2015.
Pumunta ako kagabi sa Blackout yata yun ng Aces yata yun, malay. Sinama lang ako ng mga kaibigan ko kahit wala akong pera. Umutang lang naman ako.
Una kitang nakita malapit yata sa bar, papunta ako dun. Nakapula ka, I think, na dress? Hindi ko alam. Madilim. Nagtagpo yung mga mata natin, halos dalawang segundong titigan, tapos kaunting paninigurado kung kilala ba natin yung isa't isa. Sabi ko sa sarili ko, bahala na, kakaway na lang ako.
Kumaway naman si gago. Kumaway ka rin pabalik. Hindi ko na maalala kung naghello ka ba, o hi. O kamusta.
Hindi mo yata ako kinamusta kasi hindi ko naman maalalang may sinabi ako tungkol sa hindi pa ako graduate. Tinanong mo lang yata kung sinong kasama ko. Sabi ko, ako lang.
Magkabatch tayo, alam ko. Magkablock pa nga yata. Kaunti lang naman tayo nun. Una yata kitang nakabond nung enrollment, First Year, Second Sem. Hindi ako marunong magtanong dati kung anong pangalan ng isang babae.
Kakahiya. Iniisip ko kasi baka isipin mong may motibo agad, o something. Tanga ako eh.
Pero meron din naman. Or wala. Hindi ko alam. Hindi ko alam yung pangalan mo. Kaya siguro nung nagkita tayo kagabi, wala rin tayong mapag-usapan. Ay, hindi mo pala ako kinausap. Pero okay lang.
Hindi okay na hindi ko alam yung pangalan mo.
Nagkataon, siguro after 1-2 hours na pagwawala ng mga tao sa bar, at pagdrop ng bass, nagkita muli tayo. Or nakita lang kita ta's nilapitan. Tapos nagkita nga tayo. Natatawa kasi ako sa'yo kaya nilapitan na kita. Nilalabanan mo yung kalasingan, pagkahilo. Para kang puno ng malunggay na malapit nang tumumba sa lakas ng hangin, pero ayaw patinag. Steady kang nagheheadbang, papikit-pikit, pilit na hinuhukay sa ilalim ang malay pero sa sobrang lalim mo na yata e mukhang hindi ka na makakaahon.
Pilit na lang din akong lumapit sa'yo.
"Haha! Alam mo ba 'tsura mo? Gan'to ka na oh!"
Sabay nagpatumba-tumba rin akong malunggay.
"Isuka mo na kaya 'yan."
"HAAA?!"
Lumapit ako sa kanang tenga mo, "Isuka mo na 'yan."
"Saan ba puwedeng sumuka?"
"(Malamang hindi rito at sa CR.) *turo sa banyo. Doon."
"Saan?" sabay patong ng kamay mo sa balikat ko. Naramdaman ko yung bigat ng pagkahilo mo. Hanggang sa dalawang braso mo na. Lalong bumigat. Itinulak mo na ako, at sumunod ka naman sa akin.
Inalalayan naman kita tungo sa banyo. Inalis mo na yung nakapatong mong mga braso. Hindi ko na rin maalala kung nagthank you ka nung naglalakad ka na papasok.
Tumawa na lang ako.
Umiling.
Ngumiti.
Umalis.
Wala na yatang pagkakataon pa para magtanong ako ng pangalan kung gano'n mo na ako kakilala. Parang nakakahiya ulit.