Oo nga. Ito na nga. Hindi ko naman talaga sinasadya. Hindi talaga. Pramis. Peksman. Oh, man. Bakit ko ba ginawa iyon? Bakit ko nga ba sinabi 'yon? Bakit ang hilig ko sa gano'n? Bakit ang hilig ko mangganon? Parati na lang bang mabilis kasing nangyari ang lahat? O mabagal lang talaga yung mundo ko no'n? Parati na lang bang kung natural e pagbibigyan na lang? Ano nga ba ang natural? Totoo ba talaga 'yon? Totoo ba talaga yung normal? May normal ba talaga? Nakakabit ba 'yon sa kultural, sa sosyal?
Akala ko dati, sosyal ka. Sobrang dali naman kasing bumuo ng first impression kahit hindi mo pa nakakausap yung tao. Parang sobrang dali na lang parating magkamali. Tapos minsan, masarap pa, saksakan ng sarap sa pakiramdam, masaya pa pati.
So kung gano'n, bakit ko pa rin kinukuwestiyon ang ginawa ko, yung ilang sinabi ko sa'yo, at mangilan-ngilan pang gusto kong sabihin, ikuwento, at mapansin sa'yo. Hindi naman ako madalas magbiro, pero ang hilig mo pa ring tumawa. Galit na galit na sa'yo si Universe pero nililigawan mo pa rin siya. Hihiga ka na lamang muli't makikipagsapalaran kasama ang mumunti mong pulang kasalanan.
Bukas. Dukot. Sara. Hanap. Tang ina. Lighter. Wait -- sira nga pala yung lighter mo 'no? -- literal at hindi. Poetry pa. Akala mo naman, hindi ako nakauunawa. Para kasing, ano ba, ang hirap tuloy ipaliwanag. Pero okay pa rin naman makinig sa'yo. Uupo ka na lang bigla. Titingin. Ngingiti. Magkukuwento. Gusto ko rin minsan yung gano'n, kasi... kasi nga, wala masyadong nakikinig sa akin. Wala akong masyadong kausap. Kung meron man, boring pa rin ako at wirdo. Wirdong-wirdo ako. Tapos, bobo pang madalas. Tsamba na lang kung mapatawang muli kita.
At! Nakatsamba ka rin sa wakas sa lighter mong tang ina. Higop. Buga. Usok. Nikotina. Isip. ... Ang dami masyadong silences. Enjoy rin namang nakaupo nang nag-iisip. Pero okay ring mag-isip nang walang iniisip. Okay rin yung wala talagang iniisip. Nakatulala lang sa dalawang mata muli ni Universe. Mag-iisip, tapos, tatahimik. Tahimik. Ano pa nga bang masasabi ko sa'yo?