Maraming salamat sa mga panadyang kawalan ng silbi sa mundong ito. Wala nang dapat pang magpaalala. Araw-araw naman ang pagbangga ng mga kokote sa ambag na rin ng haring araw. Doon lamang akong mananatili sa iisang butas na kabit-kabit na timplata ng luntian at langis. Mangiyak-ngiyak pang magpapatihulog sa dyip bago pa umangkas ang sugo ng tanikala. Malabong mangyaring magkaroon ng hidwaan sa lamyerdang pinipili lamang din.
Nalulungkot ako, araw-araw rin, dahil ito ang aking pinakakaraniwang tikas. Ako ang mismong unti-unting pumapatay sa sarili kong mga pagitan at panaginip. Sa mga pangarap kong may sarili lamang hangganan, malimit ang magpabura na lamang sa ihip ng maiiksing kasiyahan na dulot ng liwanag. Ikinakahiya ko mismo ang paglamang ng sago sa gulaman. Ang pagsipsip ng bayag ay hindi malinis kung hindi malinis ang may-ari o ang yumayari. Inis na lamang na hindi kayang umunawa sa lagalag, mata ang pinagagana at hindi ang klima ng mga sentimyento.
Maaga pa para bumigay sa alaala. Ang padyak ng alak ay nagyayayang pumayak. Papaiyak ka nang sabik akong masampal ng bukas na diwa at pagpunas ng laway habang ako'y matiyaga lamang na nagpapakulo ng tubig bago maglinis ng aking simpatya. Saka mo na akong pansinin, o mas kung mabuti'y hindi mo ako kailanman nakita.