August 11, 2024

XI

Nakakakaba ang pinakaunang beses mong commute sa Pilipinas. Kasunod nang hakbang ito mula sa unang beses na ipinaabot sa 'yo ng magulang mo ang bayad sa driver, o 'di kaya'y sumalo ng pamasahe ng katabi, mas exciting pa sa unang beses kang makaupo nang hindi na nakakandong, o yung miminsang mapagdiskitahang paupuin sa harapan o sa dulong labasan ng jeep, dahil lahat ng mga ito'y nakasakay ka nang may kasama.

Mayroon pang kumakausap sa 'yo, o sadyang katabing kilala ka, para alalayan, bantayan, siguraduhing hindi ka mapapahamak o gagawa nang labas sa nakasanayan. Mga may pinagkatandaang magpapaalala sa 'yo ng karamihang tama at mali nang hindi ka mapadpad sa hindi naman kinakailangan, maiwasan ang gulo sa isip, pagkataranta, o pagtinginan ng ibang pasahero at bigla na lamang mabansagang 'di karaniwan nang hindi oras.

Naaalala ko noon, galing din akong unang sakay ng bus galing Maynila, tuluy-tuloy pa rin ang kaba sa aking dibdib kahit na alam na alam ko kung ano ang mga susunod kong gagawin. May parang hiwaga pa rin na kailangang mahakbangan ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa mag-isa. Nauubos ang lahat ng imahinasyon sa pag-iisip ng mga mangyayaring mali, habang hinahayaang manaig sa puso ang paghila sa sarili tungo sa tamang landasin.

Naaalala kong tanong pa rin ako nang tanong sa ibang mga pasahero kung saan ako dadaan, o saan ang suotan, kahit na sigurado na ako. Hindi ko maipaliwanag sa aking sarili na natatandaan ko pa rin naman lahat ng dapat kong gawin pero hindi pa rin talaga nawawala ang paranoia na may mga bigla na lang talagang mangyayaring hindi maganda.

Naaalala ko ang unang beses kong nagbayad sa dispatcher ng pamasaheng nanggaling mismo sa wallet ko. Ang unang pagkakataong umupo ako sa jeep nang wala akong kapamilya na kasama. Unang beses kong paghinga nang maluwag nang makaupo na. Unang beses na tinakot nang bahagya ang sarili ng aking mapag-alburotong isipan kung siguro ba ako sa jeep na pinilahan ko. Unang beses na kainin ng kaba at silipin ang ilang mga pasahero kung may kakilala ba ako, at unang beses na tumayo't lumabas para sa tamang triple check lang ng signboard sa harap ng jeep habang hindi pa ito napupuno.

Doon ko lang din unang beses na napagtantong walang pakialam ang ibang mga pasahero sa ibang mga pasahero hangga't wala namang gulo o namemeligro. Unang beses na huminga nang maluwag mula sa pagbunot ng tinik na sinadya kong lunukin, hanggang sa unang beses na ibinulong sa sarili na nasisira na yata ang ulo ko. At sa unang beses na namalayang hindi naman din nababasa ng mga katabi ko ang nasa isip ko, doon ko rin unang beses na tinanggap na hindi ako ang sentro ng mundo.