Sa halamanan. Inaantok na rin ang
Araw sa isang buong masid, isang
Buong hawig na hawig at hawig
Sa lahat ng mga iisa at nag-iisa.
Bakit pa nga ba akong muli't
Muling naghihintay ng tatabi?
Ay siya't mauupo na muna ako
Rito sa isa pang himlayang bakante.
Kukumustahin kong panigurado
Ang paulit-ulit kong paalalang
Natatapos ding managinip ng
Tubig-ulan ang mga patuloy na
Nagpapasamyo ng aking pag-iisa.
Matatabig kong saglit ang mesa,
At mapapansin kong bigla na
Malamig na naman ang aking
Tinimplang kape. Oo nga pala.
Sabay, ewan ko, dukot sa may
Kaliwang bulsa. Saka lamang may
Pagtantong muli na andito na pala
Ako. Saan ka na? Andito na dapat
Tayo. Halika nang muli sa akin.