Parang luma nga ba muna bago ang salita? Sa aki'y naghahabulan ang dalawa. Paunahan pa nga yata. Minsan, nauuna ang mga salitang gustong magpaayos mula sa pagkakabuhol. Tatawagin nila ako. Hindi sila titigil. Mangangati ang palad ko sa atat. Mamahalin kong muli ang aking sarili. Mamahalin kong muli ang mundo. Dadarag nang pagkatindi ang sanlibong mata saka ako makalilikha ng gusto kong larawan.
Mamahalin ko rin siya. Ako na ang siyang mag-aabang sa pinto, siyang kukuha ng kanyang pasan, at magtitimpla ng kung anumang asukal at kape, o kapote at tsaa. Sabay naming pagmamasdan ang marilusong usok, at 'di ako sadyang mapapaso. Siya'y magtataka, ngunit sasagutin ko lamang siya ng ngiti. Ayaw ko siyang nag-aalala. Ako lamang ang kanyang aalalahanin. Ako lamang ang kanyang maaalala.
Siya na lamang ang gusto kong alalahanin. Siya na lamang ang nais kong makikita. Sisipsip siya sa umpisa. Papanoorin ko lamang siya. Papanoorin lamang namin ang isa't isa, hanggang sa makaubos na kami ng tig-isang tasa. Hindi pa rin natatapos ang sagutan ng aming mga mata. Maraming pagpigil, hanggang sa hindi na niya mapigilan.
Hindi ko siya pipigilan. Abala ko lamang na ililigpit ang aking sarili. Kakalimutan kong muli ang mundo. At kusa na naman akong titigil.