March 25, 2012

Ranprawri

At dahil gising na gising na ako sa sarili kong paraan ng pagsusulat, hindi na rin siguro masamang pagpraktisan dahil sa naghihintay na lang siguro ako. Ako? Bakit nga ba ako naghihintay? Marami naman tayong naghihintay. Lahat naman yata tayo may hinihintay. Kapag natatapos na yung hinihintay natin, bakit parang naaatat pa rin tayong maghintay para sa isa pa ulit? Bakit atat na atat tayong matapos ang ating paghihintay pero parang atat na atat din tayong maghintay pa ulit? Hindi ko rin alam. Parati na lang hindi ko alam. Bakit ikaw? May nalaman ka na ba? The fact na nagbabasa ka rito e baka wala ka nang ginagawa. May gusto ka bang alamin? Kokontrolin na lang ba kita? Joke lang. Hindi ko kaya yun. Ni hindi ko nga mapatagal nang matagal na matagal ang mga mambabasa ko. Ni hindi mo nga ito matatapos. Oo. Makapangdaya naman ako. Hindi ko kayang basahin ang iniisip mo. Tss. Hindi ko talaga kaya. Nag-iisip ka na lang ng iba pang ibabato ng mga hinayupak na halimaw kapag babatuhin mo sila nang makailang ulit ng tinapay. Bakit nga ba ang liit-liit ni Godzilla? Bakit nga ba ang liit-liit ko?

Sabi nung mga tinanong kong matatangkad, kailangan ko lang daw magstretch araw-araw paggising ko sa umaga. Nakakatamad kaya magstretch paggising sa umaga. Pusa tsaka aso lang gumagawa nun. Ako kasi, paggising ko sa umaga e sumisinghot na agad ako ng maaamoy kong ulam. Puwedeng sinangag, itlog, hotdog, longganisa, tosino, pagkain kagabi, pizza, spaghetti, kanin, scrambled egg, kamatis, itlog na maalat, at marami pang iba. Kakaiba rin naman yung amoy ng pandesal, ng kape, ng kape ko, ng kape ng iba. Masarap ako magtimpla ng kape. Kung hindi ka naniniwala, wala akong pakialam sa'yo. Wala naman talaga akong pakialam sa'yo. Mambabasa lang kita. Pero dahil mambabasa kita, babalik na ulit ako sa'yo. O, nandiyan ka pala. Hindi ko naman sinasadyang huwag kang kausapin ulit, kahit na kanina pa kitang kinakausap. Alam mo yung matatanda, kapag nagkuwento, paulit-ulit. Hindi mo naman sila mapigilan magkuwento kasi para bang maaawa ka. Minsan na lang siguro sila may makausap e babarahin mo pa. Kung titigil lang din naman ako sa pakikinig e isasara ko na lamang ang tab na ito. Hindi. Hindi ka pala nakikinig. Hindi na rin naman ako nakikinig. Kanina pa kita pinagtitripan. O baka naman kanina ko pa pinagtitripan ang sarili ko. Mahirap din maghanap ng sarili e no. Minsan nga naiisip ko, kapag siguro may nawala sa iyo na napakalaking bahagi ng buhay mo, saka ka lang din mapapaisip para sa sarili mo, kung bakit, o bakit nga ba? Bakit daw ang huling tinatanong ng mga bata. Gets mo? Nauuna raw kasi yung ano, sino yang mga bagay na iyan pero ang huling matututunan ng bata e yung bakit. Bakit nga ba? Hindi ko rin alam. Kita mo, marami akong hindi alam. Suspetsa ko ikaw rin. Ikaw na nagbabasa nito, bakit ka pa rin nagbabasa? Wala ka bang dapat na atupagin? Wala ka bang hinihintay? O naghihintay ka ng susunod na hihintayin?


Sabi naman nung iba e uminom na lang daw ako ng gatas. Gusto kong gatas e yung sa Cowhead. Masarap yun. Yun yung paborito kong gatas. Kaso mahal. Kaya yung Nido na tinitimpla na lang yung gusto ko. Pero kasi, hindi na nakakatamad magtimpla pero pinapapak ko lang din yun bago ako magtimpla. Kapag nabusog na ako kapapapak e hindi na rin ako nakakapagtimpla. Masarap ding maglagay ng gatas sa kape. Masarap magkape. Gustung-gusto kong nagkakape. Ayokong nagigising, ang sarap-sarap matulog no. Minsan, ayaw ko ring natutulog, ang sarap-sarap nang gising no. Pero mas masarap pa rin ang kape. Masarap ang kape talaga as in. Kung hindi lang madalas nakakabad breath yung kape o kung hindi naman nakasasama ang sobra e parati na siguro akong nagkakape. Kape. Kape. Kape. Minsan sawsawan ko yan ng pandesal. Minsan sa tasang puno ng condensed milk ang sinasawsawan ko ng pandesal. Mahirap kumain ng pandesal na hindi bagong luto nang walang sinasawsawan. Hindi masarap yun. Walang masarap na hindi bagong lutong pandesal.


Kung ipinanganak ka e bakit nga ba sa Pilipinas? Hindi ko na lang maisip kung bakit bigla ko na lang naiisip ang mga ganitong bagay. Malamang noong high school, elementary, pre-elem e walang kabuluhan sa akin ang buhay. Ang buhay ko lang noon e manood ng cartoons, mag-aral, magbasa, kumain, umutot tapos tatawa. Wala na akong pakialam kung paano kami itinataguyod na tatlong magkakapatid ng aming mga magulang. Kahit nung nag-entrance test pa ako sa universities e pag-aaral pa rin sana yung gusto ko lang atupagin. Hindi naman ako naghihintay na magkaroon agad ng pamilya kahit na gusto ko nang pakasalan yung girlfriend ko. Ayaw ko pang lumayo sa mga bagay na nakasanayan ko na. Kapag sanay ka na e mahirap din palang maghintay. Mahirap ding magpigil na hindi maghintay. Masarap maghintay ng hihintayin. Nakasasabik paminsan-minsan ang bago pero huwag naman masyadong mabilis. Sabi nga sa isang opening episode ng South Park, ang bilis magpalabas ng bago ng Apple Mac. Bakit ba sila ganoon? Kung bakit may iPad 2 na kalalabas lang na hinintay mong mabilis, tapos pagkabili mo e iPad 3 na ang inilabas. E di ba nakakaleche din yung ganun? Parang napupunta lang din sa wala yung paghihintay mo. O kung gusto mong pagaanin ang iyong dinaramdam e mahirap naman talaga raw magpakasosyal. Kung gusto mong mapansin syempre kung wala kang talent, magpakasosyal ka na lang.


Tinatanong ko na talaga yung sarili ko ngayong mga taon lang. Bakit nga ba ako ipinanganak sa Pilipinas? Bullshit agad ang naisip ko. Bakit nga ba sa Pilipinas? Hindi mo ako kayang labanan kasi lahat naman ng bansa e tama ang kultura. Hindi mo maaaring itapon sa akin na maganda naman sa Pilipinas di ba? E bakit sa Japan hindi ba? Oo na, sige na, sa Japan siguro, gusto ko ring maipanganak some time. Pero kung nasa Japan na ako, itatanong ko ba sa sarili ko kung bakit ako ipinanganak sa Japan? O matutuwa ako kunwari gaya ng ginagawa ko ngayon dito sa Pilipinas na ang saya-saya? Hindi ko ba hihilingin na lang parating ipanganak sa ibang lugar? O kaya lang naman ako nagtatanong ng aking existence e dahil sa ramdam na ramdam ko ang kamalasan? Nag-iisip na lamang ako ng magagandang bagay para lamang makalimutan ang aking sarili? Iniisip ko na lamang ba na sana ganito, sana ganyan, sana ginanito ni ano si ganyan kasi ganon? Bakit? Dahil ba sa feeling ko e mali ang nangyayari sa akin o hindi ko gusto ang mga nangyayari sa akin e gusto ko na lamang ipanganak sa ibang lugar? Kung ipapanganak lang din ako sa ibang lugar, gusto ko lang dala-dala ko pa rin yung past memories ko. Tipong reincarnation na may cheats. Madaya. Lahat naman yata tayo gustong mandaya. Yung mga hindi nahuhuli siyempre mayayaman. Kapag nahuli mo naman, dadayain ka pa rin. Magaling masyado. Kapag may puhunan ka rin man lang, kung mamamatay ka rin man lang nang walang pag-iiwanan o maraming naipon e bakit ganun pa rin kababaw mag-isip ang mga tao? Bakit ganon na lang tayo kadamot? Kapabaya? Kawalang respeto sa sarili?


Wala. Hindi. Mabilis din naman tayong mabulag. Kung naghihirap lang din naman akong hanapin ang sarili ko, kailangan ko lang namang magdesisyon. Desisyon ang tatapos sa lahat ng paghihintay.

Ay, Fuck

Nakipagpustahan akong hindi niya mumultuhin ang lahat ng makababasa nito.

Ah, ang paghihiganti, masakit man sa puso, marami mang nagsasabing mali, e kay sarap-sarap gawin. Ang hirap-hirap kontrolin ng sarili kapag gusto mo na talagang sumabog. Wala nang pami-pamilya, wala nang moral na pagtingin sa kapwa, galit-galit na lahat, nagkakalimutan na ang lahat basta lang mapatay natin sa isipan kung sinuman yung tarantadong hinubaran tayo sa harapan ng madla. Ang sarap-sarap patayin sa isipin natin yung taong mang-aagaw – mang-aagaw ng lakas, mang-aagaw ng kapangyarihan, mang-aagaw ng trip, mang-aagaw ng sarili, mang-aagaw ng moment. Nakasisira ng moment. Ang pagkakait sa iyo ng moment na masaya, sa harapan ng marami, mula sa taong hindi mo pa ineexpect, tapos tatawanan ka pa nila. Gusto mo nang mamatay, pumatay, pero tatawa ka o iiyak, tatanggapin mo na lang na inagawan ka na ng ticket. Tatanggapin mo na lang na may manggagago talaga sa buhay mo, sa hindi mo pinaka-inaasahang paraan. Nariyan lang sila parati, malapit sa atin, yung mga gago, kasi mayroon din naman sa amin, sa bahay, sa bahay ng nanay ko.


Simula noong naikasal na lahat kaming magkakapatid, isa-isa na naming iniwan ang aming nanay sa aming lumang, kinalakhang bahay. Tipikal na kuwentong Pinoy na maagang namatayan ng ama dahil sa malubhang sakit kuno at matiyagang pinalaki ng nag-iisang magulang. Tatlong babae lang naman kami, at si Nanay ay may puwesto sa palengke. Basta’t may kita, nakakaraos, at nakaraos naman. Para icelebrate naman kuno ang tagumpay na naabot ni Nanay bilang ina, napag-usapan na naming magkakapatid na taun-taon kaming magrereunion sa bahay namin dati, kasama ang aming kanya-kanyang pamilya.


Taun-taon, tuwing Pasko, maglalaan kami ng isang araw upang magsama-samang muli at mag-establish na rin ng connection sa pagitan ng magpipinsan, magtitita at maglola. Masaya na rin naman, yung mga reunion namin, maraming pagkain, maraming babies, maraming dapat icongratulate.
May anak nga pala ako, si Meg. Magf-1st year high school sa pasukan. Excited na excited parati pumunta sa bahay ng lola niya kasi masarap nga namang magluto si Nanay. Ewan ko ba kung bakit sa aming tatlo e ako lang yung hindi naturuan magluto. Parati raw kasing babad sa mga libro at TV noong bata, noong nagkolehiyo na e lalong hindi na nakakausap sa bahay. Ngayon, e sablay man kami ng aking asawa sa pagpapatikim ng sarap ng lutong bahay, bawing-bawi naman si Meg sa isang araw na pananatili sa bahay ni Nanay. Naihanda na niya ang sarili niya sa masasarap na putahe.

Bagong-bago ang video cam na binili ng aking asawa, aralin ko na raw para magamit sa nalalapit na pagpunta namin sa bahay ni Nanay. Maganda na rin yung pagrerekord ng mga alaala sa ngayon. Kung dati, parang itsinitsismis lang ang mga karanasan, oral na paghahatid ng mensahe at kolektibong pagpapasa ng mga imahen nang pasalita, pakuwento. Kasabay na rin nito ang pagsusulat ng mga tinatamad magsalita o mahina magsalita at mas mabilis pa ang takbo ng utak at lundag ng daliri kaysa sa paggulong padapa ng sariling dila. Hanggang sa naimbento na ang camera para mas madaling pasok ng mga imahen at karanasang alaala na pilit sumasabog sa utak, nakapagpapangiti, nakapagpapaiyak at kung minsa’y nakapagpapahiya ng panloob na karakter at naising magpuslit ng kutsilyo sa kusina para maglaslas nang panandalian. Marami kang maaaring sabihin sa C4 ng iisang larawan lamang, saka ka raratratin ng iba pang mga kasama nito sa kanilang album. Maya-maya tatawa ka, maya-maya, mahihiya ka. Tapos ito nga, itong hawak kong video cam. Gumagalaw na mga imahen. Video. Cam. Video Cam. Puwedeng-puwede kasi hindi mo na kailangang mag-imagine ng kunwaring audio na ginagawa mo lamang sa diary nang may diary, sa talsik ng laway ng matanda at sa litrato nang may litrato.


Handa na ang lahat. Papunta na kami sa bahay ni Nanay, sa bahay namin dati. Nagpapasabog na naman ng uluhati pagkakita ko pa lamang sa gate namin. Sa punong manggang itinanim ni Nanay at namumunga ng matatamis na mga mangga kapag summer na. Ayaw ko nga lang ng malalambot at matatamis. Mas gusto kong mangga e yung manibalang – malutong at bagay na bagay sa bagoong. Mas gusto ko rin yung puting hilaw na hilaw pa na mangga kaysa sa dun sa matamis na matamis na hinog. Ayaw ko ng hindi babagay sa bagoong ko. Hihintayin ko iyong malaglag noong bata pa ako kasi kahit gamitin ko yung panungkit e hindi ko pa rin naman maaabot. Kapag nalaglag ang hilaw, puwede pang kainin kasi hindi ito sasabog, di tulad ng hinog e nagkakalat lamang ng laman kapag nalaglag na sa kahit lupang tinamnan.


Tapos yung libingan ng aso naming si Spot. Pinangalanan namin siyang Spot kasi may black eye siya sa kanyang kanang mata. Hindi namin siya binubugbog no pero pagkapanganak pa lang sa kanya e kitang-kita na agad ang itim na bilog na pumapalibot sa mga inosente niyang mata. Mabait na aso iyang si Spot kaso nga lang e askal. Pero di naman tulad ng ibang may alagang imported na aso, hindi namin itinatali si Spot. Malaya lamang siyang magkakakalat ng mga tae kahit saang parte ng tapat ng aming bahay. Kami na rin ang bahalang humarang sa kanya kapag may gusto siyang sakmaling bisita. E kung nagwawalang aso lang din naman, tinapay o kahit na anong mabangong pagkain lang naman ang solusyon kay Spot. Hindi rin siya nagkaroon ng kulungan. Hindi naman sa katatamaran naming panatilihing malinis ang kulungang araw-araw rin namang babaho, pero kasi mas gusto naming nakikita ang aming aso bilang aming kaibigan, hindi lamang bilang security guard. Parang ang pangit naman kasing tingnan, kapag pinapakain mo, makikipaglaro kang sandali, tapos ikukulong mo. Okay na sa aming nakapaggagala siya kahit sa palibot lamang ng aming bahay.


Saka ko lang namataan si Nanay, nagwawalis. Gawain naman na niya yan. Gustung-gusto niyang malilinis ang aming mga kuwarto, ang buong bahay, ang tapat ng bahay, ang tapat ng tapat ng aming bahay, ang aming kapitbahay, ang aming mga bag, ang aming mga damit, ang aming mga katawan, katawan ni Spot, mga tae ni Spot. Binati ko ng good morning si Nanay, naggood morning din naman siyang pabalik sa akin, nakangiti. Itinabi na ang walis pagkamano ko, saka kami dinala papasok ng bahay. Nagmano na rin si Meg. Habang kami’y papasok ng aming bahay e nauna na ako sa kusina saka si Meg ay naiwan sa kanyang lolang nakikipagkuwentuhan kasama ang iba niya pang mga pinsan.


Kuwentuhan na lamang muna. Nandoon na rin yung mga kapatid ko, naghahandan ng maihahain para sa hapunan, para sa Christmas Eve. Kuwentuhan sa kasal ng mga tao, kuwentuhan sa mga sakit, kuwento sa concert ni Gary V, ni Lady Gaga, kuwento tungkol sa baby ni ganyan, baby ni ganito, kuwento tungkol sa damit, sa sapatos, kuwentuhan sa nangyayari kay Kris Aquino, kay Lea Salonga, kay Bong Revilla, mga kuwento nina Jessica Soho, Korina Sanchez, Marc Logan, kuwento sa mga pelikula, sa mga series, sa bago niyang laptop, sa bago niyang asawa, sa bago kong video camera. Ay oo nga pala! May dala nga pala kaming camera. Tinawag ko na si Meg para magsimula nang irecord ang aming reunion. Kaway sa camera. Ngiti, dapat parating walang problema. Walang hiya-hiya, nagtatago ng hiya, nahihiya. Hindi na dapat pang makita ng ibang tao kung sino kami, kung sino sila, kung sino kayo. Sa unang pagkakataon, may mangyayari na rin ba? Sa unang pagkakataong nagrerecord kami ng aming reunion, masaya, walang problema, dapat.


Tapos gabi na. Hapunan na. Masarap din naman yung pagkaing niluto naming magkakapatid, kaso e mas gustung-gusto ng mga bata yung luto ni Nanay. Hindi naman kami nagseselos o naiinggit e sa nahulog din naman na kami sa luto ni Nanay. Nang matapos nang kumain ang lahat, dumeretso na lahat sa sala, para magkuwentuhan na naman. Kuwento ni Lola naman, fiction naman daw. Fiction na kuwentuhan. Ang daming sinasabi ni Lola, marahil e siya lamang ang naiiwan dito talaga sa bahay at tuwing Pasko nga lang kami umuuwi, baka wala siyang nakakausap. Kahit na sa tuwing Paskong pagpunta namin ay niyayaya namin siyang sumama na sa amin, ayaw niya. Madikit na talaga siya sa bahay na ito, sa bahay namin, sa bahay niya, sa bahay na siya ang nagtaguyod. Marahil ay kung gusto niyang malagutan ng hininga e dito na lang siguro mas maganda. “Meg!” sigaw bigla ni Nanay sa anak ko. Pangiti namang ibinigay sa akin ng aking anak ang camera para siya naman raw ang makikita. “Meg, gusto mo bang makipagpustahan?” Malabo. Hindi naman sa hindi ko papayagan ang aking anak na mabulag sa saya at lungkot na dulot ng mga pustahan pero ang malabo sa akin e bakit ganito na lamang ang wika ni Nanay? Pustahan? Hindi ko maintindihan. Bakit pustahan? Anong meron kay Nanay at nakikipagpustahan na siya? Sa bata pa? Pero naisip-isip ko lang naman iyon, todo record pa rin ako sa kakaibang pangitaing pakiramdam ko lang naman e nakakagulat, pero hindi. “At dahil nagdadalaga ka na, pusta ko e hindi ka pa rin tutubuan ng tagihawat sa baba.” Malabo pa rin. Malabo. Hindi ko na talaga maintindihan. Wala na talagang sense. Kung sa bagay e kung nagkakatuwaan na lang naman, bakit ko pa hahanapan ng sense. Kasama pa yata ako sa sumigaw na GAME! GAMMME O!! Papayag na yan! Pumayag naman ang anak ko. Edi game.


Maya-maya e hinila ni Nanay papaakyat ng hagdanan si Meg. Hindi naman na nagtanong si Meg, nakangiti lang. Ako rin, nakangiti, kami-kami, habang nirerecord ko pa rin ang mga nangyayari. Dahan-dahan na siyang hila-hila ng kanyang Lola. Ipinatong ang kanang kamay at braso sa ulunan ng kanyang apo saka hinawakan ng kanyang kaliwa ang baba ni Meg. Itinulak niyang pabigla sa metal na hagdanan habang pilit na idinidikit ang baba rito. Tulak, higpit, sigaw. Bahala ka! Lahat kami e tawa nang tawa. Si Nanay talaga makapagbiro o! Sige, tawa pa, habang si Meg e nakangiti lang din. Malabo na ulit. Lampas isang minuto na siyang itinutulak. Mukhang ayaw na ni Meg. Pawis na pawis na si Nanay. Humihigpit ang kapit sa mukha ni Meg, saka niya iniuntog na sa bakal. Paulit-ulit niyang iniuntog ang ulo ni Meg sa bakal na kapitan. Dumadagundong na, jingle bells, jingle bells, jingle all the way. Hindi ko naman matanggal ang record. Malabo talaga. Minsan lang ako makakita ng ganito, kahit na sa anak ko, mukhang kailangan kong mairecord, para marahil sa kuwentuhan, ulit. Nang tiningnan kong mabuti e sinisipa lang naman pala ni Nanay yung hagdanan. Wala namang nasaktan, nabukol, hindi naman pala bumabangga si Meg. Nang pakawalan ni Nanay si Meg e tawa naman kami nang tawa habang ang anak ko e iyak nang iyak sa hiya habang umaakyat. Nawala na siya sa sakop ng videocam na hawak ko. Si Nanay naman e hinihingal, nagpupunas ng pawis, kaway at ngiti rin sa camerang hawak ko. “Wirdo mo Nanay talaga! Hahaha!” Tawa habang naghahabol ng hininga naman ang ibinalik na lang sa akin ni Nanay. Maya-maya e tumatakbong pababa si Meg, “BULAGA!” habang pabiglang pumatong sa balikat ng kanyang Lola. Kitang-kita sa camera ang nagulat na mukha ni Nanay. Mabilis na tumingin papaitaas ang kanyang mga mata hanggang sa nag-itim ang mga ito habang nakabukang gulat na gulat ang kanyang bibig. Papahigop na huling boses ang aming narinig mula sa kanya, hanggang sa ang tawa ni Meg e napalitan na ng pagkagulat. Itim na mga mata, bukambibig, mukhang nakaharap sa camera, hindi na humihinga si Nanay.


Kung akala ko e makapagkukuwento lang ako tungkol sa power trip ng nanay ko sa aking anak, nakapagpasok pa ako ng nagulat na bangkay sa aking videocam. Kung bakit itim na lamang ang kanyang mga matang hindi maisara, hindi ko na masabi. Habang kinakausap kita ngayon e paulit-ulit ko pa ring inirereplay ang eksena simula noong tumatakbong pababa si Meg hanggang sa mamatay ang lola niya nang nakanganga. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Ulit. ULIT. ISA PA? IKAW NAMAN DAW.