August 19, 2024

XIX

Hindi mo alam kung alam nila. Pero parang ganun na rin siguro. Paano bang hindi nila mahahalata na tumatagaktak na ang iyong pawis. Kung sa'n-sa'n ka nang napapalingon. Markado ang iyong buong paggalaw ng kawalan ng tiwasay. Wala nang ibang kayang makaabala sa 'yo. Kahit anong isipin mo e patungkol na lang lahat sa diyos at pag-asang bawian kang panumandali ng buhay. Sana.

Sana nagbaon ka man lang ng wet wipes. Sana itinalaga mo na lang bago ka pumasok. Sana hindi mo dinamihan ang kain kanina. Sana meron na lang bidet sa pinanggalingan mo. Sana hindi na lang pinagtatawanan ang mga katulad mong tila abnormal kung gagawa ng normal naman kung susumahin. Sana, sana, sana. Labas sa iyong pangkaraniwang pagpapalusot ang perpekto dapat na pagpapatakbo ng imahe. Sa kalaunan mo pa madidiskubreng maski ang mga perpektong tao ay apektado rin ng suliraning pasan-pasan mo sa ngayon.

Ngayon ay umaalug-alog ka pa sa jeep. Titingnan mong muli kung may nakatingin pa ba sa iyo. Pipikit ka at magmamakaawang muli. Susubukan mong isara ang nag-iisang lagusan ng iyong pagkamatay at katapusan ng lahat. Wala nang iba pang mahalagang bagay kaysa sa kaganapan ng iyong daos. Pinapakiramdaman kung sakaling may iaatras pa nang makapagbigay sa 'yo ng mangilan-ngilang paghinga nang maluwag.

Didilat kang muli. Lalong nagpapasikip sa dibdib mo ang kinang ng dilaw na ilaw. Puke ng inang ilaw 'yan. Lalo mo lang din nararamdaman ang pagdulas ng gabutil mong mga pawis sa pisngi. Natatakot kang baka umigsi ang pasensya ng peligro 'pag sinubukan mong abutin ang iyong panyo nang makapagpunas man lang. Hinayaan mo na lamang silang lahat habang hinahalakhakan ka nila sa kanilang bawat pagdaan.

Sumilip kang saglit sa labasan. Ilang minuto na lamang at makakarating ka na. Saka mo na iisipin ang lakad pauwi, makababa ka lang sa iyong unang punto. Bilang mo na sa daliri mo ang bawat liko bago ka pa mag-umpisang magdasal muli. Kahit papaano, naibsang saglit ang pilipit at mukhang aabot ka sa ibang langit. Pero hindi pa rin nawala sa isip mo na baka salisihan ka't huminga lang din pala siya nang maluwag bago biglang kumawala.

Kahit hanging papakawalan, hindi ka na umasa sa sakali. Baka kung ano pang maging kahinatnan nito. Kinonsidera mo na rin kung sakaling may tahanang malapit na maaaring magmagandang-loob sa 'yo. Bawat tindahang bukas, tumataas ang tsansang makapalag ka pa sa nalalapit na pighati. Ngunit bawat pagpara'y suklam ang inaabot mula sa 'yo na dumadagdag lamang sa kabuuan mong kabagabagan.

Sa wakas, umabot na rin ang jeep sa iyong babaan. Hindi ka pa rin nakipag-unahan sa pagbaba dahil baka mahalata ka nila. Minamadali mo sa iyong isip ang bawat makupad na kumikilos. Sa segundong nakatapak ka na sa kalsada'y tila lumuwag-luwag din ang iyong pakiramdam. Ngunit hindi ka pa rin umasa.

Kung tatakbo ka, baka lalo ka lang mapahamak. Maglalakad nang normal, ikakamatay mo rin. Lahat ng inipon mong pagpapanggap ay naiwan lang din sa jeep dahil sa tulin ng paglalakad na ipinamalas sa mga nalalampasan mong pasaherong kapuwa naglalakad tungo sa kani-kanilang tahanan. Malayo pa ang sa 'yo... at naramdaman mo biglang paunti-unting malapit ka na rin.

Kasabay ng bilis ng tibok ng puso mo'y nagdasal kang muli at ipinaubaya nang puwede nang pasubalian ang mga nakapila mong ibang hinaing. Mabuhay ka lang sa oras na ito. Sa bawat madaling hakbang-lakad, tumutulak ang iyong pilit na ipinipilipit. Umabot ka rin sa gate.

Sa pinto. Mga taong pinansin ka pero hindi mo pinansin. Ibinato mo sa sahig ang iyong bag. Umabot ka sa pinto ng banyo. Pumilipit muli ang kasawian pero kailangan mo bang magtanggal ng kasuotan. Isinalpak mong malakas ang upuan. Isinalpak mong pahulog ang iyong puwitan. Ibinulwak mong lahat ang sama ng loob na matindi mong inalagaan sa jeep.

Isa na namang natunghayang himala.