Hindi ko na minsan maunawaan ang iyong mga tanong. Ang iyong panghihikayat na walang kabuluhan. Sa aking paghigop mula sa tasa ng tsaa, mapapansin kong lalo ang mga linya sa aking noo. Hindi pa rin kita makilala nang lubusan. Paano ko ba itong sisimulan?
Tulungan mo akong mapigilan ang walang katapusang pagpitik ng aking daliri paibabaw sa himpapawid. Bakit ba ay hindi matikum-tikom ang bibig ng mga alikabok na hindi na sinubukang managinip pa? Dalawang beses na akong nagsasalin ng tubig sa pulot at asukal. Nais ko na sanang mabigyan ng hustisya ang lahat ng paglanghap na ikaw lamang ang nagsasayang. Matuwa ka pa nga sa aki't ako ang kinakabahan! Hindi na biro ang minu-minutong paglampas ng diwa. Ang tyempo ay madalang, maaari pa ring kumurap. Ngunit ang hindi pangangalaga sa pag-iisip ay makasisira lamang ng bait.
Magkakasakit na naman ako sa aking mga medyas, patawarin mo na ako. Hindi ko naman sinadyang magalit ako sa iyo. Ang intindihin mo na lamang ay ang pag-intindi mo kung naiintindihan mo pa ba ako. Sa halip na tumingin sa kawalan, pakawalan ang pagtingin. Malalaya ang mga nararapat na pasukin ang tagubilin dahil kung nagagalit at lumuluha din ang kalangitan, hinding-hindi dapat tayo pauuto sa palakad ng salubsob na minantsahan ng dugo.