May 26, 2019

Sinusubukan nang maikalma ang bawat pagkakataong hindi nararapat din namang pumutok. Mamutawi sana ang payapang inaasam din naman ng lahat. Kung anuman ang kinasusuklaman dati'y nawa'y maging instrumento na lamang sa sariling imahinasyon nang magkaroon pa rin ng silbi sa buhay. Ang mga balakid ay hindi madaling kalilimutan. Ang mga panauhi'y may kanya-kanyang puwestong pauupuin. Bawat biskwit at biyaya ay sadyang ipatitikim sa kanila.

Hindi naman dapat sana ipinagdaramot kahit kanino ang simpleng paglasap ng katahimikan, ng paligid, ng bawat alulod, ng mga kalsada, ng bawat simpareha ng dibdib, isip, kalamnan, at paghinga. Para sa lahat ang pamamahinga at paghimlay. Malambot ang idulog kahit ano pa man ang sabihin ng nakararami. Walang may gumusto mapasuot sa gulo. Lahat ay nais makalabas nang buhay nang makapasok sa kaharian nang may gaang pakiramdam. Ang gagayak ng hari'y iisa, at iisa lamang sila.

Matagal pa, malayo pa. Dinggin nawa ng mga nakaupo pa rin ang hinaing ng mga minamatang papaluhod. Sagana sa kapayapaan ang isip ng tao, sa isip ng tao mag-uumpisa ang kapayapaan. Sa nag-iisang sarili mag-uumpisa ang diwang magpapatahimik, at tahimik ang siyang magpapanatili ng pagiging tao ng tao. Malayo pa ang tahimik, bumangon na nang kusa upang makisalo sa pag-iingay, dahil hindi mabubuo ang kapayapaan nang hindi nag-uumpisa sa masigabong pagbulusok ng damdamin.