Parang mabilis lang na nangyari ang lahat, pero nagiging magpakailanman na ang pagbaon sa akin. Umuukit lalong pailalim sa tuwi-tuwinang sasagi ka sa aking isipan. Ano ba itong aking nararamdaman. Paano bang ang senyas ng saya ay may dala sa aking dalamhati? Nag-aalala ako minsan kung nasa katinuan pa ba ako. Hindi bale na lang siguro, basta't nagagawa at naiintindihan ko pa ang aking mga gusto. May mga gusto rin akong hindi ko pa yata maaabot, makikita, kahit malampasan. Kung matatagpuan kitang muli, bahala na ang mga daraanan sa hinaharap.
Pagbaba, hindi ko na maalala kung bakit wala yung iba nating mga kasabay pauwi. Malayo ang lalakarin mula sa opisina. Nakakawala ng pagod kapag tapos na ang trabaho. Manilaw na ang mga liwanag sa kalsada. Tiningnan kong muli ang aking phone, tapos tiningnan kita. Alam mong kinakabahan ako. Nanatili muna tayong tahimik. Sa paglalakad, unti-unting lumalakas ang yapak ng ating mga talampakan sa semento. Dumaraan na sa gawing kaliwa ang mga sasakyang pauwi na rin siguro.
Bahala na lamang ang lahat, para sa lahat ng lalabas sa aking isipan, sa aking bibig. Ayos na ring pinakinggan mo ako. Huminay ang tibok ng aking puso. Kasingkalma ng buwang pinagtawanan lamang ang pagtatapat ng aking pag-ibig sa iyo.