June 25, 2015

WasSap (Introduction) -

Intro –





















Sana basahin pa rin ito ng gustong bumasa nito kahit na makita niyang pagkahaba-haba. Sinikap kong maging makabuluhan ang aking pagkilala sa aking sarili dahil laking pasasalamat ko pa rin sa asignaturang ito lalung-lalo na sa aming guro at nabigyang-panahong muli si Mart na kausapin ang kanyang sarili. Sana, pagsumikapan din ng mga taong kilalanin siya, kahit na mukha siyang sira at boring. Naalala ko, one time, during EDCO 101 class, tinamad akong makinig sa reporter (no offense) kasi kinakausap niya na lang yung hand-out niya. Ihand-out niya naman. HAND. OUT. Pero ayun na nga, sinubukan ko na lang ding magsulat kaysa masuka yung utak ko sa pagkaantok. Sumulat ako tungkol sa isa kong kaklase sa 101, sa loob ng klase, habang minamasdan siya. (Nabasa niya rin iyon kamakailan lang pero keri lang.) Madalas akong ganoon. Sobrang busy sa pagkilala sa mundo, sa mga tao sa mundo, at walang panahon para sa sarili. Ang portfolio na ito ang nagsilbing muling pagbabalik ko kay Mart, dahil namiss ko rin namang lihaman ang aking sarili. Enjoy. Naks! Joke lang.








PS: Hindi sunud-sunod pero pinilit kumpletuhin.

1. Guidance

Sa mga unang araw ng aming klase sa EDCO 101, ipinangkat kami ng aming guro at iniutos sa aming pag-usapan ang ukol sa guidance counselor services na naipatupad noong kami ay nasa mababa at mataas na paaralan. Sa aming grupo’y napagkasunduan naming maskara ang aming itanghal sa kadahilanang marami sa amin noon ang takot sa guidance counselor ngunit hindi naman siya dapat kinakatakutan. Natawa ako sa aking sariling mga karanasan noon dahil, oo, totoo nga namang may dating sa lahat ng mag-aaral sa aming paaralan ang bukambibig na, “Ipapaguidance kita!” Noong mga panahong isinasagawa namin ang activity ko lang napagtantong bakit hindi ko man lamang sinimulang isipin ang kahulugan ng salitang guidance at kung bakit kabaliktaran ang aking nararamdaman sa tuwing naririnig ko ito. Sinabi ko bigla sa sarili kong guidance  nga e, igaguide ka, bakit ka nga ba natakot noon? Mayroon kasi kaming dalawang guidance counselor noong nasa mataas na paaralan ako. Yung isa sa kanila, mabilis magalit, masungit sa umpisang kilala, at yung isa naman, kabaligtaran niya. Pero noong nawalan ako ng wallet isang araw at umakmang papaiyak na habang binabagtas ang tanging bukas na opisina sa paaralan, alas sais nang gabi, nakita rin ako sa wakas ng guidance counselor na masungit. Pero hindi naman pala. Madali niyang nabasa ang ang mukha at nasabi ko kaagad ang aking problema. Yung tipong siya pa yung nagbigay sa akin ng pamasahe para lamang makauwi. Natuwa ako noon kasi bigla na lamang nabaligtad ang baligtad kong tingin sa mga guidance counselor. Ang problema, sana, sa maraming guro sa Pilipinas, hindi sanang nagagamit na panakot ang guidance dahil bukod sa nakakatawang kontradiksyon ng mga depinisyon, nawawalan ng saysay ang kanilang mga opisina’t pinag-aralan.

2. Milestones and Significant People

Nang ipinagawa sa amin ang ganitong uri ng timeline ay natagalan pa ako kung anong taon nga ba ako unang nagsimulang mag-aral at ilang taon nga ba ako unang nagsimulang makisalamuha sa guro at pisara. Binilang ko pa at ako’y umabot sa taong 1998 nang una akong ipasok sa paaralan isang tricycle lang mula sa amin. Nakapagtapos ako sa mababang paaralan nang dinaanan ang lahat ng antas habang may bitbit na medalya sa bawat yapak. Hindi naman ako mayabang noon ngunit nang iabot sa akin ang aking unang medalya sa antas Nursery, nagpursigi ang aking mga magulang, lalung-lalo na ang aking nanay na mag-aral pa ako nang SOBRANG buti. Siguro kasi, sobrang galing din ng kuya ko noon (ikalawa ako sa tatlong magkakapatid) at nais siguro nilang ipagpatuloy na rin ang bakas na iniwan niya. Hindi naman naging ganoong kahirap para sa akin at may mga panahon lamang noong gipit talaga ako sa todo pagpapakabisa ng aking nanay sa walang katapusang scientific method noong nasa ikatlong baitang na ako. Minsan din, inaabot na kami nang madaling araw dahil ayaw akong patulugin hangga’t hindi ko pa nakakabisa ang ipinapabasa sa aking Pointers to Review. Ngunit noong pagtapak ko na sa ikaapat na baitang, napagtanto ko na ang sistemang ipinamumudmod sa akin ng aking mga magulang at ang bigat ng pasaning pinapabuhat na rin sa akin ng aking kuya. Nag-aaral na ako noon mag-isa at pinagsumikapang maipasa nang may medalya pa rin kahit wala nang mga gabing pinagagalitan ako kasi may hindi na naman ako naalala. Pagdating sa mataas na paaralan, doon na nagsimulang mahilig ako sa pagsusulat. Kaya siguro naisama ko pa sa timeline na aking ginawa ang panahong ipinasok ako ng aking magulang sa summer reading classes noon. Mahalagang hakbang kasi iyon para sa akin dahil, sa natural kung malamang, kailangan kong matutong magbasa at magsulat. Iyon nga lang, saka ko lang din napagtantong nasa wikang Ingles ang aming pinag-aralan pero okay na rin naman. Noong nasa mataas na paaralan ay nasisiyahan na akong magsulat sa aming asignaturang Filipino at simula noo’y pinangarap ko na ring makapagpalimbag ng sarili kong libro. Pero pangarap na lang din siguro iyon dahil takot na takot ako sa kritisismo’t sa tingin ko lang di’y ako lang ang naaaliw sa mga pinagsasasabi ko. Kahit na ganoo’y lumihis naman ang pagtahak ko sa Filipino sa antas ng kolehiyo’t pagsusumikapang makapagturo ng nabanggit na asignatura sa mataas na paaralan.

3. Pasta & Gummy Bears

Kinailangan naming sagutin ang napakaraming problema nang nagpagawa ang aming guro ng pinakamataas na tore gamit ang hindi pa lutong pasta [sticks] at gummy bears bilang pandikit sa bawat dulo ng mga ito. Mahirap sa simula, at sobrang hirap din hanggang huli. Wala namang umaktong pinuno ngunit okay naman para sa lahat na magsalita ang, lahat. Marami kaming iba’t ibang ideya para makabuo ngunit hindi pala lahat ng naipaplano sa utak e naitutulak nang maayos. Napagtanto ko, unang-una, na mahirap pala kung walang namumuno. Oo, okay namang nirerespeto namin ang opinyon ng bawat isa pero iba pa rin pala yung tipong hindi kami nagkakanya-kanta sa mga gawain. Sa ginawa naming pagkakanya-kanya e maraming nasayang (naputol) na kagamitan at nabawasan ang resources ng aming pinakamamahal na proyektong tore. Ikalawa, kailangang sinusubok muna ang bawat teoryang naiisip at hindi maging padalus-dalos dahil sa pagmamadali sa gitna ng bawat sitwasyon. Ang nangyari kasi sa ami’y nagkanya-kanyang teorya, nagkanya-kanyang gawa, nagkanya-kanyang kasayangan. Hindi ako nakakita ng pagkakaisa kahit na akala namin noo’y nagkakaisa talaga kami. Akala lang namin iyon. Akala lang namin talagang mangyayari ang lahat ng ipinaplano namin kasi iyon ang sinabi sa amin ng imagination ng utak namin. Akala lang talaga. Sa huli, minabuti na naming hindi tapusin dahil sa hindi lang sa naubos ang kagamitang kinakailangan namin sa pagbuo ngunit wala ring mga teoryang nagpatayo’t nagpatibay sa aming pinakamamahal na tore. Natigilan na akong magmahal, bumigay, at sinubukan na lamang magpapansing-inggit sa mga nakabuo talaga ng tore.

4. Zombie Apocalypse Problem

Ninais kong isama ang pari sa aming grupo dahil kaya niya naman sigurong icounsel ang namamaril-ng-taong armado yata iyon. Napakapraktikal kasi na bagay ng isang armas sa panahon ng ganitong uri ng spesipikong apokaliptikong sakuna. E kailangan mong pumatay ng zombie, makahanap ng tutuluyan at pagkain, kailangan natin ng baril, nasa isip ko. Hindi rin nawala sa akin ang pagkakaroon ng physician na maaari nang umaktong first aid o medic sa aming grupong nilimitahan lamang ng panuto ang bilang. Kailangan ding magparami dahil katapusan na nga naman ng mundo kung kaya’t nagsama na ako ng isa pang babae. Nasubukan dito ang aking pasensya at kaunti na ring kakayahang magdesisyon kung pag-uusapan din lang ay buhay at paniguradong kamatayan. Nagmumukhang pambata ang ginamit na konsepto ng guro para sa amin dahil kung iisipin, tipong pangyarihang palabas lamang o video game ang sasapitan ng ganitong sakuna, ngunit pinili ko pa ring magpakaseryoso dahil wala namang mawawala sa akin at siyempre, patuloy na bulong sa akin ni isa pang Mart na, “E paano nga kung magkatotoo?” Mahirap magdesisyon ng ganitong mga plano lalu’t lalo pang iniisip mong ipotetikal at hindi ka naman aanhin ng konsensya. Ngunit nang aking inisip na mangyari talaga sa aking itapon ang lahat ng responsibilidad sa ganoong sitwasyon at mag-isip para sa lahat, hindi ko pa rin maiiwasan sigurong isama ang lahat, kahit magsisikan kami sa bodega. Malakas siguro yung sipa sa akin ng konsensya sa ganoong mga pagkakataon at hindi ko ipinagkakaila ang lahat ng kakayahan at maaari pang kakayahan ng maraming tao, maging ang kakayahan nilang baguhin ang kanilang mga sarili. Mahirap na rin siguro yung madali akong magtiwala sa napakaraming tao ngunit okay din namang nagbibigay ng pagkakataon. Huwag lang nila akong ubusan ng pagkain.

5. Grade 2 Problem – Someone Who’s Good in Class is Bullied

Medyo naging mahirap ang gawaing naiatas na ito para sa amin dahil unang-una, baka hindi ko na maalala kung papaano nga ba akong mag-isip noong nasa ikalawang baitang pa lamang ako. Pero hindi rin naman nawala sa isip kong iba-iba rin naman ang antas ng paglinang ang pag-iisip ang bawat mag-aaral. Kahit nagkaganoon, minabuti na lamang naming kausapin ang nambubully sa kaibigan naming napakatalino’t yayain siyang mag-aral kasama kami. Kung bubullyhin din lamang niya yung kaklase niya dahil hindi siya makapasagot sa klase, e ‘di mag-aral na lang din siya nang maayos. O kung nakita lang din siya ng aming guro na nagtaas ng kamay kahit hindi tinawag, bakit kailangan niya pang mambully? Dahil wala sa kanya ang atensyon? Dahil nasa iisa na lamang ang atensyon ng mga guro? Dahil ba sa nakaaamoy na siya ng favoritism kung kaya’t sinapawan na ng inggit at galit ang kanyang puso na nagtulak sa kanya para hindi na rumespeto sa iba’t manggulo na lang? Tinamad na akong ilagay ang aking sarili sa taong binubully at para maiba naman, sinubukan kong isuot ang sapatos ng bully kahit mahirap ipagkasya. Ang naibigay naman sa halimbawa e hindi iyong tipong powertripper lang at humahalakhak sa tuwing nambubully bagkus isa din lamang kapwa mag-aaral na gusto lang ding makakuha ng mataas na grado. Kung kaya’t, kapag hindi pa siya pumayag sa aming study group session, isusumbong na lang namin siya sa guidance counselor.

6. Blank Paper

May ipinaguhit sa aming bagay sa isang maliit na matigas na papel na sumisimbolo sa amin noong mga panahong iyon. Sa katunayan, hindi ako nakapagsimulang kaagad dahil hindi ko pa rin lubos maisip kung kilala ko na ba talaga si Mart. Sino nga ba ako? Sino nga ba si Mart? Gusto ko lang naman, magsulat talaga. Gusto ko lang, binabasa yung binili kong librong ako lang din yung nagsulat at nagpalimbag. Matigas na pabalat, mapuputing pahina, itim na maliliit na tinta ng printer. Pero, lumalabo nang lahat iyon dahil sa karuwagan at katamarang bumabalot sa Mart na mapangarapin pa rin naman. Nauubusan na ako ng oras at mukhang patapos na rin ang aking mga kaklase. Blangkong-blangko ang utak ko’t naisip ko na lamang gumuhit ng blangkong papel para matapos na ang lahat. Madumi, walang kuwenta, at hindi pa talaga nagmukhang papel. Ipinaliwanag pa iyon ng aking partner pero minabuti ko pa ring linawin kung bakit iyon nga ang napili kong simbolo, o kung anumang pambobola sa sarili kong metapora sa kawalang-kuwentahan ng aking pag-iisip noon. Pero totoo lahat ng sinabi ko’t akala ko’y luluha ako sa harap ng nakararami dahil hindi ko pa rin pala talaga napapatunayan ang sarili ko, na wala pala talaga akong nagagawa, na wala nang ibubuga yung tinta ng ballpen ko, tulad ng blangkong papel na inihain ko sa klase. Susubukan ko naman, sinusubukan ko namang magpraktis magsulat, at sinubukan ko na rin minsang magsulat ng nobela tungkol sa taong nagpakamatay pero kinulelat ng nagbabantay sa langit na maaari pa siyang bumalik sa mundo kung gusto niya pa. Para bang second chances, opportunities, or whatever, that touches the extremes of being suicidal pero may sipa pa rin ng comic relief. Pangarap ko iyon – manggulo ng diwa ng aking mga mambabasa gamit lamang ang papel at tinta. Sinta, subukan mo na akong hanapin at itulak papalayo sa bisyo ng karuwagan at katamaran. Gusto ko na ring masulatan sa wakas yung papel at baka amagin pa’t maglagas nang hindi nagagamit. Sayang.

7. On Leadership

Para sa akin, ang pagiging isang pinuno’y isang napakamakapangyarihang posisyo’t walang makapagsasabi sa’yo kung ano ang dapat mong gawin. Malakas ka nga’t matibay dapat ngunit hindi pa rin dapat binabalewala ang mga taong nagluklok sa iyo sa iyong kasalukuyang posisyon. Lagi kong tinatandaang wala naman yung pinuno riyan kundi lang din dahil sa mga taong bumoto para sa kanya. Sa katunayan, ang pinuno lang din naman talaga ang nagsisilbi, naglilingkod sa kanyang mga kinauukulan. Siya pa rin dapat yung pinakapagod, pinakamaraming inisip, ginawa, at ibinigay. Marunong makisama sa lahat at walang pinagpipilian kung nahihirapang magdesisyon. May sariling opinyon ngunit pinakikinggan pa rin ang opinyon ng iba. Ang pinuno ay hindi sumusuko dahil sa kanya lang din madalas kumukuha ng lakas ang kanyang mga pinag-uukulan. Kinakaya niya ang bawat problemang kinakailangang tahakin, kahit na maaaring imposible, ngunit nagbibigay ng karampatang pansin at susubukan pa ring magbigay solusyon. Ang pinuno ay hindi nakakatakot ngunit nirerespeto. Hindi siya namimilit at nasa punto ang kanyang mga utos. Ang pinuno ay matalino. Ang pinuno ay inspirasyon sa kanyang mga tao. Ang pinuno ay isang huwaran. Kung may pipiliin lang din naman akong role model, siguro’y yung pinakamagagaling na direktor na lamang ng pinakamagagandang pelikula. Maaaring sila lang din ang nagsulat ng kani-kanyang naratibo ngunit marami pa rin, actually lahat, ay kailangan nilang tutukan. Napakahirap na bagay iyon para sa akin, mga bagay, at isang napakalaking kaganapan iyon sa kanilang mga sarili kung mabuo man nila ang kanilang mga obra. Malilinang ko siguro ang ganitong mga kakayahan kung magsisimula ako sa aking sarili, sa aking sariling kinakailangan din ng matibay na pinuno. Kailangan ko munang pamunuan ang bawat gawain ko, para naman kapag sinubukan ko nang mamuno sa iba, hindi na ako ganoong mahihirapan. 

8. On Peers

Bilang isang miyembro ng grupo, sinubukan ko ring ilahad ang aking mga opinyon para naman, sa totoo lang, huwag magmukhang walang kuwenta sa kanila. Kinikilala ko ang mga ideyang mas magagaling kaysa sa akin at minsan pa’y namamangha pa ako. Hindi ako yung tipong nagagalit kapag hindi napili yung akin bagkus natutuwa pa para sa pangkalahatang kalalabasan ng aming mga plano. Sa pagtulong naman sa aking mga kaibigan, handa akong makinig sa kahit anong nais nilang sabihin sa akin. Hindi ako natatakot sa mga wirdong tao’t para nga pala sa akin e, wala naman talagang weird na tao. Magiging weird ka lang siguro para sa akin kung ikaw lang sa buong universe ang ganoon. Pero hindi. Hangga’t maaari’y naniniwala nga kong unique ang bawat isa ngunit bawat isa ri’y mayroong katuwang sa pag-iisip, sa pamamalakad ng kanilang buhay. Binuhay ang maraming tao sa napakaraming kultura ng mundo at napakaimposibleng lumikha na lamang nang sarili ang isang tao ng sarili niyang kultura. Mayroon at mayroon pa rin siyang makakasundo, kahit na napakaimposible pang makita niya ito. Ibig ko lang sabihin, bilang isang unique na tao’y sa buong sakop ng lupalop ng lupaing tinitirhan ng bilyun-bilyong tao sa mundo, mayroon ka pa ring kaparehang unique din. Masakit sa ulong tanggapin ngunit mahirap pa ring ihiwalay ang ibang tao sa iba. Tanggap ko lahat ng tao’t okay na ring makibagay sa kung anumang kinakain nila sa almusal o pinakikinggang musika. Pakinggan lang din nila sana si Mart.

9. How Self-Aware Are You?

Anim na puntos ang nakuha ko sa gawaing ito’t sa aking pagkakaalala’t unawa, aware naman daw ako. Okay rin naman. Tanggap ko sa aking sarili. Tanggap ko ang aking sarili. Kilala ko ang aking sarili’t kilala ko rin naman si Mart. Mahirap na rin kasi para sa akin yung mundo na lang parati yung pinapansin ko’t sinusulatan ng mga walang kabuluhang liham. Kinikilatis ko rin madalas yung sarili ko’t sa bawat silip sa ulap sa kalangitan, kinukuwestiyon kung bakit nga ba sa Pilipinas ipinanganak si Mart at hindi sa Japan. Marami akong tanong sa sarili ko dati, at marami rin sa mga tanong na ito ang tungkol sa aking sarili. Hinanap ko na noon kung bakit ko nga ba gustong magsulat o binola lang din ako ng mga guro ko noong nasa mataas na paaralan ako’t binobola ko na lang din magpahanggang sa ngayon ang aking sarili. Hindi na rin naman ako masyadong kinakabahan sa mga pinili kong landas pero kinukonsulta ko pa rin talaga si Mart bago ako magsalita, magsulat, o makipag-usap muli sa kanya. Mahirap na kasing walang malinaw na desisyon sa buhay dahil sa hindi mo malinaw na kilala ang iyong sarili. Kinilala ko muna nang maayos at mabuti si Mart at baka na rin kasi tamarin pa akong magsisi sa huli. Nakaakibat para sa akin ang lahat ng aking mga desisyon kung gusto ko nga ba ang bawat bagay na nangyayari, mangyayari, at nangyari sa kapaligiran ko. Ang kapaligiran ko rin naman ang nagbigay pagkakakilanlan sa akin, minabuti ko na ring pakisalamuhaan ang paligid para lang maging patas kami. 

10. Determining Your Stress Level

Napakaipokrito mang sabihing pinag-iisipan ko ang lahat ng aking mga gagawin, tulad ng nabanggit kanina, ngunit napakataas pala ng aking stress level ayon sa isang papel na aking sinagutan! Siguro nga, totoo, na napakataas minsan ng kumpiyansa ko sa aking sarili kung kaya’t natutulak at naiipon ang lahat ng aking mga kailangang gawin. Lumiliit ang buhangin ng panahon ngunit lalong tumatarik ang kailangan pang akyating bundok ng responsibilidad. Nasanay na ang katawan ko simula noong nasa mataas na paaralan na gawin nang isang bagsakan ang mga bagay dahil yung mga mas tamad kong kaklase ay pumapasa pa rin. Para bang tinamad na rin akong magpursigi sa mataas na grado’t hindi ko naman talaga hinangad na magpapansin talaga ng medalya. Ni hindi ko namiss suotan ng medalya na nakasanayan ko naman noong nasa mababang paaralan. Maaga ko nang natanggap sa sarili kong mataas ang kakayahan ng lahat ng tao’t nasasayang lamang ang mga ito kung tatamarin silang lahat, pero pumapasa pa rin nga yung mga mas tamad kong kaklase. Nawalan na ng sense sa aking umabot ng mas mataas kahit na iyon ang gusto ng napakaraming magulang, kahit na natutuwa pa rin silang diploma lang ang iaabot ko sa kanila. Pero bakit nga ba, ayon sa papel na aking sinagutan e, stressed daw ako? Like, oh, my gosh, why? Siguro kasi, naroon pa rin yung konsensya sa mga magulang kong nagpaaral sa akin ngunit hindi nila nakikita nang malinaw kung ano nga ba talaga ang ginagawa ni Mart sa UP. Mahirap bigyang-liwanag para sa kanila kung kaya’t sinusubukan ko pa rin namang ipasa ang aking mga asignatura. Hindi ko minsang inihanay ang aking sarili sa tipo ng tamad na wala na talagang pakialam bagkus hanggang sa hanay lamang ng may pakialam kapag panahon na talaga ng talagang-talaga. Kung tutuusin, yung mga walang pakialam pa nga yung may mababang stress level at sa ngayon… ko lang din napagtantong magandang bagay palang naiistress ako.

11. Studies

Bago ako mag-aral, nililinis ko muna ang aking buong kuwarto. Kaysa na ipalusot ko pang procrastinate time din ang paglilinis ng kuwarto bago mag-aral e gusto ko lang ding maayos tingnan at singhutin ang aking kaligiran habang ako’y nagbabasa o nagsusulat. Nagsusulat din ako minsan ng reviewer kapag marami masyadong kailangang kabisahin at minsan pa’y inaupload sa mga grupo (kung mayroon man) para makatulong (at makapagyabang!) sa aking mga kaklase. Mahalaga sa akin ang mga susing salita’t madali akong nakaaalala kapag iyon lang ang inalala ko. Kumbaga, sa isang salita, isang parirala, isang konsepto, marahil ay maaari ko na itong pasimulang ilahad nang mahaba-haba’t may panahon pa para mag-isip sa mga susunod pang tanong. Nagkakape rin ako bago at habang nag-aaral bilang pampagising. Hirap kasi akong mag-aral, at hindi ko pa rin ginu-Google kung bakit, kapag may liwanag ng araw. Iyong tipong may gana lang akong mag-aral kapag gabi. Siguro kasi, iyong tipong malinis na kapaligiran sa akin e malinis na talagang walang taong gising. Hindi rin ako kumportableng magsulat nang may maingay o may gising na tao, o may gising na taong tanong nang tanong, nakikipag-usap pa rin kahit nakikita na akong nagbabasa o sisilip pa sa akala nila’y obra ko nang kinakatha. Hindi ko rin kayang mag-aral nang may musika pero kaya ko namang magsulat minsan kapag may classical na tumutugtog na piyesang piano ang instrumento. Madali akong madistract din kapag may internet kaya hindi ko kailanman piniling mag-aral sa bahay namin sa Cavite sa tuwing umuuwi ako, kahit pa alas tres nang madaling araw at ako na lamang ang gising, payapa, at mabilis nga kasi yung internet, wala na naman akong matatapos niyan, sorry. Madalas akong magsimula 2-3 days before ng pasahan pero sinisigurado ko namang hindi ganoong kapatapon ang aking inaasam na resulta. Iyon nga lang, minsan, kapag kinasarapan ng antok at yakap ng comforter sa paggising sa ginaw ng ulan at suspension na inaabangan sa TV, magpoprocrastinate na naman si Mart hanggang sa kahit tres ay madaplisan niya man lang.

12. The Five Love Languages Test

Sa unang bahagi, yung bahagi tungkol sa significant other, ang pinakamataas kong nakuha sa aking pagsagot sa panibagong papel ay Physical Touch. Hindi ako malibog I swear pero yung pinakamaliliit na bagay, halimbawa, na hawakan ng girlfriend ko yung buhok ko e ramdam ko nang mahal niya ako. Kahit masahe lang na walang ingay, okay na para sa akin. Okay lang din sa aking magkatabi kami, sa track oval, sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan, habang nakatitig sa mga puno’t alitaptap, at hindi kami nag-uusap. Walang usap-usap, basta’t ramdam ko lang na katabi ko siya, nakapatong at nakayakap sa akin, kumpleto na para sa akin iyon. Dagdag pa rito, 0 points ang nakuha ko sa Receiving Gifts. Hindi naman sa hindi ko naaappreciate ang mga ibinibigay sa aking mga regalo, nagreregalo rin naman ako, pero parang, para sa akin, okay, sobrang okay lang din naman para sa akin kung wala talaga. Sa sumunod na bahagi, Words of Affirmation naman ang nakuha ko para sa aking mga magulang. Siguro kasi, madalas akong nasa paaralan at parati rin silang nasa opisina. Miminsan na lang talaga, nakalulungkot talagang isipin, kaming magkita kung kaya’t kahit walang pasalubong, basta’t may boses at pagkalingang kantsaw na akong marining, masaya na rin ako para sa relasyon namin. Dagdag pa rito ang pagiging OFW ng aking tatay kung kaya’t boses niya lang talagang literal ang puhunan sa pagkakakilanlan namin sa bawat buwang nagkakalayuang hindi naman talaga nagkakarinigan.

13. Multiple Intelligence Test

Anim ang nakuhaan ko ng 10 points mula sa papel sagutang ito: Musical, Logical, Existential, Verbal, Intrapersonal, at Visual. Una sa lahat, nakupo! Hindi ko talaga matanggap! Hindi naman ako galit at natawa pa nga ako dahil binobola lamang ang mga papel na ito. Niloko pa akong may musical at visual strength ako e gusto ko lang naman silang nakikita at pinakikinggan. Totoo naman yung mga isinagot ko sa bawat tanong pero bakit sampung puntos (pinakamataas) pa rin ang ibinigay sa akin ni papel? Siguro, kung may iba pang mga tanong e mababa na talaga yung makuha ko o kaya’y talent test na talaga ang usapan at hindi kumakausap na papel kundi kumakausap na tao ang sumubok sa akin, marahil ay bumagsak pa ako hanggang sa dalawa o magpahanggang sa isang intelligence na lang. Sa huli, masaya pa rin namang tanggaping wala akong ganoong kapakialam sa kapaligiran at kalusugan ng muscles at bones ng aking katawan, sa kanilang mga kakayahan, kahit na enjoy namang magbadminton at paminsan-minsang pamumulot ng balat ng candy sa daan. Nang makita ko rin ang mga resulta’y inisip ko na ring mag-ensayo pa para sa klasikal na paggigitara ngunit hindi ko na minarapat pang tahakin ang pagguhit. Ni matinong puno, para sa aki’y mahirap nang gawin.

14. House-Tree-Person Test

Gumuhit ako ng bahay na makakapal ang linya. Ibig sabihin daw noon ay may kumpiyansa sa sarili. Simple lamang ang ginawa kong bubong para sa aking bahay, at ang ibig sabihin naman daw noon ay wala naman akong masyadong pinapantasyang mangyayaring kakaiba sa aking buhay. May mga inilagay naman akong bintana at pinto at dahil daw roon ay open naman ako sa maraming bagay. Sa bahaging puno naman, heavy lines at manipis ang aking pagkakaguhit ngunit nang basahin ko na ang interpretasyon e sumasalungat sa kung ano ang sinasabi ng aking bahay! Maaari kaya itong senyas na may mali sa test na ito o mayroon akong bipolar tendencies? Minsan pa rin bang hindi ko pa rin kilala si Mart? Mahilig din ako sa maraming bagay at pupuwede ko rin naman sabihing nagsasawa rin naman ako, at napapagod. May mga dahon naman sa aking puno kung kaya’t, ayon pa rin kay papel test e okay na rin namang may nangyari sa mga nais tumulong sa akin, na totoo naman. Wala naman akong mabigat na hiningi sa mundo at willing din naman akong gawin pa ang mas mahirap na ginawa nila para sa akin. Taong stick lang yung ginuhit ko na may hawak na saranggola pero siyempre, sinilip ko pa rin yung pagkilala sa akin ng papel. Open arms naman yung pagkakaguhit ko na open din naman daw ako sa mga tao, na totoo naman. Sa bahaging bibig naman ay saradong (nakangiti naman) labi ang aking iginuhit at sinasabi ng papel na may denial daw ako sa mga gusto ko talagang makamit sa buhay, na sumasalungat na naman sa aking wala naman akong hininging mabigat sa mundo. Unless gustong makipag-usap ni Universe sa akin tungkol sa pagpapatalsik ng kalam sa loob, why not.

15. Career Pathway

Investigative, Social, at Conventional ang aking mga nakuha mula sa RIASEC test na pinasagutan ng aming guro. Bilang sigurong isang frustrated na manunulat, okay na rin naman para sa aking nag-iisip nang madalas, at maging kritikal sa pamamalakad ng mundo. Mahalaga iyon para sa akin, iyong makakita ng mga bagay na hindi nakikita madalas, o hindi nakikita at all ng tao. Tinatanggal ko ang aking sarili sa mundo’t sinusubukang maging multo para lamang makapag-obserba nang mas malalim at makapag-isip nang mas kritikal. Hindi ko iyon ginagawa, bilang isang tamad na manunulat lamang at magrereklamo lamang sa mga jejemon at iba pang mga batugang tulad ko. Ang tungkulin ng isang manunulat ay magbigay ng panibagong lente sa maraming mamamayang kanyang sinusulatan para kanilang tunay na malaman kung ano na ba talaga ang reyalidad. Galit na galit talaga ako sa media dahil hindi naman totoo ang lahat ng kanilang mga ipinakikita. Madalas, pambobola at walang kamatayang nainlab si Mahirap na Babae kay Hacienderong Mayaman at malalaman nilang magkapatid pala sila pero hephephep! Ampon lang pala yung isa at magkakatuluyan pa rin sila. Hindi naman masamang piliting may ligaya sa reyalidad pero ayokong ginagawang tanga yung kapwa kong mga Pilipino. Pero anong magagawa ko? Takot nga palang magpalimbag si Mart dahil takot siya sa mga pulang marka ng kanyang magiging mga editor at publisher. Minabuti niya na lamang tahakin ang landas ng pagiging isang guro at baka makahawa pa siya ng kanyang thinking patterns sa boring na mundo’t makapagbenta pa ng maraming libreng salaming sobrang nakapagpapalinaw ng mata.

16. Puso

Sinulatan ko ang aking sarili. Si Past Mart, precisely. Sobrang tamad kasi niya. At galit na galit ako sa kanya dahil kay Future Mart niya naman iniasa ang lahat, ang kanyang bundok na naman ng responsibilidad. Pinaalalahanan ko na lamang siya, matapos pagalitan, na magsipag-sipag naman siya minsan, kahit sa susunod na semestre, para magkaroon naman kami ng pantay na responsibilidad. Hay nako, Past Mart, alam ko namang iniisip mong mahihirapan ako, at ako na naman pero hindi sa lahat ng pagkakataon sa buhay e magpapakasasa na lang parati. Subukan mo naman din lang mahirapan, kahit isang gabi lamang na nagsusulat, at nag-aaral, bilang malasakit na rin sa lahat ng ginawa, bilang ganti sa mga ibinuhos na pawis at stress sa iyo ni Future Mart. Nagmumukha tuloy part II ng liham ko ang repleksyong ito sa sobrang galit ko sa iyo. 

17. Sino Ka na Pagkatapak Mo ng UP?

As usual, nahirapan na naman akong gumuhit o kung anuman. Sa huli, gumuhit ako ng isang buto sa ilalim ng lupa ngunit may nakasibol nang mga dalawang dahon. Hindi pa rin ako buo, kumpleto, hilaw pa, at kailangan pa ng maraming sustansya kahit pa sabihin nilang, “Uy, naks! UP!” Kung alam lang nila. Hahaha. Mahirap mabuhay nang akala ng maraming tao sa iyo na matalino ka. Mahirap ding magpanggap na matalino. Pero masarap magpakakritikal sa bawat dumadaang kotse sa harap ng iyong bahay. May dahilan pa rin kung bakit ako narito, ipinanganak sa Pilipinas, at ang UP, bilang ehemplong nagturo sa aking huwag na munang isipin ang aking sarili pero unahing isipin ang bayan, ang siyang patuloy na dumilig sa aking mumunting buto’t nagpatubo ng mumunting dahon lang din ng karunungan. Aasahan ko na lamang ang aking sariling hindi ko malilimutan ang lahat ng aking natutunan simula noong tumapak ako sa napakamasalimuot na kalayaang ito. Malayang mag-isip ngunit nakakukulong ang mga ideyang pumapasok. Nakakulong ang maraming tao sa kawalan ng edukasyon at mahirap na ring sabihing kaya pa rin ng mga taong itulak ang lahat ng mga kontra-ideolohiya nila laban sa mga nahaharing uri. Hindi na dapat ako matakot ni mahiya at alam naman lahat ng tao, maging ni Mart, na walang mali sa mga sinasabi ko. Dahil tanggap niya naman, ng aking sarili, na pagkatapos kong kilalanin ang aking identidad, panahon na para baguhin ang pagkakakilanlan sa tunay na mamamayang Pilipino.