Akala ko nakita kitang naglalakad. Ipinalagay ko pang sinusundan mo ako. Hindi ako makatitig sa iyong panig. Sanay na akong mapagod. Sanay na rin ako sa walang kuwenta. Hindi ko na pinilit pang sundan ka, kung saan sanay na rin ang aking isipan.
Naghalong muli ang sabik at kaba. Nakipiging din ang mga alaala. At biglang naghudyat ako ng paghinto. Unti-unti ka nang lumakad papalayo. Nabubusog na naman ang oras sa aking pag-asa. Humakbang ako ng dalawa ngunit napatigil muli. Tumubig sa harapan mo ang pulang liwanag. Ano ba talaga ang gustong gawin ng aking sabik?
Ano ba ang gustong sabihin ng aking kaba? Sa dinami-rami kong inipon para lamang sa iyo, nabigatan na yata ako't wala nang naibaon. Tat. Bakit ka nga kaya naandito? Lo. Kumain ka lang siguro diyan. Dala. Sa may malapit na gagong. Wa. Kapihan o baka nauhaw ka lang sa tubig. I. At inisip na magpalamig sa convenience store. Saan ka na. Sa. Pupunta?
Maya't mayang may pagsagi.
Sana talaga, akala na lamang. Hahagikhik na naman mamaya ang baliw. Sana bano na lang yung nakita ko. At sana, kung puwede lang, hindi na kita maalala na muna kung saan-saan.