kiat, pinya, rambutan, buko, buko juice. Ambango pa rin talaga ng proben, at sabay-sabay na pag-iihaw ng barbecue, betamax, isaw. Sago’t gulaman, kwek kwek, yosi, sari-saring candy. Yosi. Fuck. Inilabas kong saglit yung lighter ko sabay sindi. Sindi. Sindi. Umingay yung mga nagbebenta ng tempered glass, phone cases, at pipitsuging mga wallet at shades bago pa ‘ko umabot sa hagdan ng overpass. Iba sa ginaw ng air-con ang hangin nang makarating sa itaas. Sumilip ako sa gilid at inalam kung malulula ba ‘ko. Pa’no kaya kung mabitawan ko yung cellphone ko rito ‘no hahahaha ‘tang ina baliw. Hindi pa nakakababa ay kita ko na sa ‘di kalayuan ang mahahabang pila ng iba’t ibang biyahe. Puking ina.
May mga napaupo na muna sa ibabaw ng mga bagahe nila, sa mga gutter. Mga tutok sa kanya-kanyang cellphone. Langhap sa kahit saang puwesto ang halu-halong usok ng tambutso, sigarilyo, at bagong lutong food trip sa mga stall. Napahimas akong konti sa tiyan ko. Mabilisan kong chineck ang oras sa phone pagkabit ko sa pila. Medyo mas tuluy-tuloy ang usad kumpara. Unti-unting napuno ang jeep. Nang maisiksik na ang lahat ng puwedeng maisiksik, saka sumakay ang dispatcher para maningil ng samu’t saring reklamo at pamasahe.
“Ang sikip-sikip na nga e. Dapat hindi ganyan,” galit na pahabol ng lalaki sa harapan ko habang bukakang-bukaka ang singit. Sinubukan niya pang muling sumiksik paatras sa upuan niya. Kumaldag ang susi ng driver at binuhay na ang jeep. Nang mahanginan na kami ng simoy paglabas ng terminal, isiniksik pang ulit ng lalaki ang kanyang puwet. Tiningnan na siya nang masama ng katabi niya. Salubong pa rin ang kilay ng lalaki. Napapikit na siya sa pagod sabay sign of the cross. Tumingin sa akin ang katabi niya na para bang naghahanap ng kakampi. Bumaling na lang ako agad sa highway bago tuluyang lamunin ng antok.
“Ano bang problema mo?!”
Huh? Bad trip akong nagising at dumilat. Buntong-hininga.
“Hoy sumagot ka, ano bang problema mo?!”
Masama pa rin ang titig sa kanya ng katabi niya. Nakapikit pa rin ang lalaki. Pilit niya lalong isiniksik ang kanyang puwet nang mas may puwersa pa.
“PUTANG INA MO, ano bang problema mo?!”
“TUMIGIL KA NA!” pagdilat sa wakas ng lalaki. “Umayos ka, gago. Putang ina mo, ‘di kita inaano diyan.”
“Anong umayos?!”
“Tumigil ka na! ‘Tang ina mo hindi kita inaano diyan,” sagot niya agad habang agresibo pa ring nag-aadjust ng pagkakaupo. Pumikit siya ulit.
“Anong hindi?! E gago ka pala e kanina mo pa ‘ko sinisiksik dito!”
May ale na sumubok nang umawat sa dalawa.
“Kanina ka pa siksik nang siksik! Gago ka pala e! Parang wala kang-”
“‘DI BA SABI KO TUMIGIL KA NA ‘DI BA?!”
“PUTANG INA MO!”
“TUMIGIL KA NA, GAGO! … O ANO?”
“Manong, para na nga! Para!”
Ilang saglit lang ay nakatabi na ang jeep sa harap ng simbahan. Pinanlisikang titig ng lalaki ang katabi niya, “Ano?! Ano?!”
“‘Tang ina mo, ‘wag kang dadaan-daan sa ‘min. Bugbog-sarado ka sa ‘kin. Pasalamat ka-”
“Bumaba ka na ‘tang ina mo, dami mo pang sinasabi.”
“‘Tang ina talaga neto. Panget ka na, panget pa ugali mo! Hahahaha!”
Holy shit.
“Kung ayaw mo masikipan, ‘wag ka magjeep, tarantado!” Nakababa na ang nagpara bago magpahabol ng, “Magtaxi ka na lang, ang arte mo, gago!” Nasilayan ko pa ang gatong niyang pagtawa. “Bakla! Ang arte mo!” huli niyang pabatid sa lalaki.
“Ulol pakyu!”
Bumalik sa pagpikit ang lalaki. Kunot pa rin ang mga kilay. Pawis ang noo, pawis ang magkabilang sentido.
Sign of the cross muli.
Amendt.
Dahan-dahan nang humupa ang ingay ng siyudad. Napaltan na ng ihip ng hangin sa tangkay ng mga puno at halaman. Ibang klase na ng dilim ang nakabalot sa paligid. Huminto na ang jeep sa harap ng isang malaking arko. Bumaba na kaming halos lahat na mga pasahero. May ilan pang natirang ihahatid
sa kabila.
Fuuucckk. Banat again of boxers for my itlogs, banat likod, banat balakang. Onti na lang, onti na lang. Pinasok ko na ang arko kasabay ang ilan ding hindi na siguro makakausap pa sa pagod. Obligatory checking ulit ng phone at lighter. Dinig na dinig ko na ang videoke. Pagliko ko sa kanto, tumambad ang pamilyar na kasiglahan at saya. May paglapag ng mga baso at pitsel. Kalansingan ng mga kubyertos. Tawanan. Pagsalok ng inumin. Malakas na kuwentuhan. Meron pang nagpapaypay ng iniihaw. Makapang-anyaya ang bumati sa aking lalamunan at sikmura.
“Uy! Kanina ka pa?”
“Tanga, kararating ko lang.”
“Malay ko ba, gago! Shot ka muna.”
“Ano ‘to?”
“Dalandan.”
“E eto?”
“Bopis. Si Aling Baby gumawa. Birthday niya.”
“Happy birthday po!”
“O ginabi ka na?”
“Opo e.”
“Sa’n ka napasok?”
“Sa Makati pa po. Ansarap po neto.”
“A o aba siyempre naman! Kain ka lang diyan. Bawal mahiya!”
“Salamat po!”
“O shot.”
“Gago, ambilis naman ng ikot?”
“Gago, siyempre kelangan mong humabol.”
Puta. Tingala. Hagod. Abot. Punas.
“Peram ako lighter.”
“O.”
Sumubo na lang ako ng isa pang bopis para sa huling lasap. Tinanggihan ko na ang ikatlong balik sa akin. Nagpasalamat nang muli kay Aling Baby.
“O uwi ka na agad?”
“Opo natatae na po ‘ko e.”
“Ay susmaryosep! Ikaw talagang bata ka! O siya, o siya.”
“Yosi, tsong.”
“‘De meron ako sa bahay. Una na ‘ko.”
“Aga naman, tsong!”
“May gagawin pa ‘ko.”
“Magjajakol ka lang e! Mamaya ka na umuwi!”
“Gago, may gagawin pa nga ‘ko! Next time na lang.”
“‘Ge ingat.”
‘Ge. Sumuot na ‘ko agad sa sumunod na kanto. May malakas na balita sa tv tungkol sa isang lalaking naglabas daw ‘di umano, pasintabi sa mga kumakain, ng kanyang ari sa loob ng isang pampublikong sasakyan. Mabuti na lamang daw at nakunan ng isang pasaherong babae ang kabastusang naganap gamit ang video recorder ng kanyang cellphone. Pinaalalahanang patnubayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kanilang mapapanood.
“Ba’t nilalabas mo yung <bleep> mo?!”
“Hindi a! Ano ba naman? Si ate, paskong-pasko.”
“O ‘di ba, ‘te, nakita mo sinara niya yung zipper niya?”
“Wala o. Hindi a.”
“<bleep> mo ka a.”
“Bigla akong-”
“<bleep> mo ka a.”
“Sensya na. Paskong-pasko.”
“Anong pasensya?”
“Nakuhanan ng isang pasaherong babae ang ginawa sa kanyang pambabastos ng isang lalaki habang sakay ng pampublikong bus nito lamang gabi. Giit pa ng dalaga, noong umpisa pa raw ay dikit na nang dikit sa kanya ang lalaki matapos nitong lumapit sa kanya pagkasakay. Mabilis na kumalat ang video sa social media at nakaani ng iba’t ibang inis at galit mula sa mga netizen. Nasa istasyon na ngayon ng pulis ang lalaking nadawit, at hindi nalalayong sampahan ng kaso…”
“Naku dapat lang! Kaya kayo, ikaw, lalo na ikaw, naku mag-iingat kayo e araw-araw pa naman kayong nabiyahe!”
“Kadiri naman yorn, ‘te, naglabas ng kikiam!”
“Alin? Saan? Pinakita sa video?”
“Malamang, ‘te, blurred ano ka ba?!”
“Mga tanga, meron naman sa Facebook!”
“Ay oo nga!”
Oo nga ‘no oh shit.
“Gago, bilis baka mablock na.”
“Hoy mga batang ‘to!”
“Bakit, ma, ‘di ka pa ba nakakakita ng tite?”
“Oo nga, ma, pa’no mo kami nabuo ‘di ba hahahaha!”
“Mga walang hiya kayo! Isasara ko ‘to sige!”
“Joke lang, ma, e!”
“Sinasabi ko talaga sa inyo!”
Habang hinahanap ang video ng titi sa bus ay unti-unti na ring nanabik ang aking mga paa sa bawat pagtapak tungo sa bahay namin. Yosi yosi yosi. Pagkalangitngit ng gate pagbukas ay binati na agad ako ng pagsampa ng aso namin galing sa harurot na harurot na pagtakbo.
“Andiyan na sila? Andiyan na sila? Kumain ka na? Kawawa naman ang baby na ‘yan! Kanina ka pa naghihintay? Ha? Kanina mo pa ‘ko hinihintay ‘no? Kawawa naman talaga ‘yan!”
“Kumain ka na?”
“Hindi pa po. Anong ulam?”
“Adobo. Magbihis ka na.”
Pagkamano’y diretso na agad sa kuwarto ko. Ibinalibag ang bag sa kama, higa sa katabi sabay tanggal ng sapatos. Tumingin ako sa mesa kung naiwan ko ba talaga yung kaha ko. Oh my god! Inabot ko na agad. Dumukot ng isang stick. Hell yes! Pinaglaruan na ng aking mga labi ang puwet ng sigarilyo. Nang kinakapa ko na ang bulsa ko para sa lighter, bakit parang… putang inang ‘yan. “Bobo talaga!”
“Bakit?”
“Nawalan na naman ako ng lighter.”
“Kumain ka kaya muna.”
“May posporo ba tayo sa baba?”
“Meron.”
Naghubad na ‘ko ng medyas at nagtsinelas. Mamaya na ‘ko magpapalit ng damit. Pagdaan sa sala’y naabutan ko pang gising at naglalakad ang baby kong pamangkin.
“O bakit gising ka pa?”
“Natulog kasi nang hapon.”
“Preskong-presko a! Nagpasabog ka na naman ng lagim ‘no!”
“Oo kapupunas lang niyan. Maya-maya ko na bibihisan.”
“Ba’t nilalabas mo yung titi mo?”
Natawa ang bata. Natawa rin ang kanyang nanay. Proud ako sa sarili ko.
“Tatawag akong pulis!”
Tawa ulit.
“Kitang-kita sa video sinara mo zipper mo!” sabay kiliti sa tagiliran.
Hagikhik na hagikhik ang baby. Saglit pa ‘kong nakipagkulitan bago ko maalala ang pinakaimportante sa lahat ng bagay. Pahapyaw akong humalik sa noo ng aking pamangkin at dali-dali na ‘kong dinala ng aking dinaramdam sa kusina. Nahanap ko agad ang kahon ng mga posporo na nakapatong lang sa may kalan. Kinuha ko ang stick na sinabit ko sa tenga ko. In the name of the father. Ibinalik sa sabik kong mga labi. And of the son. Sinindihan ng una kong nakuhang posporo. And of the holy spirit. Hithit.
Amen.
“Kuya.”
“O.”
“Nagshashampoo ka ba ng bulbol?”