March 27, 2014

'Di Na Ako Babalik Dun

PUTANG INANG MUSCLES 'TO. Hindi ko alam kung bano yung pagkakabuhat ko sa mga weight o bano lang talaga yung muscles ko. Baka rin kasi bano lang din yung mga kinakain ko o bano lang talaga yung weights na binuhat ko. Baka bano yung stretching na ginawa ko o bano lang ako pumuwesto matulog. Baka naman bano yung kumot na pumupulupot sa akin gabi-gabi o mas bano pa sa kanya yung mga unang hinihigaan at niyayakap ko. Puwede rin kayang bano yung sapatos na sinuot ko o yung t-shirt na sinuot ko o yung pagsuot ko ng t-shirt mismo? Panay kasi mga nakahubad yung mga tao sa gym e. Kung hindi nakahubad, nakasando o fit shirt. Halatang-halatang first timer ako dun kaya naman medyo nakakahiya. Mas nakakahiya kasi nga hindi nga ako makabalik. Ayaw akong pabalikin ng katawan ko. Ayaw ko na rin naman na yata o bano lang talaga ako.

Baka naman kasi tatanga ako magstretch? Ni hindi nga ako nakapagpainit muna ng katawan bago magbuhat. Alam mo yung feeling na magagawa mo na yung isang bagay na matagal nang umiintriga sa'yo tapos sa panahong nasa harap mo na at sobrang ayun na yung pagkakataong magagawa mo na yung bagay na iyon e biglang may kailangan ka munang gawin. Kumbaga iyong stretching nga. Para bang kailangan mo pang magcustomize ng character sa Skyrim bago makipagbanatan. Para bang kailangan mo munang umakyat nang mataas bago makapagslide. Para bang magtatanggal ka muna ng plastic cover ng bagong librong kay sarap amuyin. Para bang kailangan muna niya tanggalin yung z...

Wala naman siguro yun sa attire ko 'no? Wala yun. Tanga mo naman, Mart. Hindi, nagpapapansin lang ako. Tang ina mo kasi wala ka masyadong kaibigan kaya nandirito ka na lamang, nagsusulat, kasi alam mo namang walang pumapansin sa'yo kahit na buong mundo, maaaring-maaari kang pansinin. Iniisip mo kasi, wala kang kaibigang kayang umunawa sa iyo sa pinakatangang mga antas. Hindi rin kasi nila alam kung ano ba talagang trip mo o sadyang nagpapapansin ka lang talaga. Minsan kasi, parang yung ibang poets diyan, poet-poetan lang. Akala mo, nakapagworkshop lang nang ilang linggo, pagkagaling-galing na. Nabati lang nang sandali ng prof na wala naman talagang kuwenta, araw-araw nang magpapakadalubhasa. "Poet." "Dalubhasa." Akala mo kung sino. E hanggang halos ka na lang naman. Ikaw rin naman, Mart, 'di ba? Akala mo rin naman kung sino ka. E bakit ba? Hindi ko naman ipinapangalandakang magaling ako, kasi nga, hindi naman talaga. E bakit mo pa pinopost sa internet? Naghahanap nga kasi ako ng mga taong kayang umunawa sa akin. Isipin mo, sa dinami-daming taong pupuwedeng dumapo rito, e hindi naman sapilitan dito, imposible kayang mayroon? Mathematically speaking, posibleng wala. Yata? Kasi kung may infinite number of universes, may mag-eexist na isang universe kung saan posible yung hinahanap mong imposible.

Imposible nang bumalik ako dun. Hanggang simula na lang naman siguro. O puwede rin namang kapag mamiss ko, mananaliksik muna ako ng tamang stretching, attire, pagkain, buhat, at kung ano pa man para lang hindi sumasakit nang ganito yung muscles ko. Wala rin yatang Tagalog yung muscles? Kasi sa hilot, ugat yung sinasabi. Nerve yata yun. Buto, alam din natin yung konsepto dati. Hindi ko rin alam. At mawawalan na rin ako ng pakialam in 3... 2... 

Papansin

Natripan ko lang naman. Medyo uso naman yata kasi sa'yo. Hindi rin naman kasi ako mahilig sa ganitong mga bagay. Pero susubukan ko na rin. Total naman, mahilig din naman ako sa mga bagong bagay na medyo astig, kahit na alam kong hindi ko pa naman talaga nasusubukan. Siguro, theoretically, mukha talaga siyang astig, at mukha talagang pangmateryal talaga ng mga taong tulad ko. Pasok na rin ako rito. Pero hindi ko rin naman sigurado kung itutuluy-tuloy ko. Sinasabi ko na nga nang maaga pa, habang maaga pa, sinusubukan ko lang naman. Hindi naman talaga sigurado kung gusto ko talaga. Pero sa ngayong gabi, gusto ko naman talaga. Ngayon.

Kahapon. Kahapon. Oo, kahapon lang iyon. Minsan, gumagamit ako ng kahapon kahit na matagal nang nangyari sa akin, sa atin. Kahit na alam kong wala naman talagang atin. Wala naman talagang atin e. Lumilipas ang kahapon. Maraming hapon at kahapon na ang nagdaan, pero hindi ko pa rin alam kung bakit pa rin ako pabalik-balik doon.

Edi ayun na nga. Mayroon akong nakita. Hindi ko rin naman sigurado kung kilala ko. Ako lang naman iyon, kahit na alam kong mayroon akong kasama. Naglalakad kaming dalawa. Nakaupo lang naman yung nakita ko, tapos, siyempre, hindi ko rin naman alam yung ginagawa niya o kung bakit siya nandoon. Pero noong nagkita na, ngitian na lang. Para bang wala talagang nangyari. Para bang wala talagang nangyaring signipikante sa pagitan ng mahihiwagang pindutan. Hindi ko pa rin alam kung bakit mahiwaga yung tawag ko sa mga bagay na yun. Basta ba, mahiwaga sila. Maraming nangyayaring hindi ko naman inaakala. Maraming nangyayaring bagay na nangyayaring nakakagulat kahit na medyo ramdam ko na rin naman yung mangyayari at nangyayari.

Edi ayun na nga, dumaan na kami ng kasama ko. Diretso naman kami sa bilihan ng kamote fries. Hindi ko naman sigurado kung gusto niya iyon pero feeling ko naman, at some point, ginusto ko rin naman talaga, na ginusto rin naman talaga naming dalawa. Umalis na kami sa lugar ng mapangahas na mahilig umamin. Maingay kasi siya masyado. Alam kong mabait siya pero alam mo naman siguro yung pakiramadam na mahilig magpapansin yung mga tao kahit na alam mo naman na talagang nakaiirita na talaga silang kausap. Alam mo na rin sigurong baka lasing lang siya o kung anuman kaya lang nagkakaroon ng lakas ng loob na makihalubilo sa mga hindi niya kauri. 

Akala ko pa naman matalino siya.

Dire-diretso lang kami ng kasama ko. Hanggang sa tumitig na rin kami sa makakapal na tipak ng damo. Wala kaming ibang makita kundi mga mag-aaral, at dayo, maging mga bihasa ng kung anumang ikot-bola. Dahan-dahan, bumababa na ang araw at unti-unti nang dumudungaw ang buwan. Orange. Red. Violet-blue. Nasa Jollibee si McDo noon kaya mahirap na namang mapansin yung tatatlong titik na sinasabi niya. Pakialam ko nga naman sa kanya. Wala naman talaga akong pakialam sa kanya. Alam ko, wala akong pakialam sa kanya. Alam ko naman talagang wala akong pakialam sa kanya. Wala ako sa kanya. Walang akong pakialam. Walang pakialamanan

Tapos ayun na nga, nakaupo na kaming dalawa sa kung anumang upuan. Hindi ko na rin maalala kung sa kahoy o sa semento. Basta ang alam ko, nag-uusap lang kami. Gustung-gusto ko naman iyon. Yung nag-uusap kaming dalawa, habang dumidilaw at namumula ang kalangitan. Minsan, maggagabi na. Hindi na rin naman talaga namin napapansin ang mga tao. Hindi na rin namin talaga napapansin ang paligid. Hindi na rin namin kasi napapansin ang kalangitan. Hindi ko na rin dapat pinapansin ang mga taong katulad mo. Magkakapansinan na lang siguro kasi kapag nilamok na, kapag mayroon nang tumunog at gumalaw sa bulsa, o sa bag. Magkakapansinan na rin kasi kapag nagsawa na, kapag naalimpungatan, kapag may kumausap nang biglang gago, kapag nakasakay na tayo.