Lumumanay na nang marangal, may pagkung anong hinanaing. Bawat tanong ay hindi kinakailangang masagot ngunit hindi sinasadyang magkaroon ng pakiramdam muli. Hindi ipinahihiwatig na ang mga nakatagong pagkakamali ay tungo na kaagad sa nagbabadyang hindi pagkakaunawaan. Mangyaring malaki lamang ang pagkalugod sa taal na pagsasarili bagkus ay humimlay nang pahiraya hanggang sa makipagtagisang muli sa mga usok.
Nais nang umidlip. O kay layo pa ng katapusan. Sa mga nagsisising kalamna'y makapag-isip pa sana ng wastong tugong naaayon pa rin sa hinaharap. Ang paggising ay may kaakibat na pagsilip ng mga hindi inaasahang samyo ng ginaw sa parang. Nagsisilantayan na namang muli ang mga damo kung kaya't dapat nang ireklamo sa sanlibutan ang mga nais na hinding-hindi maisasakatuparan.
Masasabik nang masasabik, mapapaatras at mapapakamot sa ulo. Mga pinagkainang balat ng mga sibuyas at patatas ay hahamaking isauli huwag lang bumalik ang oras na nakalipas. Maipapaliwanag pa kaya ng harding siyang inutang kung ang pag-anyaya sa ngiti ng kalaba'y unti-unti nang nagiging kasabwat sa mga balak?
Darating ang maestro, at magsisiligpitang kay tulin ng mga kasalanan. Ang kaba sa dibdib ay segu-segundong mangunguwestiyon ngunit malay ring walang sinuman ang susubok na pumalag. Kakalabitin ang panganay at mag-eembudo ng mga sala. Sa huli'y magbabalik pa rin sa tugtugan ng mga pitik at tudyang tila wala na namang kinabukasan.