Nakasabit na ang mga balat ng pagpulupot at kantot. Palihim ang pagdagya sa ilalim ng tukol. Makisasayaw ang talulop ng hingal at init. Maya-maya pa’y kung anu-ano na naman ang pinaghahahanap. Sumayaw kang kasama ako, tulad ng pamingwit sa galit na galit na alon ng mga buha-buhanging basura at dura. Hindi ko ipakikita sa iyo ang paglagok ng palagay ngunit iindayog kang pabalik sa pagsabunot ng saya, ay anupa’t tanging saya.
Bubunutin ang mga kristal. Pakikinanging may tagay. Humaling ng pusang malambing lamang at malandi sa tuwing nagugutom, hahaluan nang kaagad ng remedyo ang pait ng matagal pang pinatanda. May pupulupot muli, sa bagong anyong pagpapakilala at pagkilala. Iindak sa trumpeta at mga matang mangapang-lisik ang husga. Tama na, pakiusap. Hindi naman kami gumaganti. Malayo ang ihip ng hangin sa mga nakakasunod sa pagpalo.
Mahuhulog tayo pailalim. Mahihirapang makasagap ng buhay. Maiinitang patuloy hanggang sa may maglalambing na namang muli, noon nang kilala ngunit magpapakilala. Kikirat ang mga ugat, magpapatiwakal ang mga nauna. Mananalangin nang sabay-sabay ang mga pinaitim ng tadhana ngunit sabay-sabay ring sisigaw para sa kanilang mga sarili, sa ating mga sarili, at sa atin lamang.
Maluwag ang kapit, sisikip sa ating dibdib. Tutunggali ang pagtanggi sa limasak ng laway. Aagaran ang puntirya sa pagdadasal ng mga nakaitim. Lahat ng naipong pagod ay babaluktutin ngunit hindi mababali. Kakalimutang pangiti ang mga pari ng pag-asa at gahasa. Magsusumindihan ang lupun-lupong galit, hirap ang mga patay na kaibigan. Sa saglit na papapasukin ang mga uuwi, ang layunin ay maipagpapaabot sa huntahan ng kandila.