January 5, 2019

Winala niya yung tula ko para sa iyo. Malay ko ba. Siguro kasi, pawang mga salita lang naman ang mga iyon. Naaalala ko yung mga araw na sumasagot ka pa sa mga kilig ko ukol sa kanya. Hindi ko rin inasahang maririnig ko mula sa iyo na nais mo na rin sanang maranasang magmahal. Kinilala ko pa noon kung sino ang iyong tipo, at kilala ko rin kung sino yung tipo ka. Hanggang ngiti na lamang ang lahat. Sinubukan kong ipakilala sa iyo kung sino ka nga bang talaga.

Minsan, iniisip ko rin kung bakit ganoon at patungo saan. Baliko sa mata ng tao, walang kinalaman ang mundo. Wala ring may pakialam pumatol. Walang may gustong sumagip, dahil wala naman ding sasagipin. Kung anuman siguro yung nakita ko, akin na lang muna iyon. May kaunti siyang aninag. Hindi ko alam kung alam mo na.

Ang alam mo lang siguro sa ngayon eh, kung paano kong nililito ang aking sarili sa bawat pagpulupot ng langit gawing panaog. At sa bawat halimuyak ng pabadyang bati ng pisngiang mamula-mula, tanging paglingon lamang ang inaabangan ng 'di gaanong gising na matyag.

Simpatiya mong tunay ang naghatid ng mga ngiti.