Mata lang naman madalas ang mahalaga. Puwera na lang kung dalubhasang mapagpanggap ka. Mahirap hulaan kapagka ganoon. Kaya madaling mahalata sa telebisyon 'pag hindi marunong umarte.
May mga panahong kaya kitang unawain. Ikaw lang din naman ang nag-aabot ng iyong sarili, kahit na hindi mo sinasadya, at pag-akalang katulad ko ang ibang mga maniking nakasalamuha mo. Sanay rin naman akong magkubli, kumukulay pa rin ang aking mga pisngi.
Parang may kung anong talas sa iyong mga pungay. Takot sa bawat pangikot. Kilig sa mangilang pagbibiro. Gigil sa bawat pagpipigil. Lumbay sa bawat pagkulong ng sarili.
Hindi kita kabisado pero kilala na kita. Pero hanggang doon na lang ako sa kung gaano ko lamang kayang puwersahin ang aking sarili na saluhin ang nakapangingilig mong titig. Hindi ko pa kayang isipin ang panahong nagpapakilala ka na siguro nang lubos sa akin, at pinili ko pa ring ipakausap na muna sa iyo ang ibang ako, ibang pares ng 'di pa rin sinungaling.