Muli siyang bumangon sa kinahigaan
Madilim at bagong mulat ang mata
Ngunit tila lumang senaryo pa rin ang
Gumising na naman mula sa kanyang kamang
May kumakapal nang mga agiw ng
Alaalang kay hirap nang walisin ni punasan ng kahit ano
pa –
Ng sabon, ng sarili, pawis, luha, suka
Bagong mulat ang mata
Ngunit nakabaon pa rin ang bungo
Sa unang hindi na kailanman lalambot pa
Pagpagin man, ibilad sa araw
O palitan ng punda
Bagong mulat ang mata
Ngunit binabalot pa rin ng sariling kahon
Ng kumot, pansariling kasikipan
Di na makakilos,
Di na makapag-isip
Mula sa bagong mulat na mata
Liwanag na lamang ng kandila
Ang natatanaw
Siya ring natutunaw
At naghahatid hapdi sa sariling
Unti-unting nagpapaalam
Sa bawat ningas ng kanyang alab
Sa bawat ningas ng kanyang alab