Sinubukan kong umunawa, ako ang ginago. Oo't walang taong perpekto pero bakit palaging mayroong apektado? Walang magkapantay na emosyon, binabasag ang mga ideyolohiya. Maaaring mag-umpisang kandila ang mga sumasabog sa digmaan. At sa digmaan ng mga salita, mag-uumpisa ang maiingay, manonood ang mahihilig, mananatili ang mga tahimik na pakialam. Maniwala ka, maniwala ka, hindi ako ang sentro ng mundo, maging ikaw ay nasa likod lamang ng iyong pekeng pakikipag-ugnayan. Ipakikita mo ang iyong galit ngunit lihim na nagmamahal pala nang wagas sa inaaping tulad mo.
Walang kuwenta nang humingi ng pasensya, ni pag-intindi sa kabilang direksyon. Makikisalamuha pa ba ako sa mga ipinipilit na imposible na ang pagbabago dahil hindi naman din sinusubukan? O kung mag-umpisa ma'y aberyahan lamang nang saglit o mabigat ay bibigay na ang galit na galit na kondisyon? Walang ibang maaaring mag-umpisang bumuhat sa iyo kung hindi ang iyong sarili!
Paano ka na lamang lilingon sa nakaraan kung sayang na sayang na ang bawat segundong sinasampal kang pataksil? Sapul sa bawat pagpaslang, ayaw ko na sanang magsalita pa. Ayaw kong may nasasaktan, ayaw kong nasasaktan, ayaw kong may mapanakit pang mga ugali't salita na karaniwan namang iniiwasan. Bakit ba kailangang magkaroon pa ng mga hindi kailangang kailangan? Siyang nakalilitong harang.
Naiba na naman pala ako ng pinuntuhan, parati ko itong nakalilimutan. Ang dapat ko lamang sundin ay ang itinakda ko nang mga tanging gawain. Nasa akin nga pala kung sino pa ba ang dapat kong tanggapin, o kung susukuan ko ba dapat ang aking mga kaibigan, mga kaibigan sa sining, mga kapanalig sa kamunduhan ng mundo, mga epal lamang sa aking paningin, at kasiyahang dulot ng paghahanap. Sa huli'y mapagpatawad pa rin ang aking puso, sa mga nararapat lamang patawarin. Ang pag-unawa ay 'di ko pinipilit bagkus ay siyang kakalabit na lamang nang nakangiti sa anyaya ng pagbabalik.