November 7, 2013

Sa Ating Alaala

My girlfriend wanted me to do her writeup for her yearbook.


"Yes, UP ako," paulit-ulit na banggit sa sarili. Wala naman sigurong nag-isip na paminsan-minsan, kabaligtaran din ay masasabi ko. Hindi ko pa inisip noon, noong freshie pa ako. Hindi pa ganoong kakritikal mag-isip. Hindi pa ganoong nakakikita ng mga bagay na hindi pa nakikita. Hindi ganoong nakapag-iisip ng mga hindi pa naiisip. Kinilala lamang ako noon bilang taong mahilig sa musika, tahimik pero masiyahin. Kasama ang aking mga kaklase nang matagal sa paglikha ng mga ideya, pagpapagana ng hiraya at siyempre, sa pagguhit ng iba't ibang mga lugar nang mayroong malalalim na pinagbabatayan, natuto akong tumanggap ng negatibo ngunit makabuluhang kritisismo. Napagtanto ko ring hindi lamang purong talino ang kailangan para maging matagumpay. Hindi pa pala ako magaling talaga at lubhang marami pang maaaring mapaunlad sa sarili ko. Kung akala ng iba, alam kong magaling ako kaya ako nasa UP, maaaring magkamali sila. Sa kaunting banda, maaaring makitang tama iyon ngunit nakikita ko ang UP bilang nagtulak sa aking tingnang muli sa salamin ang aking sariling nagkakamali, nakalilimot, at kulang na kulang pa ngunit patuloy namang nalilinang ang angkin. Sa kabila ng lahat, nais kong maiwan ako bilang alaalang kahit na nahihirapa'y nakangiti pa rin sa lahat ng oras.