August 21, 2021

Hindi kailanman magkakaroon ng perpektong halimbawa, perpektong sining, sining na hinala. Sining na malawak, sining na may silbi, sining na hindi na paulit-ulit pang ikukubli. Sa sining ng may paki, sa sining ng may alam, ang sining na 'di mamamatay, subalit walang nakaalam. Ang sining ay hiwaga, sining na galing sa mga tala, sa ibang mga lupalop na lupa, sa gitna ng mga alon at laya. 

Pilit na pipiglas, hindi panatag na makakaahon. Patuloy na maghihintay matapos ang panghabambuhay na hamon. Hindi kailanman pang makikita kahit sobrang sikat ng liwanag. Kapag sinubukan pang itago sa lihim, hindi pa rin ganap na siwalat sapagkat ang sining ay masking banayad, masking galing sa diwa, maski pang himig ng animo'y nagbibirheng dila, maski pang hinukay sa kailaliman ng dusa, sa yakap ng pighati, sa yaring nagkukusa, nananatiling 'di buo, puslit lamang na may tila hinahanap na pagkatao, tinatantyang 'di gasino, 'di alarma, 'di pugot ang ulo ni hindi rin buhay.

May pag-aagawang namumukod, hanggang kailan mag-aantay para masinop, makilatis, maubod ang siyang nais? Hindi na siguro kailangan pang pag-usapan 'pagkat ang sining ay sining, hayaan lamang ang isipan. Ilatag ang kumot, mga kakampihang unan sa panaginip. 'Pag hinayaang sumining ang sining, wala namang dapat ikagalit.