August 3, 2024

III

Katulad mo, excited din akong tumanda dati. Hindi ko pa gets ang konsepto ng pera noon pero gusto ko lang din maranasang mag-abot ng bayad sa jeep. Parang unspoken initiation rite ito para maging ganap ka nang isang tunay na Pinoy commuter. Maiintindihan siguro ito ng mga turistang foreigner kung mangyari nang masipat nila muli ang unang pagkakataong nag-abot sila ng pamasahe. Nagkaroon din ako ng kaklase dati na pinilit niyang siya ang magbibigay ng aming pamasahe sa driver dahil first time niya raw gagawin ito. Nakakasabik naman talaga lagi kapag first time.

Ngunit sa kabila ng kapayakan ng mga first time, hindi natatali sa iisang pinasimpleng karanasan ang pag-aabot ng bayad sa jeep. Magkakaiba ang dagdag-bawas sa pamasahe, depende kung saan sasakay at kung saan bababa. Kung saan man manggagaling o kung ano mang discount ang mayroon ka. Kaakibat nito, mapamalayo man o malapit, estudyante man o senior, lahat ay inaasahang mag-abot ng bayad patungo sa driver, kahit na lahat ng pasahero sa loob ay hindi magkakakilala. Kasama na rin dito ang pag-abot din ng sukli pabalik sa nagpaabot ng bayad.

Hindi sinasadya at sapilitan tayong pinagbubuklod ng espasyo ng jeep. Sa maliliit na ugnayan ay masisilayan ang mga mumunting malasakit sa kapuwa. Sa sobrang karaniwan ng senaryong ito'y kadalasan nang hindi na kailangang makiusap pa sa katabi para lamang maiabot ang iyong pamasahe. Hindi na rin kailangan pang magpasalamat sa tuwina kung tuwi-tuwina rin naman ang mga palitang nangyayari. Kaya lang, maski pang kahit gaano pa kanormal ang abutin ng isang parte ng araw-araw na buhay ng isang commuter e hindi pa rin naman talaga mawawala minsan ang mga abnormal na bahagi naman ng karanasan.

Nandiyan, at totoo, yung mga pasaherong ayaw mag-abot ng pamasahe. Ikaw na lang din mismo ang manghuhula ng kanilang palusot na kung kesyo ayaw nilang madumihan ang kanilang kamay, o madali silang magkakasakit. Like, hello? Siksikan ang loob ng jeep in the first place, tapos aartehan mo kami ng ganyan? May nakasabay na rin ako one time na lola na pinagalitan ang isang estudyante dahil hindi nagpasalamat sa kanya yung bata nung iniabot niya ang sukli. Tipong naghintay siguro siya saglit para bigyan ng sapat na timing ang bata para magpasalamat pero hindi niya ito natanggap. Kung kaya, instant sermon ang inabot ng kinawawa na dinig din ng iba pang kapuwa nilang pasahero.

At meron ding katulad ko, na ayaw ring nag-aabot ng pamasahe, pero hindi naman actually nandidiri sa tuwing may magpapaabot (tinatamad lang!), pero kung mapagbibigyan naman ng pagkakataon ay uupo sa sweet spot sa mahabang upuan ng jeep na hindi ganoon kadalas madadaanan ng responsibilidad. Ewan ko sa ibang commuters diyan, 'no, pero ito yung second seat mula sa exit ng jeep. Isang katabi mo lang ang required kang paunlakan ang pakisuyo ng pamasahe, at siya lang din ang aabutan mo ng sukli. Wala ka rin sa semi-dangerous zone na dulong seat lalo na kung walang pinto ang labasan.

One way or another, hindi sapat na malay ka lang sa responsibilidad ng katabi mo na mag-aabot ng iyong pamasahe sa loob ng jeep, dahil kailangan mo itong makita mula sa iyong sarili: Kung gusto kong iabot ng katabi ko ang pamasahe at sukli ko, ganun din dapat ang malasakit ko sa kanya.