Bumangon ako kasi parang may nakita akong kung sinong baka makilala ko o makilala ako. Nag-abang ako ng galak, hindi ko itatanggi. Pumait ang lasa ng malalamig na butil ng pawis. Lalong lumamig ang aking sikmura hanggang lalamunan. Sumakit yung mata ko pero ayaw ko namang kamutin. Kamay lamang ang naisagot ko pati hinangong hininga. Kilay lamang ang isinagot sa akin sabay ngiti. Ipinaalam kung may mapagtataguan pa ng panggagalingan sa kahapon. Isinagot kong saglit lamang at pero sige tara doon.
Nakita ng dalawang iba pang kasama. Inamoy ko ang salas, maginaw pa rin sa may gate na hindi niya isinara. Mukhang inaantok pa siya at ayaw nang pagtimplahan na muna ng kape. Kumubli siyang agaran sa kama, sa puting mga kumot, puting mga unan, puting bed sheet na biglaang nagsilambutan at luminis, 'ki ng ina.
Kinamot ko na yung mata ko, baka sakaling maniwala na ako sa sakit na bumabalik sa aking dibdib. Pinilit kong magising ang aking diwa. Parang gusto kong umulan na lang bigla tutal mahal ko naman ang daigdig kapag sumasabay siya sa aking kalungkutan, sa aking paghahanap ng kulimlim at mga dismayadong pusa at langgam sa kalye. Mayroon pang mga natirang kalat na bangkong kahoy, mga hindi nawawalis na dahon, mga kalat na tansan. Maririnig ko na yung taho sa wakas. Nalingat nang sandali ang aking isip.
Pagpasok ko, mahimbing na siya ng tulog. Tumakbo akong muli papalabas para hanapin yung nagtitinda ng tabloid. Diyan na siya siguro muna. Hindi pa naman nag-aapura ang aking mga ngipin at labi, aking bibig sa gutom. Masakit pa rin yung mga mata at dibdib ko pero hayaan mo na. Andiyan na 'yan e at diyan na siya muna.