Yakapin mo ako rito sa mundong kay ginaw. Ano ba ito, at ano ka ba? Sintunadong marangal akong nangingibit-balikat kung saan ka nga bang lupalop nanggaling na mundo. Sa sarili mo bang mundo? May pagnais na magtagpo ngunit sadyang hindi pa wasto ang panahong nagpupumilit na mapili. Pakiusap, dahan-dahanin mo ako, akong hindi nararapat na makipagtipan pang malumanay. Samahan mo na lamang akong humimlay sa ilalim ng mapagkunwaring mga tala, sa dalumat ng ipinangangakong mapapako rin naman.
Kaibigan ang aking hanap sa landas ng mapawaring lunan. Lahat ng aking nalalama'y katiting lamang ng iyong gustong maipakita. Nakatutuwang lapnos pa rin ang aking dila sa mga ngiti mong hindi ko kayang lampasan, unawain. Paumanhin. Andito pa naman ako, akong buhay na naghihintay lamang madalas ng tiyempong masilayan ka't makasabay, makilalang panibago at makilala rin ang mundong iyong dinadala araw-araw.
Huwag tayong magmadali, may hapon pa ang umaga bago sumapit ang takipsilim. Linanging nawa ang ating kaisipang mas may tipong manaig kaysa sa makuliting damdamin. Tama ang makipagkapwa-tao na lamang muna, at iyon pa ay kung pagbibigyan ng ihip ng malamig na malamig na hangin, at saka na lamang muli, at muli't muling humalina, at yakapin mo ako rito sa ating mundong kay ginaw.