28 October 2026

Terminal

Bale, ayon na nga, mayroon naman pala akong mga naalala. Iyon nga lang, mga aral at danas lamang na hindi ko kailan man mapagtatanto kung magagamit ko pa nga bang talaga o pampasikip na lang sa mga kayang ipunin ng aking diwa hanggang sa makalimutan ko na lang din silang lahat nang tuluyan.

At wala na akong iba pang magagawa para pigilang mangyari ang lahat ng mga napipintong wakas. Ang tanging natitira na lamang, lasapin maya't maya ang mga padaplis-daplis na alaalang ito, dahil hindi na rin naman ako nakakasiguro kung kailan nila ako bibisitahin pang muli.

Tuloy-tuloy lang ang biyahe. Lilipas din ang mga nadaraanan. Sa aking paglingon sa mga araw na unti-unti nang lumalabo sa aking paningin, hindi ko minsan mapigilang ngumiti at mabasa nang kaunti ang aking mga mata, bilang buntonghininga siguro sa mga kaganapang isang beses lamang maaaring mangyari sa buhay ng tao. Ngunit ang mga mithiin, hilig, at mga paboritong kahit na ano, magsisilbing mga gasolina para magpatuloy pa tungo sa kung saan, dala-dala ang mga aral at danas na hindi pa magawang makalimutan bilang alalay at tahimik na kaibigan. Hindi na ako kinakabahan.

27 October 2026

Spark

Minsan kaming pinasulat ni Ma'am Gozo sa aming huling taon tungkol sa kahit na anong nakita naming karanasan sa Masci na mayroong kabuluhan para sa amin. May kahirapan ang mismong hinihingi bilang isa sa mga huling ipapasa para sa kaniyang asignatura bago kami tuluyan nang makapagtapos.

Marami siguro sa amin, mayroong kaunting aligaga para sa panapos na proyektong ito. Maski ako, binagabag din ng kaba noong inuumpisahan ko nang balangkasin ang aking mga isusulat. Hindi tulad ngayon, may dampi pa ng pagkasariwa ang mga kaya kong gunitain magmula pa sa unang taon. Nang makapili na ako ng pangunahing paksa para sa isasalaysay, binira ko yata nang dalawa hanggang apat na gabi ang pagsusulat hanggang sa araw na ng pasahan.

Pinagalitan ako ni Ma'am Gozo dahil wala raw makapal na balot at pabalat para sa pamagat ang aking ipinasa. Ninamnam ko ang rimarim at yamot na nakapinta sa mukha niya habang winawasiwas niya sa klase ang mangilang maninipis na papel na pinagkabit-kabit lang ng tatlong staple wire, kumpara sa makakapal at makukulay na gawa ng aking mga kaklase. Lumipas ang ilang araw, ibinalik na niya ang mga ginawa namin sabay bato ng partikular na puri sa sulat ko nang may kasamang napakataas na marka. Kaya siguro nagsusulat pa rin ako hanggang ngayon, kahit nakaraan naman na ang maraming taon. Para sa 'yo 'to, Ma'am Gozo. Maraming salamat.

26 October 2026

Repertoire

Carol Fest. Tagisan ng boses sa pag-awit. Maliban sa dula, sabayang pagbigkas (hindi namin naabutan), at field demo, isa rin ito sa mga pagkakataon para magsama-sama ang buong klase para magpasikat — este, magpakita ng gilas sa sabay-sabay na pagkanta ng mga awiting pang-Pasko, maski pa ang ibang mag-aaral ay hindi nagdiriwang ng ganitong mga okasyon nang dahil sa kanilang paniniwala.

Kahit pa siguro atheist, hindi palalampasin makipagkompetensiya laban sa ibang section, lalo pa't hindi namin kailangang gumamit ng kahit na anong natutunan namin sa kahit na anong subject para lang manalo. Alam mo 'yon, hindi kailangang mag-aral? Ang tanging iisipin lang at kakabisaduhin, iyong awitin na napili ng music teachers at isa pang awiting napili naman ng konduktor ng klase.

Bilang din namang likas sa maraming Pinoy ang hilig sa pagkanta, dagdag pa rito ang tsansang matalo ang ilan sa mga section nang hindi kailangang magbuklat ng science at math, aba'y inaasahang magkakaroon ng pakialam ang halos buong klase. Huwag lang makonyatan ng kamalasan at bigla na lamang puntiryahin ng ilang judges dahil lang sa medyo nahuling submission ng music sheets na susuriin para sa paligsahan.

25 October 2026

Coup

Alam mo bang pagbibilang mula one hanggang ninety-nine na lang ang kaya kong alalahanin sa French class namin? Ang iba pa doon, kailangan ko pang siguraduhin sa internet kung wasto pa ba ang hula ko na lamang na mga bigkas paminsan-minsan.

Ano pa ba? Naaalala ko pa rin ang "I don't understand," dahil iyon na lang ang madalas kong reaksiyon kapag nagkaklase na kami. Mabuti na lang siguro at naabutan na namin na marunong nang magsalin ang internet ng mga payak na parirala at pangungusap mula French patungong English, kaya medyo naiibsan ang ilan sa mga suliranin ko hinggil sa mga assignment at kung ano pang mga sulatin.

Nakapasa ba talaga ako sa French? Sa pagkakatanda ko kasi, mas madalas na dismayado lang ang guro namin sa karamihan sa amin sa tuwing isinasauli niya sa amin ang mga long exam na kung hindi sobrang baba ang iskor, bagsak. Baka katulad ng mga nakalipas naming mga guro at subject, pinagawa na lang yata kami ng special something para pandagdag kuno sa grado. Maaari ring may tropa na nakikinig talaga sa mga turo ng guro namin maski papaano, at hinahayaan niya lamang magpakopya ng mga sagot sa tuwing may pagsusulit. O puwede ring combination ng both, hindi na rin talaga ako sure.

24 October 2026

Vacuum

Mayroon yata kaming subject dati na pumapasok lang kami at puwede naming gawin ang kahit na ano. Walang halong biro. Hindi ko na kayang alalahanin kung paanong nag-umpisa ang ganitong siste namin kasama ang gurong nakaatas para sa amin sa tuwing oras na ng subject namin sa kaniya.

Ang dating kasi sa 'kin, parang mas pinili niyang hindi kami pansinin at pagalitan, dahil siguro, iniisip niyang mapagtatanto rin namin ang aming dambuhalang mali at tatahimik at pipirme rin kami pagdating ng panahon. Iyon nga lang, inabot din yata ng ilang araw, linggo, o buwan nang wala kaming natututunan sa klase niya. Matira, matibay.

Marami yata akong natapos na nakaligtaang assignments sa klase niya. Wala, nandoon lang din naman siya, nakaupo sa kaniyang teacher's table. Hindi pa uso ang doomscroll noon kaya hindi ko rin sigurado kung paano siya pumapatay ng oras. Nang lumaon, hindi ko na rin matandaan kung sino ang unang bumigay, pero umabot na lang din sa puntong pinagalitan niya rin kami sa wakas, saka kami naghabol ng mga muntik nang kalimutang aralin. Kung nagkataon at sinuwerte, baka nagbasa na lang ako ng ibang librong hindi naman kahingian sa kahit na anong klase. Sayang.

23 October 2026

Paranoia

Hindi ko alam kung ako lang 'to, pero mayroon kaming guro dati na late pumasok. Hindi lang iyon, dahil minsan, parang inaantok pa siya sa tuwing dumarating siya at habang nagkaklase. Hindi ko minsan maiwasang tingnan ang mga mata niyang maaaring pilit na nakikipaglaban sa antok o hindi kaya'y maya't maya niya lang pala kaming iniirapan.

Siguro kasi, kaunti lang yata talaga ang nagsisipagbasa sa amin para sa subject niya, o baka wala lang kopya ang nakararami ng textbooks na ginagamit niya sa klase. Kaya minsan, hindi rin maiiwasang mainip sa makupad na daloy ng klase, lalong-lalo na kung hindi ganoon kainteresante ang paksa, maging ang paraan ng pagtuturo ng aralin.

Minsan na ring tinamaan ako ng magaling kaya panay tingin ako nang tingin sa relo ko kung malapit na bang matapos ang klase o kailangan ko pang engganyuhin ang aking bagot nang mangilan pang mga minuto hanggang sa matodas na 'ko't lahat. Hindi naman ako nakaupo sa may bandang harapan pero bigla na lamang siya nainis sa 'kin kasi mukhang nagmamadali raw akong umuwi. Imbes na sumang-ayon ako sa kaniya at patotohanan pa lalo ang kaniyang paratang, ibinulalas ko na lamang sa buong klase at sa kaniya na natatae na ako.

22 October 2026

Undercurrent

Anal Geom. Hindi bastos 'yan, pero akalain mo 'yon, halos sampung buwan, iyan ang tawag ng maraming mag-aaral sa isa sa sandamukal na math subjects noong ikaapat na taon. Nakasulat ito kung saan-saan. Sa pisara, sa schedules sa IDs ng mga estudyante, sa harapan ng kanilang mga notebook, sa tsismisan sa mga text, vandalism sa mga upuan, mesa, at mga hindi pa nabibinyagang pader.

Anal Geom. Hindi 'yan genre ng porn. Ibang taktika lang sa matematika. Noong umpisang mga araw, may kinalalagyan pa sa utak ko 'yong mga pinagsasasabi ng guro namin sa klase. Iyong tipong nakakahabol pa 'yong ballpen ko at notebook sa bawat magic na pinapasiklab sa blackboard. Iyong mga graph, nauunawaan ko pa. Iyong mga quiz, lampas sa kalahati pa ang mga marka. Hindi boring, pero hindi rin naman kapana-panabik.

Anal Geom. At least, iba ang bigkas ng unang salita sa nakagisnan nang pronunciation. May mga salita rin namang ganoon — nag-iiba ang ibig sabihin kapag iba na ang bigkas. Sa sampung buwan na nakikita namin ang dalawang salitang ito sa araw-araw at sa kung saan-saan, mayroon kayang kahit isa sa 'min na napabungisngis nang pasikreto, kahit sa isip o kahit minsan lamang?

21 October 2026

Corridor

Ibinalibag ko lang sa lapag iyong bag ko. Wala namang lamang babasagin iyon. Lumikha siya ng kapansin-pansin na ingay kaya medyo kinabahan ako. Panay masusungit pa naman ang mga guro sa mga silid ng gawing pasilyong ito ng gusali nang mga ganitong oras. Pinakiramdaman ko tuloy nang mabuti kung sakaling may tatahimik bigla na silid.

Magkakaalaman siguro kung nagkaganoon. Ilang saglit pa ang sapilitan kong pinalipas. Mukhang tuloy-tuloy pa rin naman ang mga klase. Muli kong naramdaman ang antok ko na yakap-yakap ng kaunting kirot ng ulo. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung may nagbebenta ba ng gamot sa canteen o puwede na lang ako basta manghingi sa clinic. Iyon ay kung bukas ang clinic o kung nandoon pa ba ang nurse.

Umupo na ako sa sulok na pinagbalandrahan ng aking bag. Hinila ko siyang agad at ikinandong. Yumuko na ako upang namnamin pa lalo ang tumutukol sa aking isip habang nag-aabang ng klase. Tila unti-unti itong pumapailalim tungo sa arok na hindi pa ako ganoon kamalay na mayroon pala nang biglang may tumapik sa aking isang kaklase at bigla na lamang akong nagising. Wala raw ang guro namin sa susunod na subject.

20 October 2026

Slippage

Sinubukan kong unawain dati kung paanong natanggap at nakapasok (nakalusot?) ang guro namin sa isang subject, pero sino nga ba naman ako para kuwestiyunin kung sino-sino ang puwedeng magturo at mag-aral sa paaralan namin, bilang din namang hanggang ngayon, maski ako, kinukuwestiyon ko rin kung paano akong nagtuloy-tuloy hanggang sa makatapos, hindi ba?

Kahit na ganoon, hindi ko pa rin gets. For sure, hindi lang ako ang malay na malay na pumapasok siya sa mga klase ng ibang sections sa ilalim ng ibang guro sa parehong subject. Siguro, at suspetsa rin ng marami (Kapag marami na ba kayong nagsuspetsa, tsismis pa rin ba 'yon?), mayroon siyang mga aralin na hindi niya alam (o maaaring hindi pa masyadong malinaw para sa kaniya para maituro) kaya kinailangan niya, somehow, ng mangilang lektura mula sa ibang guro.

O baka maaga lang siyang pumasok at gusto niya lang makitambay para sa aircon. Hindi ko rin sure. At least, pursigido siyang matutunan ang mga dapat naming matutunan mula sa kaniya. Walang problema. Maiintindihan ko naman 'yon, kung iyon man ang totoong sitwasyon. Ang hindi ko na lang siguro mapagbigyan minsan ay kung bakit niya inakalang pinakyu ko siya gamit ang aking ballpen noong minsang nagtaas ako ng kamay habang nagkaklase.

19 October 2026

Transit

Fucking shit. Siyempre, dumaan din kaming lahat sa pagsulat ng research paper. At dahil science high school kami, hindi lang basta-basta dapat ang maaari naming isumite. Medyo pampahinga nang maluwag iyong hindi namin kailangang magsolo at maaari kaming makigrupo hanggang sa apat (yata) na miyembro.

Dagdag pampakalma rin na hindi mga batugang katulad ko ang ilan sa aking mga kamiyembro, at mas mahuhusay silang lahat kaysa sa akin. Sa pagkakaalala ko, ako na lang yata ang ginawang designated (ginawang designated??) typist (in a sense na modern computer keyboard na ang ginagamit namin dito), although relatively, mabagal pa rin ako magpipindot sa keyboard kumpara sa mga kakilala kong tunay na matutulin.

Wala na rin akong magagawa, ngunit wala na rin akong ibang maiaambag. Kahit pa yata iyong ibang commute namin papunta sa iba't ibang research facility, library, ahensiya, ospital, estasyon ng tren, palengke, restaurant, bahay ng kaklase, tindahan, paaralan, sketchy na tindahan, malaking bahay ng kaklase, tambayan, tulugan, kainan, pahingahan, sulatan, asaran, biruan, kuwentuhan, hindi yata ako nakapag-ambag ng aking pamasahe. Gayon pa man, pahintulot ng tiyaga at tadhana, naigapang din namin ang walang-hiyang research paper na 'yan. Ano nga ba ang aming natutunan sa huli?

18 October 2026

Guesswork

Sinubukan yata magpalabas ng klase namin ng isang dula tungkol sa isang tauhan sa Noli. Hindi na ako masyadong sigurado, dahil maski isinali ako sa mga nagsulat ng pilit na script, hindi ko pa nababasa nang buo noon ang nobela at hindi pa ganoon kalawak ang naatim kong pag-unawa sa kaniya.

Halos lahat din naman siguro sa amin, wala sa pusong tinapos ang pagbabasa ng salaysay na ilang dekada ang pagitan ng wikang ginamit kumpara sa kasalukuyang kaya naming bigyang-pansin. Kaya rin siguro marami ring hindi masyadong nagseryoso kahit na kailangan namin itong tapusin bilang kahingian ng subject.

Noong una'y medyo exciting pa kasi mayroon naman palang hapit na bumuo ng palabas sa amin at ang iba'y mayroon palang natatagong talento pagdating sa larangan ng pag-arte. Nakakatuwa pang umpisahan ang mga unang bahagi ng kuwento, kung paanong mamimili at pagkakabit-kabitin ang mga senaryo. Hinulaan ko lang dati iyong ibig sabihin ng ibang mga eksena kaya maski siguro iyong ibang aktor at aktres namin, lutang din ang unawa sa kinalalagyan ng lahat. Lumaon, nagtampo na rin ang direktor namin dahil siguro sa kakulangan na rin ng maraming bagay, lalong-lalo na ng pakialam. Kinailangan naming igapang ang nalalabing panahon at sulat at kayod hanggang sa makaraos na lang, ngunit ayaw ko na dati pang maulit.

17 October 2026

Impasse

Lahat ng mag-aaral, takot sa kaniya. Maski naman siguro ako sa mas madalas na pagkakataon. Wala namang nagsabi kahit kailan na wala sa lugar ang mga pabugso-bugso niyang inis. Kung mabibigyan ng araw-araw na tsansang hindi ka niya makita habang naghahanap ng sasagot sa kaniyang tanong, araw-araw ring susunggaban iyon ng estudyante. Hindi siya madaling mapatawa, lalong hindi madadali ang kaniyang mga katanungan, lalo na sa mga tulad kong walang ibang ginawa kung hindi walang ibang gawin.

Minsang may dumating na araw na hindi simpayak ng mas nakararami. Maraming binitawang mga salitang hindi naman pala kayang mapanindigan at sadyang nadala lamang ng nagmamadaling emosyon at pagnanais na makalamang. Kahit na malayong may nangyaring pandaraya, walang totoong makapagsasabi kung aling landas ang dapat sanang tinahak.

Sa isang iglap ay tumaob ang araw at sarado nang bigla ang lahat ng aking mga kokote. Sinubukan kong palagan ang kaniyang sungit at inis kaya namiling hindi kumibo. Panay pagod at yamot ang natira sa aking mga mata at naubos na ang lahat ng natirang pakialam sa katawan ko. Natameme ang karamihan. Nanibago ang pakitungo ng guro. Pinaupo niya na lamang akong muli at namili ng ibang kaklase na gugulumihanin. Binuksan ko ang aking kuwaderno at tumitig sa isang blangkong pahina hanggang sa dahan-dahang mapawi ang aking mga naririnig.

16 October 2026

Detour

Mayroon kaming kakaibang subject dati, noong ikatlong taon, na hindi ko na rin maalala kung para saan. Sa pagkakaalala ko, pumapasok naman kami sa klase, right on schedule naman madalas, hindi rin naman palaliban ang guro, at hindi rin naman ako bad trip sa kaniya. Wala nga lang akong maalalang araw na nagturo siya.

Baka mayroon naman, at madali ko na lamang itong maisisisi sa mahina kong memorya at madalas ko ring pagmumuni-muni habang nagkaklase. Mabait ang gurong iyon, palakaibigan. Pakiramdam ko nga, puwede ka magpalibre sa kaniya ng food trip kapag natiyempuhan mo siya minsan sa canteen, e. Minsan, nauso iyong pelikulang The Dark Knight, halos buong oras lang yata siya nakipagkuwentuhan sa mga kaklase kong ibang klase rin ang alam na delaying tactics, huwag lang matuloy kung ano man ang nagbabadyang dapat na maganap.

Mayroon ding isang araw na nag-organisa ang klase ng runway o catwalk ng iba't ibang diyos at diyosa. Hindi ko rin makita ang kaugnayan noon sa subject, pero ganito kalala ang nabanggit kong delaying tactics ng mahuhusay kong kaklase. Umingay ang buong setup na naghudyat na manghimasok na ang isang guro galing sa ibang silid. Natuklasan niya ang hindi kapani-paniwalang nagaganap sa klase ng kapuwa niya guro hanggang sa matulak na lamang ang lahat na bumalik sa karaniwang kayamutan.

15 October 2026

Rosy

Iyon nga lang, umabot pa rin ako sa ikatlong taon. Hindi ko rin alam, huwag ako ang tanungin mo. Kung paano man ako sinuwerte at nakalusot pa sa antas na ito, sana ay maulit ko pa rin, sapagkat ibang klaseng halimaw pa pala ang nag-aabang sa akin.

May mangilang mga naulit na kaklase. May mga iniwanan nang mga silid at pasilyo. Sa pagitan ng Maceda at Main Building halos, dahan-dahang naipon ang mga pagpasok at dagliang paglimot nang hindi sinasadya. Tumindi ang kahingian sa panahon at utak ng mga nanlalamon na subject. Hindi ko kailan man inamin na nagustuhan ko sila, lalo pa't kinakailangan namin silang maunawaan at maalala nang dalawang taon hanggang sa matanggap kami sa ano mang naisin naming unibersidad. Para bang obligado kang galingan pa muna kahit kaunti lang, kahit sandali na lang.

Malilimutan kong saglit ang aking sarili. Hindi na ako sumasaya sa pagkain. Hihingi akong sandali ng kakarampot na kapayapaan sa musika hanggang sa mabingi na ako sa mga responsibilidad na madaling-madaling magunaw. Kakayanin ko naman siguro. Hindi naman din ako nag-iisa. Kung ano mang ikinabigat ng kulay rosas na ID namin, at kung saan man ako dalhin nito, paisa-isang araw na lamang akong magpapakita, matiyagang maghihintay kung saan man ako makarating.

14 October 2026

Limbo

Ayaw ko na munang umuwi. Kararating ko lang. Hindi naman ako nakasagap kagabi ng balita na wala palang pasok ngayon. Ang layo pa niyan ng biniyahe ko dahil sa ibang lupalop pa ako nanggaling. Hindi naman malakas ang ulan at hangin sa 'min kagabi. Maski pang pagdating ko ngayon, ni hindi matangay-tangay ng hangin ang mga payong at umaambon lang din naman.

May kung anong tahimik na kumulambo sa Taft ngayong panahon ng kulimlim. Tiningnan kong muli ang relo ko sabay check din ng cellphone. Wala man lang nagtangkang mag-abiso sa 'kin. Papapasukin kaya ako ng guard? Tatambay lang naman ako. Sarado pa ang mga mall. Wala pa sa huwisyo ang sikmura ko para sa fast food. Kahit na ganoon, sinilip ko pa rin muna ang wallet ko, just in case.

Kung sakali, wala rin naman akong gagawin kung papasukin man ako. Wala naman (yata) kaming assignment. Bukas na lang ako mag-aaral para sa quiz. Hindi rin naman ako makakaidlip dahil kagigising ko lang kanina sa bus. Wala akong ibang kilalang maaaring tambayan na bahay. Hindi ko rin trip mabungangaan ng wala sa hulog na guard dahil ang aga-aga pa. Dumaan muli sa itaas ang tren ng LRT at nadagdagan nang bahagya ang mga bumubusinang jeep at FX na sinusubukan pa ring makatsamba ng pasahero sa intersection. Ayaw ko pa ring umuwi.

13 October 2026

Lighter

Sa dinami-dami kong bitbit-bitbit at inaalala noong unang taon, lubhang kay laki ng ipinagbago ng dakila kong pakialam sa kalakhan ng aking mga karanasan nang iakyat na ako sa ikalawang taon. Madali nang maghati ng mga inaabangang kaba, maghiwalay ng mga takdang hindi kailangang isipin at ng mga maaari namang madaliin kinabukasan.

Kumaunti ang laman ng aking bag habang dahan-dahang lumiliit nang lumiliit ang aking kokote hanggang sa mapuntirya ko na lamang ang mga araw-araw kong dapat na naisin. Kung umuuwi akong malungkot at problemado noong unang taon, meryenda na lamang madalas ang inaasam-asam ko sa bawat nagmamadaling segundo na paisa-isang nahihimlay matapos ko silang pabayaang palampasin at ngumata na lamang ang atupagin.

Malaya ang isip ko sa pagkain, kahit mukha namang hindi ako parating gutom. Mauuna pang isipin ng aking sikmura ang titirahing pananghalian kaysa sa assignment na ipinagpabukas. Isasabay ko sa JJ at random craving ng chocolate ang pag-aaral para sa quiz na siguradong ibabagsak ko naman din. Kinasasabikan ko na rin ang mga pagkakagastusan kong mani, fish crackers, mangga, dos-tres, isaw, betamax, hot dog, kalamares, fish ball, tokneneng, kikiam, C2 na green, C2 na red, C2 na yellow, gulaman, soft drinks, KFC, Mcdo... bago pa ako makauwi.

12 October 2026

Tension

Minsan na ring nagalit ang isa naming guro dahil sa mayroon siyang narinig na bumubungisngis habang siya ay nagsasalita at nagsusulat sa pisara. Hindi ko na matandaan kung nahuli ba niya kung sino iyong mga nagpaudlot ng itinuturo niyang aralin. Agad lamang niya tinanong ang klase sa isang iglap na pagbabago ng tono ng pananalita at biglang paglagim ng kaligiran.

Tumahimik ang ibang mga nagkukuwentuhan. Nagising bigla ang mga nananaginip. Ibinaba ng mga nagsusulat ang kanilang mga ballpen. May mga sumarang aklat at notebook. Nawala na parang mga bula ang mga mag-aaral na walang klase sa labas na pasilyo, at lumapag ang ilang maliliit na maya sa pasamano ng mga bintana para makitsismis.

Tinanong ng guro namin kung ano naman daw kung Bisaya. Kumunot ang mga noo at kilay ng ilan sa aking mga kaklase. Tinanong niyang muli kung ano naman daw ngayon kung Bisaya. Hindi ko na rin maintindihan. Hindi naman litaw at pansin sa kaniyang pagsasalita iyon, ni walang nakahalata. Matapos ang ilang minutong tensiyon, itinuloy na rin sa wakas ang aralin. Nabalitaan ko na lamang matapos ang klase na hindi ang guro ang binungisngisan ng isa naming kaklase kanina kundi isang kakatwang walang kinalaman sa leksiyon.

11 October 2026

Brink

Sa pinipili lamang na mahugot maya't maya ng aking alaala, mayroon akong dalawang subject noong ikalawang taon na umabot na sa pagkahikahos at nasa bingit ng alanganin. Mabuti na lamang at kaysa sipain ako ng paaralan, minabuti ng mga gurong pagawin na lamang ako ng special projects o assignments bilang mga pansalba sa nagmamakaawa ko nang mga grade.

Mabuti na lamang din at hindi lang ako ang nag-iisang nagbatugan sa mga subject na iyon at napahintulutan pa ako ng kapalaran na magkaroon ng karamay na sadyang madaling makapagpagaan ng pakiramdam lalo na't tila kay daling pumasan ng problema sakaling mayroon kang makakasabay na tahakin ito.

Hindi ko na yata binanggit ito sa aking mga magulang para hindi na sila mag-alala. Siyempre, ayaw ko lang din talagang mapagalitan. Alam ko naman din na mayroon akong pagkakamali. Tinamad lang din siguro ako, pero hindi naman sa lahat ng subjects. Nagkulang ba ako sa notes? Nakatulog ba ako habang nagtuturo sa ilang mga lektura? Kinulang lang ba sa saliksik iyong mga reporter sa mga manila paper at cartolina nila? Maling kulay ba ng cartolina ang ginamit nila? May mga libro ba akong nakalimutang bilhin? Madalas ba akong managinip nang gising at mag-agam-agam? Bakit walang nakaisip na gumising sa akin?

10 October 2026

Myth

Mayroon din kaming gurong pinaghihinalaan (o maaaring malupit na biruan lamang) na pumapasok nang may amats, at tila nga mayroon kung minsan sa tuwing nagkaklase. Hindi ko na inalam kung paano nga bang nagsimula ang partikular na haka-haka na ito, at kung malay rin kaya siya na mayroong mga ganitong kuwentuhan na pumapaikot ukol sa kaniya.

Halata at tunay nga bang pamigay nito ang medyo kakaibang paraan niya ng pagsasalita, na parang pinaghalong nakaapat na shot na ng gin ngunit sa hindi pa namumulutang sikmura at tipong chill lang sa lumanay na handang magbagsak ng unencountered wisdom na hindi mo rin sure kung nararapat bang gamitin kung darating man ang pagkakataon, pero irerekta mo pa rin sa sariling kokote, because why the hell not?

O kahina-hinala rin kaya sa iba na may mangilang araw siyang absent tuwing buwan ng Oktubre? Walang nakakaalam, at wala ring nangahas na magtanong. Hanggang ngayon nga, limot ko pa rin kung sino iyong mag-aaral na tinutukoy niyang psycho-topak na gumuhit ng isang obscene graffiti sa Table 5 ng Group 5. Nagkatotoo kaya ang sinabi ng aming guro at miyembro na siya ngayon ng Dark Force?

09 October 2026

Indigo

Sa ikalawang taon kami nakatsamba ng gurong medyo moody, kung hindi niya sana mamasamain. Tipong unang linggo pa lamang ng mga klase at kailangang makapili kami ng kulay para sa aming notebook, nagkandaloko-loko na yata at nagkandagulo-gulo hanggang sa ang guro na lamang ang nagdesisyon ng kulay ng aming section. Nauwi kaming lahat sa rainbow na cover ng kuwaderno (kumpletong pito) dahil lang sa nakakairitang pagkukulang at wala na sa hinahong pamamahala.

O baka inimbento lang ulit ng utak ko iyon at may kupal lang na kaklaseng sumigaw ng rainbow at madalian siyang pinagbigyan ng aming guro. Malay ko at malay mo, madali lang talaga siyang dapuan ng bad trip kaya madali lang talaga ring madamay ang buong klase. Tulad din ng isang beses naman na may mangilang bumubungisngis habang naglelektura siya tungkol sa isang maselang aralin. Kagyat niyang hininto ang kaniyang pagpapaliwanag at simpleng hindi na natuloy ang aming pagkatuto.

Paminsan-minsan, dumadaplis-daplis pa rin sa aking diwa kung ano kaya ang hindi namin natutunan sa araw na iyon nang dahil lamang sa problemang nalunasan pa sana ng ibang solusyon. Mayroon ding madalang na pagtiyempo kung paano rin ako nakahanap (o nakahanap nga ba ako) ng art paper na indigo.

08 October 2026

Chasm

Sa paglipat ng mas marami naming mga klase sa Main Building para sa ikalawang taon, mas lalo ring kinabahan ang mga mag-aaral sa mas malupit na lineup ng mga guro. Madali pa namang kumalat sa pagitan ng mga klase ang mga tsismi-tsismisan ukol sa mga gurong masuwerte sanang matsambahan, at mga gurong hinding-hindi talaga maiiwasan.

Hindi naman talaga sakaling suliranin sana ang ilang mga kinakatakutang engkuwentro kung nakikinig lamang nang maigi sa mga panuto at sumusunod sa mga kailangang matandaan. Madaling pangunahan ng takot ang damdaming mapanghusga at walang-dunong magpalagay na tao lamang din pala ang mga nakakasalamuha namin sa araw-araw, saan man sila nakapuwesto sa loob ng silid.

Maski pa ganoon, malay rin kaya ang kabila na hindi lamang sila ang iniisip namin? Napakahirap din sigurong kuwentahin na hindi porke't kinaya ng isa ay mayroon ka nang sala kaagad sa isang araw ng katamaran at kaligtang kapabayaan. Kung sa bagay, at kung iisipin, ano mang diwang dahilan ay mananatili lamang na palusot sa karamihan, gaano man ito kabigat at kahirap lunukin. May mga araw kaming walang sala, mayroon ding madaling masamain.

07 October 2026

Bordner

Marami kaming naidaos na klase sa Bordner. Mangilang mga palapag ng pinaglumaang kahoy at alikabok, kalawang, occasional horror stories kapag science o math camps, mga naglalaplapang magjojowa, at lagusan patungo sa retail, garden na malamok, at lovers' lane.

Bagong-bago kaming mga mag-aaral at sa amin pinagamit araw-araw ang pinakalumang gusali ng paaralan. Hindi naman kami nagreklamo, wala naman ding mali. Nararapat lamang din siguro na ipagamit sa unang taon ang isa sa mga pinakaunang silid ng eskuwelahan.

Sa gusaling ito una kong inisip ang gagawin kong baduy na email address para sa isang subject pag-uwi ko sa bahay, unang beses akong nagkabisa ng blangkong mapa ng Pilipinas, unang danas kong manakawan ng pitaka na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung sino ang salarin, unang pagkakataon kong pineke ang pirma ng magulang ko para sa isang bagsak na test, unang may kahingian ang isang guro na magdala dapat kami ng pamaypay dahil sa sobrang init ng mga silid, unang nakapaglaro ng Magic (Charge sa ibang section) habang nakapabilog at naghihintay ng guro na sana umabsent na lang, unang nakatikim ng pambubully ng isang higher year, unang nasigawan ng isang guro sa hallway, unang nagsigawan ang karamihan kasi kanselado ang mga klase, at unang nagbuntonghininga kung tama pa nga ba ang aking ginagawa.

06 October 2026

Admission

Malay akong hindi madaling maging magaling sa lahat ng pagkakataon para sa lahat ng tao. Maraming beses na kinakailangan naming patunayan na nararapat para sa amin ang edukasyong ipinagkakaloob sa amin matapos kaming payagang makapasa at makapasok. Gayon pa man, maski pa na pare-pareho kami ng dinaanan at dinadaanang pagsubok, magkakaiba pa rin kami ng pagtahak na diskarte at pakialam na dapat atupagin.

Noong unang taon ko unang naranasan ang una kong bagsak sa eskuwelahan. Doon ko rin unang napagtanto na hindi ako mahusay sa maraming aspeto, na doon ko lamang din unang natanggap na okay lang naman pala iyon. Okay lang palang mayroon akong hindi maunawaan agad na maaari kong itanong sa guro habang nagkaklase.

Kung tamaan ng tsamba at mayroong gurong pangungunahan kami dahil dapat naunawaan na namin agad ang kaniyang itinuro dahil science high school students kami, o kaya nama'y dapat nabasa na namin agad ang araling kaniyang itinuturo para sa araw na iyon, maaari pa rin naman kaming makaligtas sakaling may classmate kaming genius na madaling makaunawa at mas mabisa pa magturo kaysa sa guro, na siya ring nakapaglaan ng mahalagang oras para makapagbasa nang mas maaga kaysa sa aming lahat.

05 October 2026

Weight

Mabuti na lamang at guro sa TLE at batikan sa drafting ang adviser namin noong first year. Malinis ang pagkakasulat ng lahat mula harap hanggang likod. Ang lakas din makataas ng tingin sa sarili noong nakakapagsuot na ng ID. Para bang kung sino akong espesyal na tao hanggang sa matapos ang commute ko, manggaling man ako sa bahay o sa paaralan.

Madali lang din iyon binasag ng guro namin sa mathematics. Madalas niyang ipinapaalala sa amin noong mga unang araw ng klase namin sa kaniya na hindi dapat ang Masci ang nagbibigay-karangalan sa aming mga estudyante, kung hindi kami dapat ang makapagpabalik ng dati niyang dangal.

Ano nga ba naman ang tatak na maiiwan sa amin kung payak lamang kaming nakapasa sa entrance exam? Hindi nga naman pangalan lang ang dala-dala namin sa araw-araw na pagpasok at pag-uwi, kung hindi kami dapat ang magsasauli ng parangal sa kaniya sa lahat ng aming gagawin. Kung baga, wala kaming maiyayabang, na kami dapat ang ipinagyayabang ng kaniyang ngalan. Hindi natatapos sa pagkapasok lamang ang lahat. Walang hanggan ang pagdala namin ng ngalan, hindi matatapos ang pagbibigay-parangal, at hindi kami may dangal nang agad dahil lamang sa suot naming ngalan.

04 October 2026

Emblem

Hindi lamang mga notebook namin ang color-coded. Bawat taon ay may nakatalagang kulay ng ID. Oo, mayroong apat na kulay ng ID para sa apat na taon. Kulay blue para sa fourth year. May mga batch din minsan na kulay white. Sa third year naman ay pink. Wala pa akong natsitsismis na alternate color para sa taong ito. Sa second year, yellow ang napili para sa kanila. Kaya lang, minsan, mukha lang din itong nagkukupas na orange sa malayuan. Yellow orange? Orange na yellow? Choco na gatas?

Kulay green ang pinakaunang kulay ng ID na nakuha namin. Hindi ko kailan man inisip kung ano-ano ang mga dahilan sa kabila ng pagpili ng bawat kulay ng bawat taon. Kaya ba green, kasi fresh? Kasi freshies kami? Malay ko rin. Maaaring may nabasa na akong kuwento o puwede ring may nakapagsalaysay na sa amin ukol dito, tapos, hindi ko na lang din maalala.

Maliban sa karaniwang larawan ng mukha, kumpletong pangalan, at section, nakalagay sa likod ng bawat ID ang schedule ng klase para sa Lunes hanggang Biyernes. Puwedeng adviser niyo na ang nagsulat nito, puwede ring ang class secretary, puwede rin magpabayad ang class president para sa isang printed table version na ididikit na lamang, o puwede ring freestyle na lang at ikaw na mismo ang magsulat ng inyong schedule.

03 October 2026

Palette

First time kong makaranas noong first year high school na first things first, kailangang magdesisyon ng klase kung anong kulay ng notebook ang pipiliin namin, na kaiba dapat sa napili naman ng ibang section. Dahil halos walang magkakakilala sa aming lahat, mayroong mga pagkakataong ang guro na agad ang pumipili ng kulay para sa isang karampatang klase. Mayroon ding mga guro na hindi na naglatag ng kahingian ukol sa kulay ng notebook para sa subject nila.

Siyempre, hindi ako naubusan ng kupal na classmate na magmumungkahi ng kupal na kulay. Hindi man gaanong tantiyado kung sasakyan ng isang guro ang bawat kakupalang nagaganap sa loob ng kaniyang silid, sa mga baka-sakaling ito minsan nakikilala ang mga kaklaseng masyadong seryoso, mabagal makakuha, inaantok, lutang, inaantok at lutang, takot mahusgahan, at nakakaunawa ng kakupalan.

Madaling matahimik ang klase kapag hindi natawa ang guro sa biro ng kaniyang mag-aaral. Ang lakas din makagaan ng pakiramdam kapag nasa mood naman ang iba para sa ilang magaang asaran. Maisahan man o masungitan, magkakaiba pa rin ang pakitungo sa kaniya-kaniyang magkakaibang pagkakataon, pag-isahin man ang kulay ng aming mga kuwaderno.

02 October 2026

Strangers

Dumating ako noong unang araw kasabay ang aking kapatid. Nang makita niya ang kumpol ng kaniyang mga kaibigan ay agad niya akong itinaboy at sinabihang makihalubilo sa aking batchmates. Kung sa bagay, baka hindi ko rin naman maintindihan ang kanilang mga magiging usapan. At noong freshie siya, hindi ko rin sigurado kung kinailangan niya ring makipag-usap sa wakas sa isa sa mga batchmate niya nang hindi magtuloy-tuloy ang panic.

Hindi rin naman ako nahirapan na hanapin ang mga katulad kong baguhan at totoong hindi alam kung ano dapat ang unang gawin. Katulad ng marami, nakiusyoso ako sa kumpol naman ng mga aligagang mag-aaral na pilit na may kinokopya sa isang blackboard na mayroong nakapaskil sa may harap ng Main Building. Napansin kong mga kaedaran ko sila at schedule ng mga klase ang kinokopya nila. Nakalagay rin ang lahat ng mga pangalan namin, section, at room assignments.

O baka guniguni ko na lamang ang lahat ng ito. Ang sigurado lamang ako bago matapos ang araw ng pangunang pangangapa at pagpapapansin, kapalarang isinadlak ako at ang aking mga kaklase sa section ng Diligence na kinailangan ko pang itanong sa internet pag-uwi para malaman ang ibig sabihin.

01 October 2026

Residue

Kinakabahan ako. Wala na akong maalala. Biruin mo, sa apat na taon kong inilagi sa Masci, wala na akong maalala. Iniluwa na ba lahat ng utak ko lahat ng pilit niyang matutunan noon? Sa dinami-dami ng subjects namin, ni isa man lang, bakit parang wala na talaga akong mahugot ni katiting?

Ang dami naming subjects sa science, kung ano-ano rin ang mga tinira namin sa mathematics. Mayroong mga araw at linggo na kinakaya ko pang unawain at isulat sa kuwaderno nang paulit-ulit ang mga araling ipinukol sa amin ng iba't ibang guro, masungit man o mapagmalasakit, namamahiya man o maalalahanin, nagmamadali man o magpapabili pa muna ng random na mangangata habang nagkaklase, tila yata nahulog na lang ang halos karamihan sa mga kalahating araw lamang na pagkakabisa ng mga magugulong sulat at basta-bastang highlights habang nagtutunaw ng yelo ng biniling orange juice sa punong-punong mesa sa Mcdo.

Wala na akong maalala, at hindi ko naman siguro ito sinasadya. Sa pagitan ng mga bangungot kong papasok sa araw ng exam nang hindi man lang nakapagbuklat ng kahit anong notes ilang araw bago ang pagsusulit, mayroon pa akong natitirang assignments na balak ko nang tapusin sapagkat ano pa't dahil sa kinakabahan nga ako.