August 9, 2024

IX

Marami-rami ring ipinagbawal o iniiwas sa akin noong maliit pa lamang akong pasahero ng jeep. At sa tuwing may mga ipinagbabawal e siyempre, lalong hindi ito mawawala sa aking isip, mas kapana-panabik abangan sa paglaki, at may kung anong halong takot sa kabila ng pagtataka't pagkainip.

Bawal ako umupo sa labasang dulo ng mahabang upuan. Baka sakaling may dumaang limang segundo na makatulog o mawalan ng pakialam o malingat ang nagbabantay sa akin e malalaglag na lang talaga 'ko sa expressway kahit na medyo malay naman akong hindi ako dapat bumaba habang umaandar pa ang sinasakyan. Ano itong kakaibang hiwaga na bigla na lamang tutulak sa akin, literally o figuratively, tungo sa aking kamatayan? Si Kamatayan ba? Kalmahan mo nga. Madali rin lang itong lumabas na bogus sa akin (pero hindi ko na rin pinilit pa, dahil paranoid din naman ako) dahil may mga pagkakataong napupuno na ang mga upuan at wala nang gustong umusog pa paharap. May namataan na 'kong batang mas bata pa sa 'kin ngunit sa dulo pinayagang pumuwesto. Tumingin agad ako no'n sa kasama kong matanda at tinanguan niya lamang din ako nang hindi nagsasalita bilang pagsang-ayon sa aking pagkabahala.

Bawal ako sumabit sa likod, ni sumakay sa ibabaw ng bubong, bilang din naman baka mahirapan ako sa pagkapit. Maski pang maingat ang nagmamaneho, nakakatakot pa rin ang tulin ng isang jeep lalo pa kung sasabay ito sa pagkulentong at kalembang ng makina at iba pang mga bakal na parte. Sa bawat pag-alog e tila unti-unting natatanggal sa wastong adjustment ang buong jeep. Lego pieces. Kinukumpuni. Winawasak. At nawawasak. Hindi rin nakatulong ang maliliit kong kamay bilang dagdag sa kumpyansa.

Bawal ako tumabi sa driver. Uso yata ang kidnapping dati? Madalas itong panakot sa mga batang tulad ko noon na mayroong mga nangunguha ng mga paslit kung saang konteksto ka man kinakailangang takutin ng kasama mong matanda. Sa kaligiran ng jeep, maliban sa madali kang madudukot ng masamang-loob sa dulong labasan, medyo delikado rin ang pinakaharap na upuan. Hindi rin kasi uso ang seatbelt kapag sumasakay ng jeep. Ano ka, weak shit? Hindi ko alam kung bakit hindi na lang sinabi sa aking delikado sa harap kasi mas madali akong mauuntog sa puwestong iyon, at mas pinili na lang akong takutin sa pamamagitan ng isang overused urban legend.

Optional na lamang ang mga natitirang bawal kumain, mag-ingay, maglambitin, o magbasa ng libro sa loob habang umaandar na ang sasakyan. Minsan, puwede. Minsan, bawal. Kadalasan, nauunahan na ng ibang bata at magulang na walang pakialam ang pagbabawal bago pa man makapag-imbento ng panakot science ang nagbabantay sa akin. Gayunpaman, dala man ito ng kawalan ng kuntentong tiwala sa kabulastugang kayang ipamalas ng mga musmos, minsanan na ring ipinalagay na pagbibigay-halaga at pangangalaga ang ganitong mga uri ng pananakot.