Ang buong
artikulo ay halata namang tungkol sa body language na naturang makikita sa
maraming Pilipino. Mayroon naman kasing dalawang paraan ng komunikasyon: ang
verbal, kung saan gumagamit ng mga salita ang makikipagtalastasan, at ang di
verbal, kung saan walang kasamang salita ang pumapaloob sa nangyayaring o
sisimulang pakikipagkomunikasyon. Nakapaloob na rin dito ang body language, na
gumagamit ng alinmang parte ng katawan, basta madaling maihahatid sa iyong
kinakausap ang nais na iparating na mensahe. Maaari ko na ring idagdag sa mga
naunang nasabi patungkol sa body language na malaking nagpapatakbong bahagi
nito ay ang kultura. Nakapaloob kasi ito, ang body language, sa kultura. Kung
walang kultura, hindi magkakaroon ng ibig sabihin sa kahit na kanino ang
alinmang inilalabas o ginagawa ng isang tao. Magiging lutang lamang ito kung
wala itong pinaghuhugutang kultura. Nagkakaroon lamang ng ibig sabihin at
katanggap-tanggap lamang ang isang body language o anumang verbal na
komunikasyon, o sa madaling sabi, ang isang wika, kung may itinataguyod itong
kultura.
Nakapaloob sa inilakip na artikulo
ang pagkakaroon ng body language ng mga Pilipino mula sa pagbati, mga
negatibong reaksyon o di katanggap-tanggap sa lipunang Pilipino at
kinokonsiderang bastos sa kahit na kaninong Pilipino, tamang etiketa sa loob ng
mga silid-Pilipino, pagkuha ng atensyon ng mga Pilipino, paggalang sa matatanda
at ang usapin ng pagngiti sa pagitan ng bawat Pilipino.
Ang pagbasa ko pa
lamang sa unang bahagi ng pagbato ng mga body language ng isang Pilipino e
napangiti na ako. Paano ba naman kasi, totoo nga namang madalas tayong bumati
nang kilay lamang ang ating ginagamit, sabay ngingiti. Napatunayan ko na ito
noong high school pa lamang ako. Mayroon kasi kaming gurong Hapon. Hindi ko
naman namalayan agad na binati ko siya na gamit ang aking kilay. Napagtanto ko
na lamang na hindi ito ginagamit sa mga hindi Pilipino nang ang aking gurong
Hapon ay nag-bow, bilang sagot sa pagtaas ko ng kilay sa kanya. Nakakatawa man,
mas madali kong naintindihang may mga bagay na ginagawa ang mga Pilipinong
natural nga lang talaga sa atin, hindi natin madalas namamalayan at tanging sa
Pilipinas lang talaga ginagamit. Ginagamit lang din natin ang pagtaas ng kilay
na bating ito kapag siguro’y nagmamadali tayo at walang oras makipag-usap sa
ating binabati. Maaaring ginagamit din ang pagbating ito kapag hindi tayo
naging masyadong malapit sa nais nating batiin. Madalas ding gamitin ito sa mga
kaedad lamang o may maiikling agwat lamang ng edad na binabati pero miminsan o
hindi naman talaga na ginagamit sa mga matatanda sa atin.
Mula rito, gusto ko
nang ipasok ang binabanggit ng artikulo na may mataas tayong paggalang sa
matatanda natin. Hindi man nabanggit kung anong tawag, pasok na pasok ito sa
diwang Pilipino na pagmamano ang inilalarawan ng nagsulat. Ang pagmamano ay
madalas pa ring makikita sa tuwing may nagkakasalubong na magkapamilyang
Pilipino pero may iilan na ngayong humahalik na lang sa kanilang matatanda.
Maaaring pinipili na lamang ng matatandang halikan sila dahil siguro’y ang
pagmano ang nagpapaalala sa kanilang matanda na sila. Kung titingnan nating
mabuti, ang pagkakaron marahil ng edad sa kontekstong Pilipino ay mabigat at
malaki ang ibig sabihin sa bawat indibidwal kaya ang pagmamano ay maaaring
maging simbolo na ika’y matandang dapat igalang at may pinagdaanan na.
Sa mga
negatibong pagkilos naman sa kontekstong Pilipino, nabanggit sa artikulo ang
pamemeywang, pagtitig nang masama at panduduro. Uunahin ko na ang pamemeywang.
Ang pamememywang, sa paningin ng mga Pilipino ay naghahatid lamang ng mensaheng
nakatataas ka o nagpapahiwatig ng mas mataas na awtoridad sa iyong kinakausap.
Magiging bastos lamang ito kung gagawin sa harap ng nakatatandang kausap dahil
sa nagmumukhang mas maalam na ngayon ang namemeywang kaysa sa matandang kanyang
kinakausap. Sumunod na ay ang pagtitig nang masama. Popular naman na ito sa mga
batang may ginagawa mali tapos idinadaan ng kanilang mga ina sa titig para
magtumigil ang kanilang mga musmos sa patuloy na pangungulit. Ang pagtitig sa
kontekstong Pilipino ay madalas na nakatatakot at nakapagdadala ng mabigat na
pakiramdam, hindi lamang sa gumagawa, kundi sa ginagawan, wala mang lumalabas
na salita sa bibig. Ipapasok ko na rin ang, “Makuha ka sa tingin!” ng mga Pilipino.
Ang panghuli, ang panduduro ay isa pa ring bastos na pagkilos sa kinokomunika.
Bastos ang dating nito sa kinakausap sapagkat mukhang pinipigilan mo siya sa
kanyang patuloy na pagsasalita, o sa kanyang ginagawa. Madaling makapagpatigil
ito ng ginagawa. May nakatatakot ding dating tulad ng pagtitig. Isa pang
nakapaloob na usapin dito ay ang usapin ng mga hindi nakikitang nilalang. Ang
pagturo lamang kung saan-saan sa Pilipinas ay nakatatakot sapagkat naniniwala
ang maraming Pilipino na maaaring may maituro kang hindi mo nakikita. Ang
maaaring sagot sa pagkakamaling ito ay ang pagkagat sa ipinanturong daliri. Ang
psst, o pangkuha ng atensyon ng mga Pilipino ay simbilis lamang ng ginagawang
pang-ikot ulo ng pantawag na hoy. Ang psst at hoy ay bastos din ang dating
ngunit wala tayong magagawa, kahit na sinong gumawa o sumigaw ng ganitong mga
wika, madaling-madaling titingin ang mga Pilipino kahit na hindi kilala ang
boses na narinig. Ipinagtataka ko lamang ay kung bakit nakapaloob ito sa body
language na artikulo e lumikha na ng tunog ang nakikipagkomunikasyon. Maaari
bang ibig sabihin nito e kaya isinama ng sumulat ng artikulo ang pantawag na
ito sapagkat wala namang umaangat na depinisyon sa diksyunaryo ang mga pangkuha
ng atensyon ng mga Pilipino?
Sa pagngiti naman, natawa rin ako sapagkat sa
lahat na lamang ng pagkakataon ay nakangiti na parati ang mga Pilipino. Hindi
naman nito ipinararating na baliw tayong mga Pilipino na kahit kailanman, kahit
saanma’y nakangiti na lamang tayo, na kahit nahihirapan na tayo, kahit galit na
galit na tayo e nakangiti pa rin tayo. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay
ganoon pero marahil ay may kaunting pinaghuhugutan pa rin ito sapagkat may mga
nginingitian na lamang na problema ang mga Pilipino. Sabi nga ni Bamboo sa
kanta niya na Noypi: “Sa dami mong problema, nakuha mo pang ngumit. Noypi ka
nga. Astig.” Ganito man, may mas malalim pa akong pagtingin kung susuriing
mabuti ang sinasabi ng artikulo na parati na lamang tayong nakangiti. Nais ko
sanang ipuntong masayahin lang talaga tayong mga Pilipino. Pantulak na rito na
madali tayong mapangiti. Mahilig tayo sa mga piyesta, sa mga kasiyahan.
Madadaldal ang mga Pilipino sa ibang bansa, ayaw natin ng nakababasag na
katahimikan. Ang katahimikan sa atin ay malungkot. Ayaw natin ng malungkot,
mahilig tayong mga Pilipino sa maingay na paligid, sa maraming makakausap, sa
maraming kaibigan, sa masaya.
Sa lahat-lahat, natuwa naman ako sa
nabasa kong artikulo tungkol sa body language ng mga Pilipino. Nawa’y hindi na
ito mabura sa ating mga Pilipino, lalo na’t ngayo’y bumibilis na ang daloy ng
komunikasyon dahil sa internet at cellphone. Maganda na ring nakikipag-usap
tayo sa labas ng bahay, nakikisalamuha nang nakikita at nakakasama ang
kinakausap, nararamdaman nang direkta at walang hiya ang katawan at ngiting
Pilipino.