Sa papiglas na paglasap ng unang sinag, nalasahang muli ang mumunting pinangarap. Nahugasan nang matindi ang mga bahid ng mga hindi iniindang pagkakakabit-kabit ng iniwasang tala. Natapos nang maayos ang isinagawang paghihintay. Nagkaroon ng malamyang pagbabago ngunit nakapagpaabot pa rin maski papaano ng galos ng ngiti.
Hinilom nang mabuti, dahan-dahan ang bawat himyas. Lasap na lasap ang mga kating walang atubiling kinamot nang kinamot. Mapapantal ay sinimot, walang makatatakas sa gutom. Hindi na baleng umalintana ang hiya ng dugas, ang paghalimuyak ng inggit. Bilog na bilog ang mata ng kusinero, kinilig nang kinilig ang mga bagong dayo. Bawat mura ay palasak hanggang sa tuminag nang kasiya-siya ang paglalarawan sa bagong hulmahang kinabukasan.
Ipinihit na ang preno, malapit nang makatulog muli. Pabirong nagpaalam ang isa't isa't humuni na ang pagbabalak muli ng mga tiyempo. Inisip mong makapaghanap na muna ng payak na pagbabago sa iyong sarili, sa may bandang tuktok kung sakaling maibsan pa ang init na makapang-aasar. May nagmungkahing bumalik sa gintong kanto't magpahangin, umasa sa kapalaran. Nakamit ding masilayan ang kay liit na kaligayahan. Pumasok nang nakangiti pa rin sa pinto, hinugasan nang maigi ang mga paa.
Natapos din ang pangunang sabit sa gabing kay layo pa sa umaga.