September 21, 2019

Bawat isa ay may isinusuksok, itinatabla. Tila mga kandilang ayaw patinag sa ihip ng mas masiglang liwanag na sinasabayan ng mga halamang hindi pa rin natutukoy ng kahit na sino. Mapapaso nang maraming beses ang paulit-ulit na tumanggap na sa pamamaalam. Lahat ay may kanya-kanyang simbolong pilit na binibigyan ng kahulugan kung kaya't nagkakaroon pa rin parati ng hindi na mamamatay pang paniniwala sa kung anu-ano.

Wala namang masama. Wala naman ding mabuti. Sa pagkakapantay-pantay ng mga kandilang kahit sabay-sabay binuhay, mayroon pa ring kanya-kanyang pagkadehado, lalo pa't ikinubli ang lahat sa nag-iisang kahon ng kakarating lamang lagi na pag-asa. Matitinik ng mga halos hindi na maipapaliwanag pang mga gagamba, mumunting mga halimbawa ng may sariling pag-akap sa kanilang ipinagkamalang tadhana. Madalas, maraming maniniwala, at madalas din ang pagkausap sa sariling nasa tamang desisyon ang hindi magdesisyon sa sarili.

Nabubuo na ang panibagong mundo ng makataong liwanag. Mapuri at banal, mapuputian ang lahat ng hindi mananampalataya sa natutunaw na hindi naman masama at mabuti dati. At hindi porke't pinagalitan ng kultura'y hindi na maaaring bumalik pa sa mas o pinakatangang posisyon sa kasaysayan. Ang paghamak sa makabagong saysay ng mga kinalimutan na'y pagdiriwang ng matatalinong ang alam na lamang ay maghintay maiputan ng mga uwak sa pagtakip-silim. Maagang matutulog nang walang laman ang saysay dahil bakit ba at bakit pa.