May paglumanay nang yayakap, muli. Hahagkan ang matagal nang hindi nasisilayan. Muling mabubuhayan ng loob ang interes sa bawat nilalang ng daigdig. Susubukan nang lampasan ang mga barikadang siya lang ding may likha, likha ng isip na 'di mapakali. Magpakadali na munang humanap ng payapa, ng pamamahingang may pagkilos. Hindi iisipin ng marami ang kadahilanan ng iilan. Hayaan nang lumuwas sa lungga ang pagkakuha ng buo nang mga pakiramdam. Palayain ang pag-iisip, ilayo na ang sarili mula sa pagkakakahong dala ng kontra-kultura, maibutod lamang muli sa kaakuhan ang pangunang salaming inagaw.
Kung tanyag ma'y may pagkakakilanlan, labanang bumawi sa mailulusot na paraan. Ngunit huwag ituring na pag-usapang ang pagkimkim ay hindi matatapos. Magkakaroon at magkakaroon ng pagkakataong uusbong ding kahit kay sikip ang mga kating kakilig kung kamutin. Takpan man din ang liwanag, ugaliing makasigurong walang senyas ang walang bahid. Kaunti lamang ang nagsasabing madali ang makiramay. Itulak nang sagaran, ngunit huwag sisilip, 'pagkat espesyal pa rin sa mga yawa ang kung may makitang mali sa hinaharap, siyang kasalanan ng mga naglalakad na muna't magpapahinga.
Gunitain sa bawat umaga ang paggising ng kumot at unan sa malansa-lansang napanaginipan. Itumba ang mga lasing, ipagmaneho ang mga uuwi, sakaling umulan ng biyaya, sana'y makarating nang 'di apurado ang paglalaanan. Masinsing hihimlay sa kumot at kamang nag-aabang lang din, magpakasimot sa hagkang matagal nang 'di nakikilala. Muling yakapin ang mundong malumanay.